Facebook

OKUBO “KALADKAD” NINA SYBEL, BERNARDINO SA GAMBLING OPS SA MAKATI CITY!

WALANG kamalay-malay itong si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Edgar Alan Okubo na ang kanyang pangalan ay namamantsahan dahil sa panggagamit ng nagngangalang Sybel at “Bernardino” na nasa likod ng malawakang gambling operation sa Lungsod ng Makati.

Si Sybel na nag-ooperate ng loteng, EZ2, Swertres, basketball ending, horse racing bookies at iba pang iligal na sugal sa lungsod ni Mayor Abby Binay ay ginagamit ang pangalan ni MGen. Okubo sa pamamagitan ng isang vice collector na nagngangalang “Bernardino” at nagpapakilalang “malapit” sa NCRPO Chief.

Si Bernardino ang alas ni Sybel upang ang kanyang pasugal ay hindi kantiin ng mga operatiba ng NCRPO ganon din ng iba pang police unit sa Camp Crame, gaya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil aniya, siya ang nabigyan ng basbas bilang over-all “kapustahan” (tong kolektor) ng tanggapan ng heneral.

Dapat ay kumilos si MGen. Okubo at tanggalan niya ng maskara itong si “Benardino”. Si Sybel ay hayagang ginagamit at kinakaladkad ang pangalan ni NCRPO Chief sa kanyang mga gambling operation na malinaw na patunay na si “Bernardino” ay “anay” na sumisira sa pangalan ng butihing heneral.

Madaling papaniwalain ang mga taga Makati na protektado nga ang iligal na pasugal ni Sybel sa 33 barangay ng kinilalang premier city ng bansa, pagkat kahit na magkaroon man ng anti-gambling operation kuno sa siyudad ng Makati sa atas ni Mayor Abby Binay ay di pa rin tuluyang masupil ang gambling operation ni Sybel.

Katunayan kung sino pa ang mga hikahos lalo na yaong mga low-income earner na empleyado at trabahador, mga residenteng naninirahan sa mga depressed area, mga jeepney at tricycle driver, tindero at tindera sa mga pamilihan at mga mamamayang nasa mababang antas ng lipunan ang siyang suking mananaya ng mga kubrador ni Sybel.

Mahigpit ang utos ni Mayor Binay na magsagawa ng all-out anti-gambling drive sina Makati Police Chief Col. Edward Cutiyog upang linisin ang lungsod laban sa kinahuhumalingan ng mga mamamayan na operasyon ng loteng, EZ2, Swertres, basketball ending at horse racing bookies.

Sa ginanap na operasyon kontra-sugal kamakailan, ilan lamang ang naaresto ng pulisya ng Makati, karamihan pa ay mga kubrador lamang ni Sybel, ang mga malalaking kabo na siyang nag-aakyat ng milyones na kubransa kay Sybel ay hindi nakanti man lamang ng mga tauhan ni Col. Edward Cutiyog.

May ulat pa ang ating police insider na bagama’t marami sa mga naaresto mas nakararami ay hindi nakasuhan at pinalaya matapos na tumawag sa Makati Police Headquarter si “Bernardino” na ginawang panakot ang pangalan ni MGen. Okubo upang irelease ang mga arestadong kubrador ni Sybel.

Katunayan pa, ang mga loteng, EZ2, Swertres, basketball ending at horse racing na mga kubrador ni Sybel ay nagpatayo pa ng mga pwestuhan sa mga gilid ng kalsada kung saan agad na makakataya ang mga residenteng lulong sa nasabing ipinagbabawal na sugal.

Nagkalat pa rin ang mga kolektor ng taya ni Sybel sa mga barangay tulad ng Olympia, Carmona, Valenzuela, Poblacion, Bangkal, La Paz, Sta Cruz, Guadalupe, Singkamas, Tenejeros, San Antonio, Cembo, Comembo, East at West Rembo kung saan maging ang mga retiradong pulis at militar ay nahuhumaling na ding tumaya sa mga kubrador ni Sybel.

Sa kabila nang lantarang illegal gambling operation sa halos saan mang sulok ng Makati City ay tila bulag, pipi at bingi ang mga kapulisan ni Col. Cutiyog.

Higit na nakadidismaya ayon sa sumbong ng ating mga KASIKRETA ang mga malalaking kabo tulad nina Adin at Liza ng Tenejeros, Aguilar at Varona Street, Anog at Moymoy ng Esparan, Dizon Street at mga kanugnog na lugar ay malayang nakapagrerebisa ng taya kahit nasa tungki lamang ng ilong ng mga operatiba ng Makati City Police Intelligence.

Hindi lamang si “Bernardino” ang unikong protektor ng iligal na pasugal ni Sybel kundi maging ang ilang opisyal ng lokal na kapulisan at maraming kapitan ng barangay, mga kagawad at iba pang opisyales na siya pa namang unang-unang dapat katuwang ni Mayor Binay sa kampanya kontra-sugal at droga ay siya pang mga protektor ng mga kabo at kolektor ni Sybel.

Habang may isang “Bernardino” na gumagala sa Makati City gamit na kalasag ang pangalan ni MGen. Okubo para proteksyunan ang labag sa batas na negosyo ni Sybel ay mananatiling bigo si Mayor Binay na linisin at gawing gambling and drug free ang lungsod ng Makati, ayon pa din sa ating mga KASIKRETA. Itutuloy…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144.

The post OKUBO “KALADKAD” NINA SYBEL, BERNARDINO SA GAMBLING OPS SA MAKATI CITY! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
OKUBO “KALADKAD” NINA SYBEL, BERNARDINO SA GAMBLING OPS SA MAKATI CITY! OKUBO “KALADKAD” NINA SYBEL, BERNARDINO SA GAMBLING OPS SA MAKATI CITY! Reviewed by misfitgympal on Mayo 29, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.