Facebook

Mag-ina na-trap, nasawi sa nasunog na bahay sa Maynila

NASAWI ang mag-ina nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang mag-ina na sina Frencelyn Batol de Leon, 35 anyos; at anak nitong si Precious Prey de Leon, 6, ng 2012 Elias St., sa Sta. Cruz.
Sugatan at nilalapatan naman ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang ama ng tahanan na si Jonel Mandap, 36, na nagtamo ng second degree burns sa katawan.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), 6:13 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na tahanan na inookupahan ng mga biktima at pagma-may-ari ng isang Luz de Vera.
Sa pahayag ng ilang saksi, nakarinig sila ng pagsabog mula sa bahay ng mag-anak bago tuluyang sumiklab ang apoy. Nakita pa nila ang mag-ina na kumakaway at humihingi ng tulong sa bintana.
Hindi nakalabas ang mag-ina dahil ang kanilang bintana ay may mga rehas at hindi na nila nabuksan ang fire exit.
Nakaligtas at naisugod naman sa pagamutan ang ama ng tahanan.
Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero 6:55 ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, aabot sa P100,000 ang halaga ng mga ari-arian na tinupok ng apoy.Inaalam pa ang pinagmulan ng sunog.
(Andi Garcia/Jocelyn Domenden)

The post Mag-ina na-trap, nasawi sa nasunog na bahay sa Maynila appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mag-ina na-trap, nasawi sa nasunog na bahay sa Maynila Mag-ina na-trap, nasawi sa nasunog na bahay sa Maynila Reviewed by misfitgympal on Abril 28, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.