LIMA ang nasawi at lima ang sugatan sa malaking sunog na nangyari sa Parola Compound, Tondo, Manila, Sabado ng gabi.
Tinatayang 300 bahay ang natupok ng apoy sa Area F, Gate 20, Parola Compound.
Kinilala ang mga nasawi na sina Jake Loyola, 37 anyos; mga anak nito na sina Noah, 3; Kiefer, 8; dalawang anak ng kanyang kinakasama na sina Jeric, 12; at Richard Tigas, 10.
Sugatan naman sina Cyrus Frank, 9, nagtamo ng 2nd degree burn; Sonny Boy Jovita, 23; Rea Adriatico, 37; Rodulfo Cadigal Jr., 44; at Marbin Alperes.
Sa report, nagsimula ang sunog 11:53 ng gabi sa 2nd floor ng bahay ng mga Loyola na umabot sa 4th alarm at idineklarang fire out 6:11 Linggo na ng umaga.
Nahirapan ang mga pamatay-sunog na puksain ang apoy dahil sa pawang yari sa light materials ang mga nasunog na bahay bukod pa sa dikit-dikit ang mga ito.
Nakulong naman sa loob ng nasusunog nilang bahay ang mga biktima at natagpuan ang mga bangkay ng mga ito sa loob ng kanilang palikuran.
Napaulat rin na may mga residente na nang-agaw pa ng hose mula sa mga bumbero upang masigurong unang mabobombahan ng tubig ang kanilang tahanan.
Napilitan rin ang ilang bumbero na lumabas muna ng compound nang magkagulo at mapaulat na may mga residente pang nanaksak ng fire volunteer na si alyas Ronald.
Nasa 600 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog. Tinatayang aabot sa P3 million ang pinsala nito. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)
The post 5 PATAY SA SUNOG SA MAYNILA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: