MASUGID ang paghahanap ng taong bayan sa isang lider na magdadala sa bansa tungo sa pagbangon at pagharap sa mga pagsubok ng darating na panahon. Patuloy sa poder ang walang direksyong pamahalaan na halos limang taon ng pasanin ni Mang Juan na patuloy sa paghahari sa ating bayang kaawa-awa. Walang ginawang pagbabago sa ano mang aspeto ng pamamahalang nagresulta ng bagsak na ekonomiya, palpak na war on drugs na nagresulta ng kaliwa’t kanang paglabag sa karapatang pantao, paghihiganti sa mga ‘di kakampi, lubog sa utang na bayan, at pag walang bahala sa mga biktima ng sakuna maging natural o gawa ng tao.
Nariyan din ang walang habas na pagmumura’t panlalait sa mga napagdiskitahan, at walang kakupas-kupas na katamaran. Ito ang pamahalaang kanilang ipinagmamalaki. At ang masakit, ito ang nais na ipagpatuloy sa pag-endorso sa kandidatura ng anak na si Inday Sapak sa darating na halalan. Ano kayo hilo?
Sa limang taong pagkakaluklok sa pamamahala ng gobyerno, tila tumanda ang mukha ni Mang Juan sa kunsume at problemang dulot ni Totoy Kulambo. Ang dating maaliwalas na mukha noong matuwid ang daa’y nakulubot at nanguluntoy. Sa kalagayang ito, tila may pangalang lumilitaw at nagbibigay pag-asa sa buong bansa. Ang pangalan ng isang babae na madalas sambitin ng mga anak lalo’t naghahanap ng kalinga. Sa panahon ng paghahanap ng pangangailangan, talagang likas na hanapin ang ina, na nag-aruga at nagpalaki sa mga anak.
Ang ina ang umagapay upang itawid ang buhay at magtaguyod ng pangangailangan ng mahal na anak. Sa panahon ng kalamidad ang ina ang unang sumasaklolo at karamay ng anak habang ang ama’y makikita sa ilalim ng kulambo na kampanteng kampante at kuntentong kuntento na walang paki-alam sa dinaranas ng bayan. Kaya’t hindi masisi ang bayan na sumigay na ikaw na Busy Leni aming ina ang tumangan sa bayan nating mahal.
Sa paglalarawan ng mga ginawa, ang tanong na bakit si Leni, kailangan pa bang lamanan ng mga datos at detalye upang maging konkreto ang pagsamo ni Mang Juan para sa maayos na pamamalakad?
Si Leni’y isang babae na nagdaan sa pagsubok ng buhay pamilya hangang sa politika. Hindi matawaran ang kalakasan ng loob ng babaeng ito ng harapin ang buhay bilang isang maybahay ng isang kilalang mayor sa isang siyudad sa rehiyon ng Bicolandia. Sa pagyao ng asawa, ipinakita ni Leni ang tunay na angking galing ng pinakita ang tatag ng loob ng itaguyod ang pamilya bilang nanay at tatay sa kanyang mga anak.
Itinaguyod ng mag-isa na may ningning ng mapagtapos ang mga anak nito ng may katangian bilang mahuhusay na mag-aaral sa kanilang mga napiling propesyon. Kasabay nito ang pagsisilbi bilang kinatawan ng kanilang distrito sa Bicolandia at bilang Busy Presidente ng bansa.
Sa usaping politika, naging mahirap kay Leni ang magpasya sa pagtakbo sa isang mataas na tungkulin sa politika bilang napiling Pangalawang Pangulo noong 2016. Kahit hindi kilala sa larangan ng politikang pambansa, dala lang ang pangalang Robredo, sa tulong ng Maykapal, ng bayan at mga anak, ang mahirap na pagpapasya’y nangyari at isa ng kasaysayan.
Mula sa wala noong panahon ng nakaraang halalan naging isang pambansang pigura ang ale, at heto isang lehitimong lider na kung saan tunay na kinakatakutan ng isang tamad at walang alam na lider mula sa kung saang lupalop.
Bilang isang lider at Busy-Presidente ng bansa, ipinakita ni Leni ang angking kagalingan na walang hirap at walang pagpapanggap. Natural na ginagampanan nito ang nakaatang na gawain bilang pangalawang pangulo ng bansa ng may kasiyahan at pagkakuntento. Hindi ito makitaan ng kapaguran sa pagdalaw kay Mang Juan, Aling Marya at masang naghahanap ng kalinga ng isang magulang.
Dinadala nito ang opisina niya ng may dangal na kahit sa mga usaping pambansa makikita ang husay nitong ilagay sa tamang perspektibo ang bagay na dapat. Hindi padalos-dalos, hindi inuuna ang pansariling adhikain, hindi mapusok at higit sa lahat may pinagbabatayan ang bawat inuusal. Isang lehitimong pinuno na umusbong dahil sa kahilingan ng bayan.
Naniniwala ang pitak na ito, na si Busy Leni ang nag-iisang lehitimong lider ang hinihintay ni Mang Juan upang umahon sa pag-kakasadlak. Ang karanasan sa buhay ang sandigan na pinaghuhugutan ng mabubuting pagpapasya ngayon at sa darating na panahon. Alam nito ang tamang oras sa pagpapasya base sa karanasang dinaanan.
Ang pagsasaalang-alang sa lahat ng mga bagay sa kabuuan ng sitwasyon ng politika maging ang pansariling usapin ay hindi binabale wala sa halip pinag-iisipan at binabalanse sa kagalingan ng tagumpay na inaasahan. Hindi na aabot sa dulo, at tiyak na ang pagpapasyang gagawin ang nakakabuti sa lahat. Tinitiyak na walang batong hindi mapapansin at gagalawin para sa pagbangon ng Bayan. Hindi ilalagay ang bayan sa alanganin at nakakatiyak na magaganap na ang pagpapasya sa lalong madaling panahon, huwag mainip…at ito ang dahilan bakit si LENI.
Maraming Salamat po!!!
The post Bakit si Leni appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: