BATANGAS – Patay ang dating alkalde ng Talitay, Maguindanao na nasa narco-list nang manlaban umano sa police escort habang ibinibiyahe matapos itong maaresto sa Batangas Port sa Batangas City nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang napatay na si Montasser Sabal, 44 anyos, dating miyembro ng PNP-SAF, at residente ng Talitay.
Sa ipinadalang report ni CIDG-NCR Regional Director, Col. Rogarth Campo, kay CIDG Director MGen. Albert Ignatius Ferro, ang dating alkalde ay sakay ng puting van na lulan ng MV Reyna De Luna 4 kasama ang iba pa nang maaresto ng mga pinagsanib na puwersa ng CIDG- NCR, Batangas CIDG, PDEG, at PNP sa Batangas Port 7:00 ng gabi nitong Miyerkules.
Ang mga kasamahan ni Sabal na inaresto ay kinilalang sina Norayda Nandang, 43; Muhaliden Mukaram, 36 ; at Aika de Asis, 34.
Nakuha sa mga ito ang isang M16 A4 Colt AR 15 na may magasin at 6 bala, isang Glock 23 9MM na may 4 magasin at 44,Garand riffle na may magazine, isang fragmentation grenade, 2 plaka, 5 cellphones at perang P48,840.
Nakuhanan rin ang mga ito ng 2 heat sealed plastic sachets ng shabu na tumitimbang ng 201.917 at 156.365 grams na humigit at kumulang na P2.5 milyon ang halaga.
Sa ginawang follow up operation ay nahuli rin ng mga awtoridad ang iba pang kasama ni Sabal na kinilalang sina Ailyn Compania, 45; Zuharto Monico, 28; at Wilson Santos, 41.
Sa press briefing sa loob ng Camp Crame, sinabi ni PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar, na nanlaban si Sabal sa kanyang police escorts sa bandang San Juan City habang patungo ng Camp Crame 5:20 ng umaga nitong Huwebes.
Inagaw umano ni Sabal ang baril ng police escort kaya nabaril ito ng mga pulis. Nagtamo ng tama ng bala sa katawan ang dating politiko na dead on arrival sa pagamutan.
Sinabi ni Eleazar na si Sabal ay naging miyembro ng PNP-SAF simula 1998-2010 na meron specialized trainings sa Intelligence, Urban Counter Revolutionary Warfare Course, Explosive Ordinance Disposal at Sniper’s Course, at kabilang sa listahan ng National Watchlist on Illegal Drugs (NWID).
Kasama rin umano ito sa mga may kagagawan ng Davao City bombing noong September 2016.
Noong mayor pa, sinuspinde si Sabal ng Ombudsman dahil sa ‘di pagdeklara ng kani-yang mga negosyo at ari-arian sa SALN.
Taga-suporta at supplier din umano si Sabal ng mga armas ng bandidong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na kaalyado ng teroristang Dawlah Islamiya-ISISt. (Koi Laura/Mark Obleada)
The post EX-MAYOR SA DRUG-LIST ‘NANG-AGAW’ NG BARIL NG PULIS TODAS! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: