NAKAMTAN ng KCS Computer Specialist-Mandaue City ang pakikipagtipan sa kasaysayan nang gapiin ang liyamadong MJAS Zenith-Talisay City, 89-75, sa winner-take-all Game 3 Linggo ng gabi at tanghaling unang Visayas champion sa Chooks-to-Go Pilipinas VisMin Super Cup sa Alcantara Civic Center.
Nalagay sa alanganin matapos makatabla ang title-favorite Talisay City sa best-of-three series, naghabol ang KCS sa kaagahan ng second half, at sa pagkakataong ito sapat ang determinasyon at tikas ng mga beteranong ng Mandaue para makaalpas sa dikitang labanan para makamit ang kampeonato sa Visayas leg ng kauna-unahang professional basketball league sa South.
Bukod sa titulo at kalakip na P500,000 premyo kaloob ni Chooks-to-Go president Ronald Mascarinas, ang KCS ang kakatawan sa Visayas sa Super Cup Finals sa Agosto. Haharapin nila ang magiging kampeon sa Mindanao leg na nakatakdang magbukas sa Mayo 25. Naiuwi naman ng MJAS ang runner-up prize na P100,000.
Nailarga ng KCS ang 18-1 run, tampok ang three-pointer ni Imprerial para maagaw ang bentahe sa 54-44. Nahila ng Mandaue ang kalamangan sa 61-50 mula sa krusyal na opensa nina Al Francis Tamsi, Red Cachuela, Michole Sorela, at Ping Exciminiano tungo sa final period.
Napalobo ng KCS ang bentahe sa pinakamalaking 22 puntos, 86-66, tampok angf walong sunod na baskets ni guard Gileant Delator sa kalagitnaan ng fourth period.
Hindi na nagawang makahabol ng Aquastars, sumabak sa championship tangan ang No.1 seeding matapos walisin ang six-team double-round eliminations, higit at napatalsik sa laro si sixth man Darrell Menina bunsod ng tinawag na flagrant foul kay Delator may 5:17 ang nalalabi sa laro.
“I told them, ‘let’s try to make history. Let’s give them forty minutes of hell!’” pahayag ni KCS head coach Mike Reyes.
Nanguna si Exciminiano, tinanghal na Finals MVP, sa KCS sa naiskor na 15 puntos, limang rebounds, isang assist, at tatlong steals. Naitala ng 32-anyos PBA veteran mula sa Olongapo City ang averaged 13.0 points, 6.0 assists, at 3.0 steals sa three-game series.
“Sobrang blessed ako, after all na nangyari sa akin, nagka-injury at Achilles injury, nagpapasalamat ako na napunta ako sa ganitong situwasyon,” sambit ni Exciminiano.
Kumubra sina Sorela at Tamsi ng tig 12 puntos, habang tumipa sina Delator at Imperial ng 10 markers.
“I got to win the hearts of the players. That‘s why they played so hard because I think I was able to capture it,” pahayag ni Reyes.(Danny Simon)
The post KAMPEONATO SA VISMIN CUP NADALE NG MANDAUE appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: