Facebook

Urban aquaponics isinusulong ng Department of Agriculture

DOBLE-HIGPIT na ng sinturon ang sistema ng maraming Pilipino sa kasalukuyan.

Bunsod ito ng nagpapatuloy na COVID-19 pandemic kung saan habang tumatagal ay dumarami ang bilang ng mga halos wala nang makain, nawawalan ng trabaho at pagkakakitaan.

Sa gitna ng krisis na ito, aba’y katakut-takot na diskarte na ang ginagawa ng maliliit na kababayan natin, makaraos lamang ng pagkain sa araw-araw.

Kung dati’y hindi bababa sa dalawang putahe ang ulam sa hapag-kainan, p’wede na ngayon kahit isa.

Kailangan ay sakto lamang sa pangkonsumo ng pamilya at bawal na rin ang tira o leftovers.

Kung noon kumpletos rekados sa pagluluto, ngayon, kahit kulang sa sangkap ay talo-talo na.

Kumbaga, said na talaga ang bulsa ni Juan dela Cruz.

Habang nararanasan ng maraming Pinoy ang ganitong sitwasyon, nagsasamantala naman ang mga dupang na negosyante.

Mataas pa rin kasi ang presyo ng mga pangunahing bilihin, kabilang ang karneng baboy.

Kaya napapanahon ang isinusulong na Urban Aquaponics Program ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) bilang suporta sa “Plant, Plant, Plant Program” ng Department of Agriculture (DA).

Layunin nitong ipakilala sa mga mahihirap na lugar ang abot-kayang aquaculture technology na ginagamitan ng solar-powered aquaponic system.

Sa pamamagitan nito, makatutulong ang mga mamamayan sa posibleng pagtamo ng food security at pagkakaroon ng malinis at malusog na pagkain sa kanilang komunidad habang kumikita.

Sinasabing sa sistemang ito, pinararami ang mga isda at mga halaman o gulay na magkasama.

Masasabing ito’y makabagong paraan ng pagsasaka dahil hindi ito ginagamitan ng lupa o pataba at sa halip, pinapaikot lamang dito ang tubig kasabay ang pag-aalaga ng mga isda.

Kabilang sina MS. ELYMI AR-J S. TUÑACAO, Officer-in-Charge ng Inland Fisheries and Aquaculture Division ng BFAR at DR. JOSEPH CHRISTOPHER C. RAYOS, Senior Aquaculturist, sa mga nangunguna sa pagtataguyod ng nasabing programa.

Nakikipag-ugnayan daw ang BFAR sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya para sa pagdaraos ng webinars, lectures, at iba pa na may kaugnayan sa aquaponics.

Katunayan, nakapaglunsad na rin ito ng mga pagsasanay sa ilang lugar sa bansa tulad ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Davao, Ilocos Norte, Quezon province, Bukidnon, Misamis Occidental (MisOr), Cagayan de Oro (CDO), Albay, Pangasinan, Isabela, Aklan, Negros Oriental, at Lapu-Lapu habang may mga lumahok din mula sa mga lungsod ng Pasig, Caloocan, Parañaque at Quezon, gayundin sa mga bansang Qatar, Oman at Singapore.

Panay positibo at maganda ang natatanggap na feedback mula sa mga benepisyaryo lalo na nang matagos nila ang magandang naidudulot sa kanila ng sistema.

Habang nakokonsumo kasi nila ang mga pagkaing kanilang binubuhay at inaalagaan, aba’y nagbibigay din ito sa kanila ng dagdag na kita.

Sa panahon ngayon, kailangan ding maging praktikal, maging mabusisi, at maging wais tayo.

Tandaan na nasa ating lahat ang tamang diskarte upang makaraos sa krisis na nararanasan, hindi lamang ng Pilipinas, kundi ng buong mundo.

Saludo po tayo sa tanggapan nina DA SEC. WILLIAM DOLLENTE DAR at RETIRED COMMODORE, BFAR DIRECTOR EDUARDO B. GONGONA, gayundin sa lahat ng mga opisyal at kawani ng ahensya tulad nina OIC TUÑACAO at DR. RAYOS, sa pagsusulong ng makabuluhan at kapaki-pakinabang na mga programa para sa mahihirap nating mga kababayan.

God Bless at Mabuhay po kayo, mga Bossing!

***

PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post Urban aquaponics isinusulong ng Department of Agriculture appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Urban aquaponics isinusulong ng Department of Agriculture Urban aquaponics isinusulong ng Department of Agriculture Reviewed by misfitgympal on Pebrero 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.