Facebook

SC, dapat payagan ang paglilitrato sa mga balota

INSPIRASYON SA BUHAY: “… pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu…” (Payo ni Jethro sa manugang niyang si Moises, sa Exodo 18:21, Ang Tanging Daan Bibliya).

***

KORTE SUPREMA, MULING HIHILINGAN NA PAYAGAN ANG PAGLILITRATO GAMIT ANG CELLPHONES NG MGA BALOTANG GINAMIT SA HALALAN 2022: Ipagpapatuloy ng mga grupong nagsusulong ng maka-Diyos at maka-taong halalan sa 2022 ang kanilang hiling na payagan ang mga interesadong tao at samahan na kunan ng litrato sa cellphones o iba pang gadgets ang mga balotang gagamitin sa pagboto ng ating mga kababayan sa susunod na taon.

Ang dahilan ng kanilang hiling, ayon sa mga grupo, tinitiyak ng paglilitrato ng mga balota and isa sa mga mabisang paraan upang matiyak na ang tunay na boto o pasya ng taumbayan sa kung sino ang nais nilang manalo ang ilalabas ng Commission on Elections.

Sa isang pulong ng ilang kinatawan ng mga grupong ito noong umaga ng Miyerkules, Agosto 11, 2021, ipinasya nilang pursigihin ang hiling nilang ito sa Korte Suprema, kung saan nauna na silang nagsampa ng pormal na usapin laban sa Comelec tungkol sa isyu ng paglilitrato ng mga balota.

Ito ay ayon kina Bishop Juan Pring ng One Vote Our Hope Movement, Pastor Jojo Gonzales ng Capitol Christian Leadership, Atty. Noy Macatangay ng Buklod Pamilya Incorporated, dating Congressman Willie Villarama na kumakatawan sa grupo ng El Shadai Movement, at ng inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, ng Alyansa ng Nagkakaisang Demokratikong Kumikilos at Nagsusulong ng Kagalingang Panlipunan (AND KNK-P).

Sa pahayag nila, ang kanilang pagsasampa ng bagong hiling sa Korte Suprema tungkol sa paglilitrato ng mga balota ay isang mahalagang sangkap ng kanilang pagsusulong ng tapat, malinis, at katanggap-tanggap na halalan.

***

PAGSUSULONG NG ISANG MAKA-DIYOS AT MAKA-TAONG HALALAN 2022 ISINUSULONG NG PUSPUSAN NG IBA’T IBANG GRUPO: Nauna ng tinutulan ng Commission on Elections ang hiling na ito ng grupo nina Bishop Pring at Pastor Jojo Gonzales, ang One Vote Our Hope Movement, sa argumento ng poll body na mawawala ang pagiging sagrado ng boto ng mga Pilipino kung lilitratuhan ang mga balotang ginamit nila sa halalan.

Idinahilan din ng Comelec na ang paglilitrato ng mga balotang inihulog na sa ballot boxes ay magagamit sa vote buying o pamimili ng boto ng mga tiwaling kandidato. Sa pananaw naman ng One Vote Our Hope Movement, ang panukala nilang litratuhan ang mga balotang ginamit ng mga Pilipino sa halalan ay isasagawa pag nagsara na ang botohan sa araw ng eleksiyon.

Sa ganoong sitwasyon, ayon sa grupo, hindi na maaapektuhan ang pagiging sagrado ng balota, dahil tapos na nga ang halalan, at hindi na malalaman pa kung sino ang botanteng bumoto kasi wala namang pangalan nakasulat sa mga balotang naihulog sa ballot boxes.

Ganundin, ayon pa sa One Vote Our Hope Movement, hindi na magagamit ang mga litrato ng mga balota sa pagbili ng boto o iba pang katiwalian sa halalan, dahil nga sarado na ang halalan pag kinunan ang mga balota ng litrato. Wala na ding kandidatong bibili pa ng mga litrato ng boto dahil hindi na mapapalitan pa ang mga ito, sabi pa nina Pring at Gonzales.

Sa pulong kahapon ng umaga, nagkasundo din sina Bishop Pring, Pastor Gonzales, Atty. Macatangay, dating Kinatawan Villarama, at ang inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, na magsusulong din sila ng malawakang voters’ education sa maraming lugar, ayon sa panukala ni Villarama.

***

VOTERS EDUCATION, GAGAMITIN UPANG MAGING MAAYOS ANG PAGPILI NG MGA IHAHALAL SA HALALAN 2022: At upang lalong maging kapaki-pakinabang ang voters’ education, magsusumikap din ang grupo na paliwanagan di lamang ang mga botante, kundi pati na ang mga kandidato sa lahat ng posisyon, kung ano ang mga panuntunan sa matuwid at tapat na pagpili ng mga manunungkulan sa gobyerno.

Niliwanag ng grupo na tanging ang mga matatalinong botante at kandidato lamang ang tiyak na makakapagbago sa mga umiiral na tiwaling sistema sa halalan. At magiging matalino lamang ang mga botante at ang mga kandidato kung hindi popularidad, yaman, o kapangyarihan, ang magiging batayan sa pagpili, kundi ang pagkakaroon ng lahat ng takot at pagmamahal sa Diyos.

Makikipagtulungan ang grupo sa iba pang mga socio-civic-spiritual groups sa bansa upang matupad ang kampanyang ito ng pagbibigay-aral sa mga boboto at magpapaboto. Pangunahin sa kanilang mga kakausapin upang maging bahagi ng pagkilos sa isang maka-Diyos at maka-taong Halalan 2022 ang mga spiritual groups, ke malaki man o maliit ang mga ito.

Magiging bahagi din ng kampanyang ito ang mga Rotary Clubs, Lions’ Clubs, Kiwanis, at iba’t ibang mga kilalang organisasyon sa pangangalakal, gaya ng Philippine Chamber of Commerce and Industry at ang mga local chapters nito; ang Employers’ Confederation of the Philippines at ang kaniyang mga sangay sa Luzon, Visayas, at Mindanao, at maging ang mga samahan ng mga propesyunal at mga manggagawa.

Lahat kasi ng mga grupong ito, ayon sa One Vote Our Hope Movement, ay apektado sa mga pagluluklok ng mga mamumuno sa bansa. Kung matuwid ang mga mananalo sa halalan, magiging mas maganda ang negosyo. Kung tiwali, wasak ang kalakalan, at ang buhay. Samantala, sa panibagong hiling ng grupo sa Korte Suprema, pangunguhan ni Atty. Melchor Magdamo ang pagsasampa ng hiling.

***

REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, https://ift.tt/3jq7483, https://ift.tt/2Vmhld1, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.

The post SC, dapat payagan ang paglilitrato sa mga balota appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SC, dapat payagan ang paglilitrato sa mga balota SC, dapat payagan ang paglilitrato sa mga balota Reviewed by misfitgympal on Agosto 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.