Facebook

SADSAD NA KABUHAYAN

WALANG baon ang anak ni Aling Marya ng pumasok sa eskwela. Aasa sa mabait na guro o kaklase na mapansin at abutan kahit isang pandesal o ipasama sa mga kaklaseng naghahanda ng pagkain sa oras ng recess ng may maisubo kahit paano. Habang ang bunso ni Mang Juan eh sumali sa mga kamag-aral na naglalaro na kahit walang engka eh hindi alintana. Karaniwan ang kalagayang ito lalo sa kadahilanang nasibak ang ama sa trabaho dahil nagsara ang pinapasukang trabaho dahil sa pagkalugi ng negosyo. Walang sinisisi ngunit ito ang masakit na kapalaran na kinakaharap ng maraming pamilyang Pilipino.

Tunay na inaasahan ang pangako ng ibinoto at nahalal na pangulo sa nakaraang halalan. At sa pagyao ng araw, tila isang sumpa na kahit libre ang pumasok sa paaralan, tumigil na sa pagpasok ang mga anak ni Mang Juan dahil sa tinamaan ng hiya na naging tampulan ng tukso ng mga kamag-aral. Habang ang amang nasibak sa trabaho’y tila naging palainom kahit walang pera dahil sa libre ng mga barkadang nag-ambagan upang maitawid ang maghapon. Habang si Aling Marya, hindi matapos ang maghapon sa dami ng labahin at plantsahin ng kapitbahay na sapat ang isang kilong bigas at latang sardinas bilang bayad sa serbisyong kapos palad.

Ang kalagayang ni Mang Juan at Aling Marya’y kahalintulad sa kalagayan ng marami nating kababayan. Sa kawalan ng mahusay na pagtimon sa bayan ng nakaraang administrasyon, at ang puro pangakong pangulo, nagka hetot hetot ang buhay ng Pinoy. Walang mabiling bigas na P20.00 at walang pambili, dahil sa walang trabaho. Nagtaasan ang halos lahat ng presyo ng bilihin at ang mga unano na lang ang hindi tumataas at ang tanging mura ay ang P***Ina.

Ngayong, hirap na hirap sa buhay ang mga nasa laylayan ng lipunan, walang matalas na solusyong ginagawa ang kasalukuyang pamahalaan. Isang pangarap ang kaalwanan sa buhay na sandali pa’y, bangungot na. Lumulupit ang katayuan sa buhay ng Pinoy ngunit hindi ang naka-upo sa puno ng Balite at ang nasa Ultra. At sa totoo lang, may araw na hindi nakakakain ang mag anak ni Mang Juan at dinadaan na lang sa tubig at tubig ang magdamag.

Ang kaayusang ito’y tila tanikalang pagsubok sa mga Pinoy lalo sa kabuhayan na hindi matapos tapos ang pagdurusa’t kahirapan. Ang walang masubo sa maghapon at makitang nakatulog ang anak sa gutom ang pumipisik sa puso ni Aling Marya at naitatanong sa sarili bakit kami nag kaganito. Tunay bang tinikis ng Diyos o lubhang nagkamali sa desisyon sa nakaraan. Mahal ang lahat ng bilihin ang masakit walang pambili. Sa tulad ni Mang Juan na nasibak sa trabaho paano na ang pamilya?

Boy Pektus, subukang mag-ikot sa iyong nasasakupan at mapapansin ang dumadaming kababaihan na karaykaray ang anak na nagbabahay bahay upang manghingi ng konting barya. Inalis ang hiya, at patuloy sa pag-ikot sa mga pamayanan upang may makain sa pag-uwi sa bahay. Hindi alintana ang araw o ulan, ang konting baryang malilimos sapat na harapin ang hindi sumasang-ayon na panahon. Tunay na mapalad kung may mag-abot ng barya sa maghapong pag-iikot. Alamin sa sarili kung tama o bola ang kaganapang ito at ng maibangga sa pangako mo sa mga kababayan mo.

Sa pagkakalatag ng katayuan sa buhay ni Mang Juan at Aling Marya’y ang siyang larawan ng maraming Pilipino sa kabuuan, sadsad sa kahirapan. Walang araw na hindi usapin ang pangangailangan lalo ang isusubo. Ginagawa ang lahat kahit mababa ang tingin ng iba dito o maging ng sarili. Ang paglunok sa pagpapahalaga sa sarili’y isinasantabi upang may makain ang mga anak na madalas ang sala sa pagkain. Ngunit naroon na umaasa na isang umaga o araw na ang pangako ng halal na pangulo’y darating.

Batid ni Mang Juan ang paglabas sa bansa ni Boy Pektus upang manghikayat ng mga mamumuhunan. At sa paglabas nito’y karay-karay ang isang damukal na alagad na pasanin ng bayan. Hindi piso ang dalang salapi, sa halip ang dolyar na lumalakas na nagpapahirap sa kabuhayan ng Pinoy. Sa bawat pisong gastos, karagdagang buwis na pasanin ng bawat Pinoy at pagbaon sa kahirapan sa buhay ni Mang Juan. Ang masakit, pansin na tila family enterprise ang hukbong dala ni Boy Pektus . Nariyan ang anak na congressman, pinsan na speaker ng kongreso at ang unang tulog este ginang. Hindi pa bangit ang kasamang gabinete na may dala ding mga balalay, hehehe. Aling Marya, mamalimos pa para may maisaing.

Balikan natin ang talumpati ni Boy Pektus sa UNGA, maganda ang laman, ngunit walang ibig makinig sa ipinaparating na mensahe. At nabatid ni Mang Juan at Aling Marya na 95% ng dumalo’y nag-coffee break at lumabas ng silid. Hindi binigyan pansin ang mensahe dahil sa nagbibigay nito. May problema sa kredibilidad ang naghahatid ng mensahe na retorika ang sasabihin. Masama ang tingin ng world leaders sa opisyal ng bansa at walang batayan upang paniwalaan ang sinasabi. Nariyan ang karanasan ng world leaders sa lider ng bansa na labas pasok sa grupong international ngunit kapag hindi ibig ang gagawin eh magbibitiw sa kasapian, tulad ng ICC. Marahil isa ito sa dahilan ng coffee break ng mga delegado sa UNGA.

Sa isang talumpati, ipinagmamalaki ni Boy Pektus na malapit na ang panahon na ang bansa’y tinaguriang Rising Star Economy ng Asya. Nariyan na hinihikayat ang mga Fil Am na magbalik sa bansa at lasapin ang ganda ng ekonomiya ng bansa. Bangit pa nito na magiging middle income nation ang bansa bago matapos ang anim na taon. Maganda ang talumpati ngunit walang basehan na magaganap ito lalo kung makipagbalikan sa coffee break ang mga delegado sa UNGA. Ang panghihikayat ay nasundan ng pinsan nito na ispiker na maglagay ng negosyo sa bansa dahil maganda ang business climate lalo’t maaari ng magkaroon ng 100% capital ang sino mang ibig magnegosyo maging ang dayuhan. Ngunit walang sinasabi hinggil sa kalagayan ng peace and order na dahilan ng paglipat ng maraming negosyante sa kalapit na bansa.

Sa huli, tunay na retorika ang binanggit ni Boy Pektus. Walang batayan na masasandalan ang mga inusal lalo’t ang pang-ekonomiyang usapan. Hungkag sa kaalaman at umaasa sa mga alipores na may sariling layon. Hungkag sa karanasan, na puro sarap sa buhay ang alam. Ang masakit, sa ginawang coffee break ng mga lider sa mundo ng magtatalumpati ito sa UNGA.

Sa puntong ito, masasabing mas bukas ang diwa ng dayuhan kaysa sa mga Pinoy na bulag, pipi at bingi sa gawi ni Boy Pektus. Mga kababayan pagbasehan ang karanasan maging ang kasalukuyan, guminhawa ba o sadsad ang kabuhayan sa pagpasok ni Boy Pektus sa pamahalaan?

Maraming Salamat po!!!

The post SADSAD NA KABUHAYAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
SADSAD NA KABUHAYAN SADSAD NA KABUHAYAN Reviewed by misfitgympal on Setyembre 29, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.