Facebook

P108 bilyon sa SAP 3; anyare sa SAP 2?

HINDI pa nga natatapos ang pamamahagi sa Social Amelioration Program 2 (SAP 2), ayuda ng gobyerno para sa mga nawalan ng hanapbuhay at mga nagsarang negosyo dulot ng mahigit isang taon nang pandemya sa Covid-19, tinatalakay naman ngayon sa Kongreso ang ikatlong yugto ng pagbibigay ng ayuda. Ang tawag dito ay ‘Bayanihan 3’.

Oo! Tinatalakay ngayon sa Kongreso ang Bayanihan 3 na popondohan ng P108 bilyon!

Sa halagang ito, P100 bilyon ang para sa pagbangon kuno ng mga apektadong sektor; P52 bilyon tulong pansahod sa mga manggagawa; P70 bilyon para sa pagbangon ng sektor ng agrikultura; P30 bilyon para sa internet allowance sa mga mag-aaral; P30 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho; P25 bilyon para sa pagbili ng bakuna sa Covid-19; at P5 bilyon para sa pagpapaayos sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad.

Napakasarap pakinggan, ano po? Pero kung iisipin mong maigi ay parang mauuwi lang ito lahat sa korapsyon, sa bulsa ng mga opisyal ng departamento na hahawak ng pondo lalo’t patapos na ang kanilang termino at malapit na ang halalan. You know!

Dito lang sa P100 bilyon para kuno sa pagbangon ng mga apektadong sektor, sino-sino ang mabibiyayaan dito eh lahat ng sektor ay naapektuhan ng pandemya? Baka sila-sila lang din ang makikinabang dito? Kung sino lang ang kapartido o kaalyado nila ay ‘yun lang ang mabibig-yan?

Ang P52 bilyon na tulong kuno pansahod sa mga manggagawa ay malamang sa Dept. of Labor ito pahahawakan. Sa SAP 1 lang ay hindi na naging maayos ang pamamahagi ng DoLE. Napakaraming requirements ang hiningi sa mga kompanya, tapos naging palakasan lang ang nangyari, maraming kompanya ang hindi naambunan. Tama ba ako, Secretary Bello?

P70 bilyon para sa pagbangon ng agrikultura. Tiyak sa Department of Agriculture ito papasok. Ano kaya ang gagawin dito ni Sec. William Dar? Eh problema lang ng mga magbababoy na nilugmok ng African swine flu ay hindi niya maayos-ayos. Kaya nga ang mga magbababoy na nalugi ay nag-switch nalang sa pagko-koneho. Mismo!

Yes! Lahat ng sektor ng agrikultura ay naapektuhan. Sana nga ay makarating sa kanila ang ayudang ito, hindi sa kanila na mga opisyal at kapanalig lang.

Dito sa P30 bilyon internet allowance sa mga mag-aaral. Sana direkta sa mga estudyante ito ibigay, pambili ng load ng wifi sa mga probinsiya na hindi abot ng linya ng PLDT at iba pang telcos. Dahil kung sa mga opisyal ng DepEd ito ipagkakatiwala, malamang walang makararating sa mga mag-aaral. Pramis!

P30 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho. Paano kaya ang gagawin dito e halos lahat nawalan ng trabaho?Paanong distribution ng ayuda ang gagawin ng gobyerno rito? Iasa rin ba ito sa DoLE? Delikadong mabulsa lang ang pondong ito.

P25 bilyon pambili ng gamot at bakuna sa Covid-19. Aba’y trilyon na ang inutang ng gobyerno pambili ng bakuna pero hanggang ngayon wala pa yatang 2 milyong doses ang na-deliver. Mostly ng dumating na bakuna ay donasyon palang ng Amerika at Tsina. Lintik!

At dito naman sa P5 bilyong pondo para sa pagpagawa sa mga nasalanta ng kalamidad, tiyak tiba-tiba rito ang mga opisyal ng DPWH na may mga alagang kontraktor.

Kaya mga suki, bantayan natin ang pondong ito sa Bayanihan 3. Dahil ang higit P200 bilyong pondo sa Bayanihan 2 hanggang ngayon ay halos 20 percent pa ang hindi nakatatanggap. Mismo!

Kayo ba nakatikim ng ayuda sa SAP 1 at SAP 2? Ako, hindi!

Kinakabahan ako na ang bilyong pondo na ito ay maging pondo lang nila sa eleksyon. Bantayan!

The post P108 bilyon sa SAP 3; anyare sa SAP 2? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
P108 bilyon sa SAP 3; anyare sa SAP 2? P108 bilyon sa SAP 3; anyare sa SAP 2? Reviewed by misfitgympal on Mayo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.