SINABI ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson, Director James Jimenez na umaabot na sa 59 milyong Pinoy ang rehistradong botante sa bansa.
Ayon kay Jimenez, kapos na lamang ito ng dalawang milyong botante pa para maabot nila ang kanilang target na 61 milyong botante na mairehistro para makaboto sa national and local elections sa susunod na taon.
Umaasa naman si Jimenez na maaabot nila ang naturang target kahit may apat na buwan na lamang bago sumapit ang deadline sa itinakda nilang registration period sa Setyembre 30, 2021.
Sinabi ni Jimenez na sa ngayon ay patuloy ang pagsasagawa nila ng satellite registration upang mas marami pa silang botante na maitala.
“Sa ngayon nasa 59 million na tayo, we’re about 2M to go and we have 4 months left in the registration period at patuloy naman ‘yung pagsasa-satellite registration natin kaya umaasa tayo na maabot natin mga goals natin,” ayon pa kay Jimenez, sa panayam sa teleradyo.
“Dumadami ang dating ng tao kasi nararamdaman nila patapos na ‘yung period. As usual dito sa Pilipinas ‘pag medyo may sense of urgency na dumadami na rin ang dating ng mga registrants natin,” aniya pa.
Dagdag pa ni Jimenez, target rin nilang makapagdagdag pa ng mas maraming satellite registration para sa Metro Manila ngunit limitado ito dahil sa istriktong standards na itinatakda nila at ng Inter-Agency Task Force on pandemic response.
Aniya, ang mga lugar kung saan maglalagay ng satellite registration ay dapat na may zero COVID-19 cases sa nakalipas na 14-araw bago ang itatakdang pagrerehistro doon, kaya’t nahihirapan silang maghanap ng mga lugar na paglalagyan nito.
“That’s the problem because of the strict standard na pinag-usapan ng Comelec at IATF, medyo nahihirapan tayong magsagawa ng satellite registration dito sa mga urban centers. Sa malalayong lugar sa labas ng Metro Manila kung saan medyo mababa ang kaso nagagawa ‘yan pero hindi mo masyadong makikita sa Metro Manila dahil san ka naman makakahanap ng lugar na may zero cases,” aniya pa.
Samantala, inianunsiyo na rin ni Jimenez na ang paghahain ng certificates of candidacy para sa eleksiyon ay magsisimula matapos ang voter registration period o mula Oktubre 1 hanggang 8.
Ang campaign period naman ay magsisimula sa Pebrero 8, 2021 para sa national position at Marso 25 naman para sa local position.
Ang halalan sa susunod na taon ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022. (ANDI GARCIA)
The post Registered voters 59M na — Comelec appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: