
BAGAMA’T may mananaka-nakang inilulunsad na operasyon ang mga hepe ng kapulisan sa mga siyudad ng Lipa at Tanauan laban sa illegal gambling sa kanilang hurisdiksyon, duda naman ang mga residente kung seryoso nga ang mga awtoridad na tuluyang lupigin ang operasyon ng naturang bisyo sa mga nabanggit na lugar sa lalawigan ng Batangas.
Ang operasyon ng Small Town Lottery (STL) bookies na lalong kilala bilang jueteng sa kabuuan ng Lipa City at Tanauan City ay pinaniniwalaan ding front doon ng bentahan ng droga.
Kilala pang mga notoryus na drug pusher ang ilan sa mga maintainer ng bookies sa mga nasabing siyudad pati na sa mga bayan ng Nasugbu, Mabini at San Pascual, ngunit bigo maging ang tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na lansagin ang gambling/drug ring operation sa mga nabanggit na siyudad at munisipalidad.
Kahit saan mang sulok ng mga nasabing lungsod at bayan ay hayag kung sinu-sino ang mga gambling operator na nagpapatakbo din ng kalakalan ng droga, ngunit nagtataka naman ang ating mga KASIKRETA kung bakit nanatiling bulag, pipi at bingi ang mga hepe ng kapulisan doon na dakpin, pangalanan at ipakulong ang mga personalidad na sangkot sa bentahan ng droga sa kanilang hurisdiksyon?
Duda tuloy ang ating mga kababayan na posibleng may “unholy alliance” sa pagitan ng mga drug/ gambling operator at ilang police official sa mga nabanggit na lungsod at bayan?
Nananatili pa rin si PMaj.Gen. Vicente Danao Jr., bilang OIC-PNP Director General, kaya kahit si PNP Region 4A Director PBG Antonio Yarra ay mabuway pa rin sa posisyong kanyang kinaluluklukan. Ano mang oras naisin ng kauupong Pangulong Bongbong Maros ay maaring sipain kapwa sa kanilang puwesto sina Danao Jr. at Yarra.
Kaya naman ang mga tulad nina Lipa City Police Chief, LtCol. Rix Villarial at Tanauan City Police Chief ,LtCol. Antonio Rotol Jr., ay kailangang magpakitang gilas sa pagtupad sa kanilang tungkulin kung nais ng mga itong manatili sa kanilang mga puwesto.
In fairness naman sa kauupong pl;oce chief, LtCol Villarial ay may isinagawang police operation laban sa nag-ooperate ng jueteng/STL bookies sa mga barangay ng Bolbok at Sabang parehong sa lungsod ng Lipa may ilang araw pa lamang ang nakaraan.
Sa pagsalakay sa Brgy. Sabang at Bagong Pook, ay nakasakote ng mga operatiba ni LtCol. Villarial ang apat na jueteng kolektor at nakumpiska sa mga ito ang mga ebidensyang sapat para sampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa R.A 9287.
Ang mga suspek ay kinilala ng pulisya na sina Gil Daniel, Rosenda Perez, Luminada Cantero at Alfredo Malolos, pawang mga bet collector at residente ng Lipa City.
Katulad ng pangkaraniwang drama, nasakrispisyo na naman ang mga pinakamababang kubrador. At tulad din ng dating gawi, ligtas na naman ang mga gambling operator sa Brgy. Sabang at Brgy. Bagong Pook.
Wika ng ating KASIKRETA na si JUAN ay handa siya na ipaputol ang kanyang ulo kung hindi kilala ng mga residente ng nabanggit na lugar at maging ng karamihan sa operatiba ni LtCol. Villarial ang mga gambling/drug operator na kasalukuyan pa ring namamayagpag sa kanilang iligal na gawain sa Lipa City.
Puna pa ng ating masugid na tagasubaybay na si JUAN ay mistulang binigyan lamang ng hudyat o babala ng Lipa City police operative ang notorious gambling at drug pusher sa kanugnog na Brgy. San Jose na mag-ingat habang sila ay nagpapakitang gilas sa tila moro-moro na city-wide gambling drive?
Ano nga bang mayroon ang mag-asawang alias Hadjie at Aiza ng Brgy San Jose at di ang mga ito nabubulabog ng mga elemento ng Lipa City Police kahit parang ligal ang pag-ooperate ng mga ito ng STL bookies/jueteng at pagbebenta ng shabu sa nasabing lungsod?
Katulad din nga ba ang “tigas ng siko” ng mag-asawang ito sa impluwensya ng isang alias Kap Fernan at Ka Wanita na magkasosyong nagpapatakbo rin ng STL bookies/jueteng sa Lipa City South District?
May libo-libo o milyon dahilan nga ba kung kayat di ang mga ito matinag ng Lipa City Police? Kaya kung tutuusin ay pinagtatawanan lamang ngayon ang kapulisan ng mga hinayupak na mag-asawang alias Hadjie at Aiza, Kap Fernan at Kap Wanita. Parang wala ring positibong resulta ang anti- gambling drive ni LtCol. Villarial.
Ang pagkadakip sa apat lamang na pobreng kubrador ng jueteng con STL sa mga Brgy. Sabang at Brgy. Bagong Pook ay hudyat din ng panibagong bigo at “ligwak na kampanya” ng Lipa City Police laban sa tila cancer na operasyon ng bawal na sugal at droga sa nasabing siyudad.
Tulad din ito ng balewalang kampanya ng pulisya laban sa mga gambling lords at drug pushers na sina alias Willy Bokbok ng bayan ng Nasugbu at Timmy ng munisipalidad ng Mabini at San Pascual.
Ano naman kayang kinahinatnan ng anti-criminality drive sa Tanauan City ni Lt.Col. Rotol Jr.sa kanyang hurisdiksyon? Alamin…
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.
The post ‘Ligwak’ pakitang gilas nina hepe! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: