
Sa mga tumira sa puno ng Balite ng Malacanan maganda’t masarap ang takbo ng buhay ng pamilya nito sa basbas ng bayan. Sa ilan hindi sapat ang tinatamasang kasarapan sa buhay at naghanap ng labis. Walang usapin sa kakanin na kahit anong oras at uri ng ibig kaini’y magsisilbi basta’t sabihin sa mga taga pagsilbi. Pwede ang lahat at ito ang nakagisnan buhay simula ng maging tao sa mundong kinikilusan. Sa paglabas ng tahanan at lumaki ang mundong ginagalawan tila ‘di sapat ang kinagisnang luho dahil sa karagdagang natutunan sa mga nakasama. Ang matutunang labis higit sa labas ng kagalingan ang nagtulak sa mga ito na maghanap ng iba na may paglabag sa batas ng bayan. Gayung batid na may mga nasasagasaang tuntunin na kahit sa antas nila’y dapat sundin. Ngunit sige lang dahil tangan ng ama ang timon ng kapangyarihan ng bayan.
Sa masarap na kabuhayan, lumago ang yaman na ‘di malaman kung ano-ano at saan saan ito nakatayo. Tanging dokumentong tangan ng amang makapangyarihan at pagtitiwala sa mga negosyanteng kaibigan ang pinanghahawakan. Walang pagdududa sa gawa ng amang lilo, hanggang umabot sa kasukdulan ang ngitngit ng bayan at pinatalsik sa puno ng Balite ng Malacanan. Sa paglisan sa poder ng kapangyarihan, may mga ilang dokumentong naiwan na ginamit na basehan ng pumalit na pamahalaan sa pagbawi ng ilang kaduda dudang pag-aari ng nakaraan. Walang “shortcut” sa mga pagbawing ginawa. At sa mga nabawing yaman, ginamit ito sa pagbabayad danyos sa mga taong nakaranas ng paninikil at dahas sa pinalitang pamahalaan. At sa totoo lang, marami ang nawala at ‘di natagpuan.
Sa pag inog ng panahon nagkapalitan ng mga naging pangulo sa bansa na larawan na lumakas ang demokrasya. Patuloy na umiinog ang mundong bilog at tila nalusutan ang demokrasya ng halalang high tech kung saan magsisimula pa lang ang bilangan ngunit maagang natapos ang bilangan na pinapakita na ang anak ti’ Batac ang siyang nahalal. Walang pagtutol sa resulta ng halalan at nakapanumpa ang dapat manumpa. Nagtuloy ang galaw ng pamahalaan sa ngalan ng halalan sa ilalim ng demokrasya. Gumalaw ang mga sangay ng pamahalaan ayon sa kani-kanilang mandato. Ngunit kita na nasa puno ng Balete ng Malacanan ang may malaking bahagi at impluwensiya sa lahat ng sangay nito.
Pumili ang nanalong pangulo ng mga taong makakatulong sa pagpapalakad ng pamahalaan higit ang nasa ilalim nito. Nagsimulang maglibot sa loob at labas ng bansa upang ipaalam o ipabatid na balik ang pangalan ng dating pamilyang nagbigay tatak sa bansa. Binisita ang ‘di mabilang na bansa sa loob ng isang taon sa dahilan ng pagpapakilala at pagkalap ng negosyo o kapital na ilalagak sa Pinas. Ngunit yun lang ba ang dahilan? O’ baka may iba pang pakay ngayong libreng kumilos sa ngalan ng titulong tangan?
Sa pag iikot sa iba’t – ibang bahagi ng mundo masasabing mabunga ang mga lakad ni Boy Pektus ‘di ngalan para sa bansa ngunit para sa pamilya. Tila may mga nabuksan itong mga taguan na nagsasaad sa kung sino ang pinaglagakan ng yaman na ‘di nakuha ng pamahalaan dahil nasa ibang ngalan. Mapapansin na maging ang Estados Unidos ay lumambot ang pagtutol sa mga ginagawang pagbubukas ng mga taguan na ‘di man tuwirang yaman ngunit naroon ang mga dokumentong tinutukoy sa sino at saan makikita ang yaman ng pamilyang minsang lumisan sa bansa. Sa pagkalap ng mga dokumento magagamit sa pagbabalik ng nakulimbat na yaman mula sa mga dating “crony” ng ama, ang kasalukuyang legal adviser ng pamahalaa’y nagbigay ng pahayag hinggil sa ginawang kilos ng dating pamahalaan ng biyudang pangulo ng rebolusyon.
Sa dokumentong kapit at sa pagsasalita ng kalaro ni Matusalem, masasabing halos na sa kamay na ang pagbawi ng ilang yaman pinatungan ng ama ni Boy Pektus sa mga dating kaalyado na nagmatigas ng ilang dekada sa kawalan ng dokumentong pagbabasihan. Ngunit iba ang sitwasyon ngayon, si Dayunyor na ang may tangan sa kapangyarihan sa pamahalaan at natanganan ang dokumentong kailangan sa pagbawi ng mga nakaw na yaman na ipinagkatiwala ng ama. Nag-iba ang ihip ng hangi’y at ‘di magtatagal ay maibabalik ang nakaw na yaman na pinatangan sa kaalyadong minsang nakalimot at nagbakasakaling sa yamang pinakapitan. Sa ngayon, may mga pahiwatig na ang ilang dating “cronies” o mga galamay nito ang nais magbabalik ng yaman ng bayan sa pamilyang nakahimpil sa puno ng Balite ng Malacanan.
Sa totoo lang marami na ang nagbalik ng yaman sa pamahalaan noong unang taon ng pamahalaan ng biyuda ngunit may nakipagmatigasan at inako ang yaman. Ngunit iba at may pinanghahawakan si BP at takot ang ibang crony na maging ang tunay at sariling yama’y madamay. Ang bitawan ang pinahawak ang yaman ang nakikitang tamang hakbang. At ang makipagsayaw ang tamang gawin ng ‘di maubusan. Sa galaw ng mga mayayaman sa bansa na nakinabang sa ama ni Boy Pektus tila ito na ang tamang oras na ibalik ang dapat na pinakinabangan ng ilang dekada. Tahimik ang kilos ngunit dama na may epekto higit sa tindig ng mga mayayaman sa bansa. Ito’y natunghayan sa opisyal-pasyal sa Europa na pili ang ilang negosyanteng kasama.
Sa huli, tunay na naging mabunga ang opisyal-pasyal ni Boy Pektus dahil sa loob ng isang taon nariyan at unti-unting ibabalik ang mga nakulimbat na yaman na pinatanganan sa kaibigan. Tunay na ‘di lang opisyal pasyal ang mga paglalakbay na ginawa ni BP sa halip ito’y “Oplan Balik Yaman” na magiging mabunga para sa pamilya ngunit ‘di sa bayan. Ngunit may tanong si Mang Juan, sa pagbabalik ng mga yaman ng pamilya ni Boy Pektus, babayaran o mababayaran ba ang “estate tax” sa mga mana mula sa ama? May magagamit ba ang pamahalaan sa na pondo para serbisyo? Ito’y ba’y gagawin tungo sa mabilis na paglilinis ng ngalan.
Maraming Salamat po!!!
The post OPLAN BALIK – YAMAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: