WALA nang kinatatakutan ang mga financier at operator ng mga nagkalat na saklaan sa halos lahat na bayan at siyudad sa lalawigan ng Cavite. Bukod sa illegal gambling ay ginagawa na ding mga drug den ang naturang lugal.
Matindi ang ulat na ito na kinumpirma ng SIKRETA kaya hindi dapat kukuya-kuyakoy lamang sa kanyang opisina si Cavite PNP Provincial Director Col. Eleuterio Ricardo Jr. at ang kanyang kapulisan, kailangang umaksyon kundi ay magkakaproblema ang mga ito kina PNP Chief Benjamin Acorda Jr. at Provincial Governor Junvic Remulla.
Pakilusin sana ni Col. Ricardo Jr. ang kanyang mga staff ng intelligence, mga operation officer at mga police chief na ang mga hurisdiksyon ay nagsulputan na parang kabute ang mga saklaan con drug.
Ang mga salot na “untouchable” na sakla operator sa area of responsibility (AOR) ni Col. Ricardo Jr. ay sina Hero at Elwyn sa mga bayan ng Maragondon, Amadeo, Noveleta at Magallanes, Maricon sa Naic at isang aktibong pulis na alyas Lago sa Damarinas City.
Sa halos lahat na 15 bayan at walong lungsod ng lalawigan ay may nag-ooperate na mga saklaan. Pinaka talamak at lantaran ang operasyon ng naturang card game ay sa mga bayan ng Maragondon, Amadeo, Noveleta, Magallanes at Naic, gayundin sa Dasmarinas City.
Hindi lamang sa halos lahat na sulok ng barangay mayroon sakla den, kundi maging sa mga lisensyadong sabungan ay may permanente o puesto pijo na saklaan, maliban pa sa kung tawaging saklang-patay.
Garapalan ang panggagamit nina Hero, Elwyn, Maricon at Lago sa mga pangalan nina Gov. Remulla at Col. Ricardo Jr. bilang kanilang “pamato” at kasosyo pa sa mga saklaang nailatag sa matataong lugar sa Cavite. Hindi ito dapat palampasin at balewalain.
Pakilala pa ni Elwyn ay National Bureau of Investigation (NBI) agent ito na nakatalaga sa Cavite upang masindak sa kanila ang mga miyembro ng pulisyang lokal pati na ang mga operatiba ng Cavite Provincial Police Intelligence and Investigation Branch.
Isang alyas Richard M. na kung umasta ay daig pa si Col. Ricardo Jr. ang nagbigay ng permiso at kasosyo pa sa lahat na mga saklaan na nagsisipag-operate na halos lahat na mga bayan at siyudad sa nabanggit na lalawigan.
Bukod sa kasosyo si Richard sa mga mga saklaan sa mga nabanggit na lugar ay kumokolekta pa ito ng weekly protection money para sa pangalan nina PNP Chief Acorda Jr. at Col. Ricardo Jr.
“Pasiklab” pa ni Richard M. sa mga kapwa nito vice operator ay driver/bodyguard at business partner pa niya ang malamyang si Col. Ricardo Jr., kaya papaanong hindi mabubuladas ni Richard M. ang mga kapwa nya mga iligalista sa Cavite?
Para maiwasan ang nangyayaring drug trafficking at maisalba ang Cavite sa kuko ng salot na droga ay kailangang paghuhulihin ang mga operator, protektor at mga magsusugal sa mga saklaan sa bayan ng Maragondon, Amadeo, Noveleta, Magallanes, Naic, siyudad ng Dasmarinas at iba pang lugar sa Cavite na mayroon ding operasyon ng Small Town Lottery bookies at pergalan (perya na may sugalan).
Ayon sa ating mga KASIKRETA, si Richard M. din ang may ideya na gamiting front ang mga saklaan sa pagbebenta ng shabu para doble kita: may weekly tong na sa illegal gambling at may lingguhang intelhencia din sa mga financier ng droga kaya hayahay ito sa milyones na tong koleksyon.
Ang ginagawa ni Richard M. ay kasiraan hindi lamang sa matataas na opisyales ng kapulisan sa Cavite kundi maging kay PNP Chief Acorda Jr. at Gov. Remulla. Tiyak na magiging tampulan ng pangungutya sila dahil sa mga nagkalat na sakla con drug den at iba pang uri ng sugal sa naturang lalawigan.
Kasosyo si Richard M. sa STL bookies operation nina Melchor sa Bacoor City, Dasmarinas City, Maragondon, Naic at Cavite City; alyas Kap Abner sa Dasmarinas City at ng Cavite “STL con-Jueteng Queen” Nitang Kabayo sa lahat na siyudad at bayan ng probinsya.
Ang mga pergalan nina Richard M. ay sa Brgy. Salawag, Dasmarinas City; Brgy. Maguyam at Brgy. Balabad kapwa sa bayan ng Silang; dummy sina alyas Tetet, Rommel at Mike pawang notorious na drug pusher.
Dito natin masusukat kung anong klaseng tao si Richard M. kaya dapat putulin na ni Col. Ricardo Jr. ang kalokohan nito upang di magalit sina PNP Chief Acorda Jr., Gov. Remulla at PNP Region 4-A Director BG Paul Kenneth Lucas.
Malamang na sa kangkungan pupulutin si Col. Ricardo Jr. kung mabigo itong gawin ang nararapat bilang Cavite PD. May karugtong…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144
The post SAKLA/DRUG DEN OPERATORS SA CAVITE (RICHARD, HERO, ELWYN, MARCON AT LAGO) appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: