
HINDI pa natatapos ang problema natin sa coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), magkakasunod namang bagyo ang rumaragasa sa Pilipinas.
Walang problema sa pagpasok ng bagyo dahil talagang madalas na dumaraan ang bagyo sa ating bansa.
Ang masama rito ay palala nang palala ang epekto nito sa atin.
Parami nang parami ang nawawasak ang bahay at nasisira ang ikinabubuhay.
Ang matindi pa ay hindi na lang ilang bahagi ng Lungsod ng Marikina ang nalulubog sa baha kundi maging ang malawak na bahagi ngayon ng Cagayan.
Hindi naman lubugin ang Cagayan.
Syempre, ang lohikal na susunod na dapat na gawin ng pambansa at panlalawigang pamahalaan ay kumilos at resolbahan ang naganap sa Cagayan.
Sana, totoong mayroong matukoy na mga nagkasala sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang matinding quarrying operations at iligal na pagtotroso sa Cagayan upang makasuhan ang mga kriminal.
Hindi na bago ang baha sa Marikina, partikular sa Provident Village at sa Barangay Tumana.
Naalala ko noong dekada 1990s, mayroong nag-alok sa mommy ko ng lupa at bahay sa Provident Village.
Mabuti na lang hindi natuloy dahil mayroong nagsabi sa kanya na lubugin sa baha ang nasabing lugar.
Totoo nga dahil noong ding dekada 90 ay bumagyo sa Metro Manila kung saan nalubog sa baha ang Provident Village, maliban sa ilang bahagi sa Barangay Tumana.
Salamat na lang at hindi natuloy ang plano ng mommy ko noon kundi palaging kasama ang aming pamilya sa biktima ng mga bagyong humahataw sa Marikina.
Uulitin ko po, ang binanggit ko ay noong dekada 90 pa.
Ngayon ay 2020 na, ngunit kalunus-lunos pa rin ang kalagayan ng Provident Village kapag napakalakas ng bagyo sa Marikina.
Pokaragat na ‘yan!
Bilangin po natin nang sabay-sabay kung ilang taon mula noong 1990 hanggang ngayon.
Tatlumpo lahat!
Ang tagal na pala. Pokaragat na ‘yan!
Ang sinapit ng Provident Village nang binigwasan ito ng bagyong “Ulysses” ay napakalinaw na batayang pinabayaan ng pamahalaang nasyonal at lokal ang Marikina.
Si dating kongresista at retiradong Supreme Court Justice Antonio Natsura ay nakatira dati sa Provident Village.
Umalis ang kanyang pamilya sa nasabing subdibisyon dahil sa madalas itong malubog sa baha.
Lumipat ang pamilya ni Natsura malapit sa Provident Village, ngunit sa ‘napakataas’ na bahagi.
Kaya, hindi na naging biktima ng paglubog sa baha ang kanyang pamilya.
Ngunit, ang solusyon ni Natsura at kahit ng mommy ko noon ay hindi pwedeng siyang solusyon ng lahat ng nakatira sa Provident Village, o ilang pang lubuging lugar sa Marikina.
Kailangang magising at tanggapin ng mga alkalde, hindi lamang sa Marikina, kundi lalo na ng mga lalawigang malapit sa Marikina na itigil na ang quarrying.
Mas maganda kung mismong si Rizal Govenor Rebecca “Nini” Ynares ay kikilos ngayon laban sa quarrying, o maging ng iligal na pagtotroso kung mayroon man – bago maulit ang resulta ng humarurot si Ulysses.
Hindi puwedeng pamamahagi na lang ng ayuda at pagresponde sa mga biktima ng bagyo ang gagawin ni Ynares at ng mga alkalde, kabilang na siguro si Marikina Mayor Marcelino Teodoro, sapagkat ginagawa na ito ng ibang organisasyon ng masa.
Ngunit kung ‘di nila kayang gumawa ng mapagpasyang hakbang laban sa quarrying ay mabuti pang magbitiw na sila sa kani-kanilang puwesto.
Huwag na nilang tapusin ang kanilang termino hanggang Hunyo 30,2022.
Huwag na rin silang tumakbo sa kahit anong posisyon si Ynares at iba pa sa 2022 dahil palpak sila.
Kung walang gagawing mapagpasyang habang si Ynares at mga alkalde ay pihadong mauulit ang mga nangyayari ngayon: maraming biktima ng bagyo, magbibigay ng ayuda ang mga politiko at kung anu-anong pahayag sa kani-kanilang mga press statement tulad ng ilang senador.
Pokaragat na ‘yan!
The post Paulit-ulit na lubog sa baha, kumilos naman kayo nang tama! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: