ISA sa mga suliraning kinahaharap ng mga manggagawa ay ang seguridad sa pinapasukang kompanya.
Kasama na rin sa usaping ‘yan ang health and safety.
Kaya naman, hinimok ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre H. Bello III ang mga negosyante na kumuha ng safety seal.
Sabi ni Bello, puwede raw mag-apply ng safety seal certification ang mga pribadong establisimyento.
Magiging tanda raw kasi ito na tumatalima sila sa minimum public health standards na itinatakda ng gobyerno.
Nakasaad sa safety seal certificate ang pagtitiyak ng mga kompanya na sumusunod sila sa health protocols, gaya ng social distancing at paggamit ng contact-tracing application, partikular ang StaySafe.PH application, at iba pa.
Tunay na mahalagang inisyatibo ng administrasyong Duterte ang safety seal na naglalayon maging ligtas ang muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Aba’y boluntaryo naman daw ang aplikasyon.
Gayunman, ayon kay Bello, mahalaga ito sa mga pribadong negosyo at establisimiyento para tumaas ang kumpiyansa ng publiko o ng kanilang mga kliyente at empleyado.
Ang maganda pa rito, libre naman ang pagkuha ng safety seal certification.
Pamamahalaan ng DOLE ang pag-iisyu ng sertipikasyon sa mga establisimiyentong may kinalaman sa manufacturing, construction, utilities, warehouse industry at information and communication.
Maging ang Department of Tourism (DOT), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at mga local government units (LGUs) ay maaari ring mag-isyu ng safety seal o certificate.
Nabatid na anim na buwan ang bisa ng sertipikasyon mula sa petsa nang ito ay ma-isyu, maliban sa mga establisimiyento sa turismo, kung saan ang kanilang safety certificate ay hanggang isang taon ang effectivity at dapat ma-renew ng isang buwan bago ang expiration.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga establisimiyentong nais mag-apply ng safety seal certification na bisitahin ang SAFETY SEAL CERTIFICATION website ng BUREAU OF WORKING CONDITIONS o tumawag sa DOLE Hotline 1349.
* * *
AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post SAFETY SEAL CERTIFICATION appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: