Facebook

Bong Go: Kahit sino kwalipikadong tumakbo sa presidency

INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na kahit sino ay kuwalipikado o may karapatang tumakbo sa pagkapresidente ngunit siya at si Pangulong Duterte ay nakapokus sa pagsisilbi sa mga Filipino para makaalpas sa pandemya.

“Alam n’yo, karapatan po ng bawat Pilipino ang tumakbo. This is democracy. Karapatan po (nila) na tumakbo bilang Pangulo,” ani Go na tumutukoy sa ilang personanlidad na nais tumakbo sa pagkapresidente sa nalalapit na halalan.

“Pero para sa amin ni Pangulong Duterte, ‘wag muna natin pag-usapan ang pulitika dahil nasa pandemya pa tayo. Importante malagpasan natin ang pandemyang ito. Baka wala na tayong pag-usapang pulitika ‘pag ‘di natin nalagpasan ang pandemyang ito,” ayon sa mambabatas.

Ukol sa panukalang huwag muna payagan ang face-to-face campaigns, sinabi ni Go na mandato ng Commission on Elections na magdesisyon sa nasabing isyu. Ang pinakamahalaga, anang senador ay ang integridad ng halalan.

“Ako naman po, trabaho ng COMELEC ‘yan. Mandato ng COMELEC paano nila patakbuhin ang eleksyon. Importante po malinis na eleksyon at bigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na makaboto,” ani Go.

Ngunit iginiit niya sa COMELEC na palaging ikonsidera sa gagawing desisyon ang kalusugan at kaligtasan ng Filipino kaugnay ng ginagawang paghahanda sa nalalapit na eleksyon.

“Dapat po balansehin muna ng COMELEC — lalo na pagdating sa kalusugan. Health first, buhay po muna ng Pilipino. Dapat sigurado silang protektado laban sa COVID-19,” idinagdag ng mambabatas.

Ayon sa executive department, napakaaga pa para magdesisyon hinggil sa pag-ban sa face-to-face campaign lalo’t hindi pa nasisimulan ang vaccination program.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque, dapat munang hintayin ang magiging resulta ng vaccination program bago magdesisyon sa panukalang i-ban ang face-to-face elections campaign.

“Habang papalapit nang papalapit, may mga nadidiskubre naman tayo. Ito namang COVID-19, bago po ito, pinag-aaralan naman ng lahat. ‘Di lang ng gobyerno dito sa bansa, kasama na sa ibang bansa, pinag-aaralan nila habang tumatagal.”

“So, titingnan ng COMELEC ‘yan kung pwede na bang ituloy ‘yung face-to-face, so alam na po ng COMELEC ang trabaho n’ya. Importante malinis ang halalan, mabigyan ng pagkakataon ang bawat Pilipino na makaboto,” ayon sa senador. (PFT Team)

The post Bong Go: Kahit sino kwalipikadong tumakbo sa presidency appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Kahit sino kwalipikadong tumakbo sa presidency Bong Go: Kahit sino kwalipikadong tumakbo sa presidency Reviewed by misfitgympal on Pebrero 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.