Facebook

Sen.Go, nanawagan sa mga electric companies na huwag munang mamutol ng kuryente

UMAPELA si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) at iba pang electric companies sa bansa, na magpakita ng malasakit sa maliliit na consumers na hindi pa makapagbayad ng kanilang utang sa nakonsumong kuryente simula nang magsimula ang panahon ng COVID-19 pandemic, at pag-aralan ang posibilidad na palawigin pa ang kanilang no disconnection policy para sa mga ito.

Ang panawagan ay ginawa ni Go, kasunod na rin nang pag-iisyu ng Meralco ng disconnection notices sa kanilang mga consumer, na hindi pa nakakapagbayad ng kanilang pagkakautang sa kuryente.

“Muli po akong nananawagan sa Meralco na kung maaari ay ‘wag muna nilang putulan ng kuryente ang mga kababayan nating hindi pa makapagbabayad, lalo ‘yung wala talagang mapagkunan ng pambayad,” apela ng senador.

“Huwag natin pahirapan ang karaniwang tao na wala talagang pambayad dahil walang kabuhayan ngayon. Wala na nga makain, mawawalan pa ng kuryente. Konting puso naman sa panahon kung kailan naghihirap ang ating mga kababayan. Magmalasakit tayo sa ating kapwa Pilipino.”

Kasabay nito, hinimok din ni Go ang pamahalaan na pag-ukulan ng pansin ang naturang isyu at iprayoridad ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan sa pamamagitan nang paghahanap ng paraan at iwasan nang dagdagan pa ang mga pasanin ng mga tao na hirap na ngang idaos ang kanilang pang-araw-araw ng pamumuhay.

“Ilang buwan nating pinagbawalan ang karamihan na makapagtrabaho at maghanapbuhay. Ilang buwan din natin silang pinilit na manatili lang sila sa kanilang mga bahay. Hindi na nga makabili ng pagkain, paano pa ba yan makakabayad ng kuryente,” ani Go.

Matatandaang ang no-disconnection policy ng Meralco ay magtatapos sana noong Disyembre 31, 2020, ngunit pinalawig pa ito ng hanggang katapusan ng Enero, ngunit marami pa ring mga mamamayan ang hindi makapagbayad ng utang dahil sa kawalan ng pagkukunan ng pera.

Kaugnay nito, patuloy naman umaapela si Go sa mga pribadong sektor na tumulong upang mabawasan ang pasanin ng mga ordinaryong mamamayan, bilang bahagi ng kanilang kontribusyon sa pagbabayanihan para malampasan natin ng sama-sama ang krisis.

“Magtulungan po tayo. Habang ginagawa ng gobyerno ang lahat upang makatulong, hinihikayat ko rin ang pribadong sektor na patuloy na makipagtulungan. Sama sama nating iahon ang ating mga kababayan mula sa hirap na dulot ng pandemyang ito,” dagdag ni Go. (Mylene Alfonso)

The post Sen.Go, nanawagan sa mga electric companies na huwag munang mamutol ng kuryente appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sen.Go, nanawagan sa mga electric companies na huwag munang mamutol ng kuryente Sen.Go, nanawagan sa mga electric companies na huwag munang mamutol ng kuryente Reviewed by misfitgympal on Enero 30, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.