
HABANG PAPALAPIT ang filing of Certificate of Candidacy (CoC) ng mga kandidato ay lumilinaw naman ang marketing strategy ng mga kandidato sa posisyong nasyunal. Panahon na rin ngayon ng pagsasanib o hiwalayan ng mga partido. At dito sa Pilipinas, kung saan baboy na baboy ang party system, ang mga partido ay tila aso na hila-hila na lamang ng kanilang among kandidato. May sukdulan pa nga nito – ang bentahan ng partido sa sinumang buyer.
Katulad din sa naging karanasan ng ibang partido, may gulong nagaganap ngayon sa PDP-Laban matapos itong mahati sa pagitan ng paksyong Duterte-Cusi at Pacquiao-Pimentel. Ngunit huwag na natin masyadong intindihan ang ganitong kaganapan dahil ang krisis ng mga partido dito sa atin ay kadalasan krisis ng personalidad at hindi ng organisasyon.
Ang mga partido sa Pilipinas ay maari ding ituring na disposable na sasakyan. Di baleng segunda mano basta rehistrado. Di baleng laos basta’t mapapaandar. Di baleng gasgas basta’t madaling palitan ang kulay. Bakit nga naman magtatayo pa ng bago kung may luma namang nabibili o nakakaladkad?
Ang partido, sa ganitong halimbawa, ay parang utility vehicle na maaring gamitin sa maraming bagay. Kung mas marami ka nito, mas malaking pakinabang. Malinaw na halimbawa ang natutunghayan natin ngayon sa mga balita.
Tinanggap na ng matandang Duterte ang hamon ng PDP-Laban na tumakbo bilang Bise Presidente sa 2022 elections. Habang sa kabilang pampang ng parehong ilog ay naroon ang kanyang anak na seryosong naghahanda para tumakbong Presidente.
Si Sara ang nangunguna sa mga survey. Ngunit hindi ito kasapi ng PDP-Laban. May sarili itong partido na ang pangalan ay Hugpong. Nauna na nga itong umarangkada sa maagang pangangampanya. Binalot na ang buong bansa ng billboard at tarpaulin. May eroplano na ngang tagahakot ng campaign materials. Habang sa PDP-Laban ay palutang-lutang lamang ang tambalang Go-Duterte, palipad-hangin ng mag-amo na relaks lang na binabaybay ang mga kalye patungong halalan.
Nakakarelaks nga naman talagang isipin na kayang likhain ang dramang ito para sa ganitong senaryo. Na kunyari may sariling mundo at galaw si Inday na hiwalay sa kagustuhan o interes ng kanyang tatay. Dahil iyon talaga ang layunin ng palabas. Palabasin na si Sara ay independent, nang sa gayon ay maalis ang negatibong imahe ng isang anak na napag-utusan lamang ng tatay.
Hindi na baleng negatibo ang Go-Duterte dahil wala namang igaganda pa ang tambalang ito ng mag-amo saan mang solar system sila tumakbo. Ang importante, sa ganitong palabas ay may imaheng aangat. At tiyak, hindi masahe sa imahe ni Bong Go ang layunin ng ganitong diskarte. Ito ay para kay Sara na ang kasikatan ay nakaangkas pa lamang sa pangalan ng kanyang ama. Kailangang patibayin ang kanyang imahe bilang independyente pero matapang pa rin na ekstensyon ng Dutertismo.
Ganunpaman, may kumakalat din na balita na kung tatakbo daw na Bise si Rody ay aatras si Sara. Sa tingin ko ito ay bahagi pa rin ng palabas. At kung may mabuo ngang ganitong senaryo, ang mas may dahilang umatras ay hindi ang anak kundi ang ama. Dahil ang ultimong interes ni Digong ay manalo ang Presidente na magbibigay sa kanya ng proteksyon, hindi ang posisyon ng Bise na hindi naman saklaw ng anumang immunity.
Ngayon, hanapin natin ang papel ng partido, o sa kasong ito, ng PDP-Laban o ng Hugpong sa ganitong galawan. Lalabas wala. Malinaw kasi na instrumento lang sila sa ganitong palabas dahil sa interes lamang naman ng dinastiyang Duterte umiikot ang kanilang buhay.
Ibig sabihin, may mas nakatataas pang organisasyon sa gitna ng partidong PDP-Laban at Hugpong. Ang pangalan ng partidong ito ay Sa Ngalan ng Ama at ng Anak o SAGANA. Wala naman na sigurong santo na papapel pa bilang ikatlong partido.
The post Sa ngalan ng ama at ng anak appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: