Facebook

TULONG MULA SA GOV’T GAMITIN SA TAMA

HINDI tumitigil si Senator Christopher “Bong” Go sa pagsuporta sa pamahalaan sa ginagawa nitong pagtulong sa low-income Filipinos na naapektuhan ang buhay at kabuhayan sa pagdapa ng ekonomiya na dulot ng COVID-19 pandemic.

“Hindi po lahat ay maaaring makapaghanap ng trabaho, ngayong dahan-dahan palang bumabalik ang sigla ng ekonomiya. Kaya suportahan natin ang mga kababayan nating mayroong kasanayan sa pagnenegosyo. Turuan at bigyan natin sila ng puhunan,” ayon kay Go.

Sa kanyang video message sa isinagawang serye ng relief activities ng kanyang grupo sa Cabagan, San Pablo at Santa Maria sa Isabela, iginiit ni Go sa mga concerned government agencies na gawing madali para sa micro-entrepreneurs at aspiring business owners na makakuha ng suporta at iba pang anyo ng tulong o financial aid upang patuloy silang makapagnegosyo, pag-igihin ang kanilang kita upang makatulong sa kani-kanilang pamilya.

“Sa mga makakatanggap ng tulong mula sa gobyerno, palaguin niyo ang inyong negosyo. Dalhin niyo ang kita sa inyong pamilya. Siguraduhin niyo na magagamit ito sa tama,” ang sabi ni Go.

“Binabalanse ng gobyerno ang lahat — kalusugan at ekonomiya — pero mas importante ang buhay ng mga kapatid natin. Kaya suportahan po natin ang ating gobyerno. Hindi na natin kakayanin na magsarado na naman ang mga negosyo, mapuno na naman ang mga ospital, at baka bumagsak ang ating healthcare system. Iyan ang ating iniiwasan. Kaya habang nagpapabakuna kayo, huwag rin tayo magkumpiyansa,” ang paalala rin niya sa publiko.

Namahagi ang mga staff ni Go ng iba’t ibang ayuda sa tinatayang 742 micro-entrepreneurs sa mga aktibidad na isinagawa sa Barangay Ngarag covered court sa Cabagan, Brgy. Bungad covered court sa San Pablo at sa Santa Maria Municipal Gymnasium.

May mga benepisyaryo na binigyan ng pares ng sapatos, bisiskleta at computer tablets para sa mga mag-aaral.

Ang mga tauhan naman ng Department of Social Welfare and Development ay namahagi ng financial at livelihood assistance.

“Bilang isang public school volunteer teacher, naging mahirap ‘yung pandemya kasi wala kaming suweldo mula sa gobyerno. Pero gumagawa naman ng paraan ang asawa ko na magsasaka para may pangtustos kami sa aming pang-araw-araw. Kaya nagpapasalamat ako sa natanggap ko dahil makakatulong ito sa mga gastusin at gamot ng aking anak,” ang sabi ng nagpapasalamat na si Sarah-Jane Callueng, 25, residente ng Santa Maria.

Hinimok niya ang mga residente, lalo ang mga may karamdaman na lumapit sa Malasakit Center sa Gov. Faustino Dy, Sr. Memorial Hospital sa Ilagan City o sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.

“Nung wala pa ang Malasakit Center, kailangang pang lumapit ng mga pasyente sa iba’t ibang opisina ng gobyerno para magmakaawa na tulungan sila. Lunes, pipila ‘yan sa city hall para humingi ng tulong kay mayor, Martes sa PhilHealth at Miyerkules sa PCSO,” ani Go.

“Bakit ba natin sila pinapahirapan? Bakit kailangan pa nilang magmakaawa sa gobyerno kung pera naman nila ‘yan? Kaya isinulong ko sa Senado para maging batas ‘to para kahit wala na kami ni Pangulong Rodrigo Duterte ay tuloy-tuloy lang ang programang ito,” patuloy niya.

Matatandaan na unang tinungo ng grupo ni Go ang mga bayan ng Quezon at Cauayan at tinulungan ang tinatayang 250 at 178 vulnerable residents, ayon sa pagkakasunod.

The post TULONG MULA SA GOV’T GAMITIN SA TAMA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
TULONG MULA SA GOV’T GAMITIN SA TAMA TULONG MULA SA GOV’T GAMITIN SA TAMA Reviewed by misfitgympal on Agosto 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.