MULI na namang gugunitain ngayong araw ang mapayapang pag-aalsa ng mamamayang Filipino laban sa dating Pangulong Ferdinand Marcos na isinagawa sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) noong Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 noong 1986.
Ginagawa ito tuwing Pebrero 25.
Ang totoo, gumagastos ng milyun-milyong pera ang pamahalaan para rito.
Kung ako lang ang masusunod, matagal ko nang ipinatigil ang paggunita sa EDSA Uno dahil wala nang silbi ito.
Balewala na ang mensahe ng pag-aalsa ng mamamayan laban kay Marcos.
Ang totoo, naging pag-aalsa ito nang manawagan noon si Cardinal Sin sa publiko na suportahan sina Defense Minister Juan Ponce Enrile at Armed Forces of the Philippines (AFP) Vice – Chief of Staff Fidel V. Ramos laban kay Marcos.
Pinalabas kasi nina Enrile at Ramos na napilitan silang pangunahan ang pag-aalsa dahil labis-labis na ang mga nagawang pagkakamali ni Marcos sa mamamayang Filipino.
Ngunit, ang totoo nabigo ang kanilang kudeta dahil nabisto ni Marcos ang masamang balak ng dalawa.
Kung nagtagumpay, naging pangulo si Enrile matapos pabagsakin ng kanyang pangkat ang rehimen ni Marcos.
Kaso, pumalpak.
Nang mawala sa estado poder si Marcos ay hindi nawala ang lahat ng krimeng naganap sa panahon niya.
Simula sa panahon ni Corazon Cojuangco Aquino hanggang naging pangulo rin ang anak niyang si Benigno Simeon, alyas “Noynoy” hanggang ngayong matatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy pa rin ang mga krimen.
Malaganap pa rin ang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Fiipino.
Araw-araw pa ring mayroong pinapatay ang mga pulis at militar.
Napakatalamak pa rin ng iba’t ibang porma at diskarte ng katiwalian, korapsyon at pandarambong sa halos lahat ng kagawaran at ahensiya ng pamahalaan, kundi man lahat.
Tapos, ang mga tukoy nang mga opisyal at kawani sa katiwalian, korapsyon at pandarambong ay malayang-malayang nakakikilos saanmang sulok ng bansa, samantalang ang mga maliliit at isang kahig – isang tuka ay nalalasap ang buhay sa bilangguan.
Ang ibang sinampahan ng mga kaso sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan ay nakapuwesto pa rin.
Ang iba ay senador at nagbabalak muling maging senador ang mga iba pa.
Pokaragat na ‘yan.
Kung kahirapan naman ang pag-uusapan, higit na tumindi ang kahirapan ng napakaraming nilalang sa lahat ng panig ng bansa.
Kung mayroon mang mayayaman, o nakakaangat na mga manggagawa kumpara sa karamihan ay dumiskarte sila upang mabuhay nang disente at mapagtapos nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak.
Kung sinasabi ninyong maraming namatay at nawalang aktibista sa panahon ni Marcos, ganoon din sa mga sumunod na taon.
Batay sa datos ng ilang non-governmental-organization, higit na maraming biktima ng paglabag sa karapatang-pantao sa panahon nina Aquino at Ramos.
Kahit sa termino nina Macapagal – Arroyo at Nonoy Aquino ay nagpatuloy ito.
Kaya, para sa akin ay maling – mali na gunitain pa ang EDSA Uno dahil wala na itong silbi.
Lumilitaw, ginagamit na lamang ito ng mga taong sagad – saring galit kay Marcos upang balewalain ang lahat ng mga krimeng nagawa mula kay Cory Aquino, Ramos, Estrada, Macapagal – Arroyo, Noynoy Aquino at Duterte.
Sabihin ninyo sa akin ang krimeng naganap sa panahon ni Marcos at itatapat ko ang krimeng naganap makaraang nawala si Marcos sa estado poder.
Kung ipagdiriwang ninyo ang anibersaryo ng EDSA Uno, lahat ng kasamaan at krimeng naganap mula kay Marcos hanggang kasalukuyan ay sabihin ninyo at birahin nang birahin.
Alam kong kulang ang oras kung gagawin ninyo ito dahil talagang napakarami nilang kasalanan sa mamamayang Fiipino, lalo na sa ating mga pangkaraniwang tao.
Tama po ba ako?
The post Walang silbi na ang Edsa Uno appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: