Facebook

Bayad-pinsala

UPANG maibsan ang pag-aalinlangan ng ilan sa ating mga kababayan sa pagbabakuna ng panlaban sa virus na nakamamatay na COVID-19, minabuti ng ating mga mambabatas na gumawa ng batas na maglalaan ng pondo di lamang pangbili ng bakuna kundi pati pang-bayad-pinsala sa sino mang Filipino na magkakaroon ng kakaibang epekto matapos mabakunahan.

Natapos na sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na “Covid-19 Vaccination Program Act of 2021” o House Bill 8648, na nagbibigay pahintulot sa nasiyonal at lokal na pamahalaan at maging pivate sector sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health at ng National Task Force (NTF) Against Covid-19 na umangkat ng sigurado at epektibong bakuna.

Kasama rito ang P500 milyong pisong pondo para sa Covid-19 National Vaccine Indemnity Fund o pondong bayad-pinsala sa sino mang nabakunahang Filipino na magkakaroon ng kakaibang epekto sa kanilang kalusugan matapos mabakunahan – gaya ng pagkamatay, pagka-paralisa o permanenteng kapansanan o kaya naman ay pagka-confined sa ospital.

Maraming bagay ang sinasaad ng batas na ito, mula sa pagbili, pagbiyahe at pag-iimbak ng bakuna hanggang sa di pagpataw ng buwis sa mga papasok na bakuna sa bansa. Ngunit dito muna tayo tututk sa bayad-pinsala upang maliwanagan tayong lahat.

Sabi sa batas na ito, ang PhilHealth, kasama ang DoH, NTF at ang Permanent Committee ang siya gagawa at maglalabas ng mga alituntunin kung paano gagamitin ang pondo na pang-bayad-pinsala.

Ang pagki-claim sa pondo ng mga maaapektuhan ng bakuna ay hanggang limang taon magmula ng sila ay nabakunahan. Nangangahulugan na kapag ikaw ay nabakunahan ngunit may lumabas na kakaibang epekto ng bakuna sa inyong kalusugan sa loob ng limang taon, maaari kang bigyan ng panggastos sa iyong pagpapagaling.

Siyempre, kakailanganin nito ang iba’t ibang pagsusuri o laboratory test upang mapatunayan na ang epektong nakita sa inyong kalusugan ay tunay na nanggaling sa bakunang panglaban sa COVID-19.

Ang dahilan sa paglalaan ng ganitong kalaking halaga na kasama sa batas na ito ay ang kasunduang pinapairal ng mga kompanyang may gawa ng bakuna. Bago kasi tayo makabili ng bakuna, anumang klase o gawa ito, lumalagdag ang ating mga opisyal sa kasunduan na ang may gawa ng bakuna ay walang pananagutan, kung magdulot man ng ibang epekto ang kanilang bakuna sa sino mang Filipinong babakunahan.

Kaya naman iginigiit ng mga may gawa o mga manufacturer ng bakuna ang kondisyong ito ay dahil na rin sa kasagsagan ng pangangailangan ng lahat ng panglaban sa COVID-19 virus na lumikha na ng pandemiya. Ang paggawa kasi ng bakuna ay dumadaan sa napakaraming hakbang, proseso at pagsubok. Kadalasan ay umaabot ito ng ilang taon.

Ngunit kung gaya sa panahong ito ng pandemiya, ang pangangailangan sa bakuna ay agad-agad, kaya ang pagtuklas at paggawa ng bakuna ay mabilisan. At sa mga mangangailangan nito, ang tanging kailangan lamang ay pagsang-ayon ng World Health Organization (WHO) at ng Food and Dug Authority (FDA) ng mga bansa upang mapabilis ang pagbabakuna sa lahat o sa nakararami nilang mamamayan. Sa english, tinatawag itong “emergency use authorization.”

Kakaiba rito ang bakunang gawa ng China kung saan ang virus na COVID-19 ay nagsimula. Nagsaliksik ang mga Tsino at gumawa ng sarili nilang bakuna na gawa ng kumpanyang Sinovac na siya rin tawag sa bakunang nagawa ng China.

Walang ganitong kundisyon na sinasaad kung China ang kausap. Bilang matalik na kaalyado tayong tinuturing ng mga Tsino, ang paunang 600,000 na bakuna nilang ipadadala rito sa atin ay libre pa nga.

Ngunit ang mga kumpanyang gaya ng Pfizer at AstraZeneca ay pawang mga siguradista, ayaw ng mga ito na sila ang panagutin kung sakaling may palpak sa kanilang naibentang bakuna sa atin kaya may ganoong kundisyon at pirmahan.

Mahirap manimbang sa mga kumpanyang pagkukunan natin ng mga bakuna para protektahan lamang ang ating mga kababayan, ang iba pa nga nating pangbili sa mga ito ay inutang pa sa World Bank o Asian Development Bank, kaya naisip ng ating Pangulong Duterte na isama sa batas na kailangan, ang pondong bayad-pinsala para pa rin protektahan ang mababauknahan nating mga kababayan.

The post Bayad-pinsala appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bayad-pinsala Bayad-pinsala Reviewed by misfitgympal on Pebrero 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.