SABAY na nagsagawa ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng simulation exercise para sa COVID-19 vaccination sa city-run Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) gayun din ng vaccine transport bilang paghahanda sa pagdating ng anti-COVID vaccines.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, ang nasabing vaccination simulation sa GABMMC ay pinamunuan ni director, Dr. Ted Martin at nilahukan ng mga medical frontliners na nasabing ospital.
Ang nabanggit na exercise, ayon kay Moreno ay bahagi ng tuloy-tuloy na paghahanda na ginagawa ng city government bilang kahandaan sa mass inoculation.
“Kinakailangan po natin maging maagap, masinop at episyente upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa laban sa banta ng COVID-19. Thank you po kay GABMMC Director Dr. Ted Martin at sa kaniyang masisipag na mga kawani sa dedikasyon ninyo sa trabaho at kahandaan sa pagsisilbi sa mas marami pang mga Manileño!,” sabi ni Moreno
Samantala ay pinangunahan naman ni Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold Pangan ang simulation ng pagbibiyahe ng vaccines mula sa storage facility sa Sta. Ana Hospital papunta sa 18 target vaccination sites sa lungsod. Mula sa Sta. Ana Hospital, ang mga vaccines ay inilagay sa loob ng transport coolers at dinala sa ibat-ibang destinasyon.
Sinabi ni Moreno na ang simulation exercises ay layuning maging perpekto ang takbo ng vaccination program ng lungsod at sinisigurado rin na ang anim na pinatatakbong ospital ng lungsod ay handang magsagawa ng bakuna sa lahat ng nagnanais nito.
Ayon pa kay Moreno ay mangunguna sila ni Vice Mayor Honey Lacuna kasama ang mga direktor ng anim na ospital na magpaturok ng bakuna na maaaring mangyari sa susunod na linggo na.
Aktibong kinakampanya nilang dalawa ni Lacuna sa mga residente at sa publiko sa pangkalahatan na magpabakuna. Ipinaliwanag ni Moreno na kung walang bakuna, 100 porsyento ang panganib na maimpeksyon ng coronavirus. Pero kapag may bakuna na sa katawan ay nababawasan ang tsansa na mahawaan ng virus dahil may proteksyon ka na dahil sa bakuna. (ANDI GARCIA)
The post COVID-19 Vaccine Transport at Vaccination Exercises Ginawa sa Sta. Ana Hospital/GABMMC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: