UULIT-ULITIN ng pitak na ito, kahit pauwiin pa, kahit pa isarado pa natin ang PH embassy, sa tingin ko, hindi sasapat ito para tumigil ang pambabalahura sa atin ng China, mas agresibo ring hakbang ang dapat natin gawin — ito ay upang iparamdam na ayaw natin, galit na tayo, at hindi papayag na maagaw ang ating soberenya sa ating teritoryo sa dagat ng West Philippine Sea (WPS).
Atin, hindi sa China ang 200-nautical mile exclusive economic zone: ito ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration (PCA) sa arbitral award noong 2016 — na patuloy na binabalewala ng Beijing.
Iminungkahi dati pa ni Congressman Rufus Rodriguez, ang supply sa mga sundalong nagbabantay sa Sierra Madre ay bagsakan (mula sa eroplano o helicopter) ng mga supply.
O kaya naman, pag magdadala ng supply, samahan ng local at foreign media, eskortan ng mga barkong US at mga sundalong Kano na bahagi ng Balikatan Exercises natin, na ito ay bahagi ng ating Mutual Defense Treaty (MDT) sa America.
E, ang kontra ng iba, pagpapakita raw ito ng intensiyon natin ng kahandaan sa giyera, kasi, pag isinali ang mga sundalong Kano, pagpapaiinit ito lalo sa tensiyon sa agawan sa WPS.
Pero, ano ang ating ipangangamba, e atin ang WPS, e kung magpapakita tayo ng takot, lalo tayong aapihin ng China.
Katwiran ni Cong. Rodriguez na tungkulin ng ating Air Force at Navy personnel na bigyang proteksiyon ang mga sibilyang sakay ng mga bangkang nagdadala ng supply sa mga sundalo sa Sierra Madre, at kung sadyain pa ng China na harangin o paputukan ang ating eroplano o helicopter — na ayaw nating mangyari, ito na ang tamang panahon na hingin sa US ang tulong nila, ayon sa MTD.
Tutal, lagi namang sinasabi ng US military, at kailan lang, handa siya, sabi ni US Pres.Joe Biden na ipagtanggol ang Pilipinas sa tumitinding aggression sa WPS ng China.
Nagwarning pa nga kamakailan si US President Joe Biden, ayon sa Article IV of the MDT na ang anomang pag-atake sa eroplano at barko ng Pilipinas ay magiging dahilan ng US upang ipatupad ang pagdedepensa sa bansa natin.
***
Itigil na ‘yang diplomatic protest sa walang tigil na pandadarag, pambubuwisit at pananakot ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Tuwing nagpoprotesta tayo, e ano ba ang sagot ng Beijing: Kanila raw ang Ayungin Shoal, lahat daw ng isla sa Spratlys, at kanila rin ang iba pang bahura sa karagatang nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Sabi ni Maritime Law expert Prof. Jay Batongbacal, panahon na, ‘wag nang magpatumpik-tumpik pa, magpakita ang administrasyong ito ng higit na tapang para mabawasan, kundi makayang mapIgilan ang aggresion ng China.
Pero sa paanong paraan — economic sanctions o kilos na pipilay sa ekonomya ng China, pero paano ang ganting sanctions din nito na mas gigiba sa ating kabuhayan?
May nagmungkahi na i-boykot ang Chinese products, tama, pero ano ang ipapalit nating lokal na produkto kung mapagkaisa ang taumbayan na itakwil ang “Made in China” products na kalat sa buong mundo na pumipilay sa ekonomya ng West, lalo na ang US.
Weaponize daw natin ang ating trade and investments, pero may matatawag ba tayong lakas sa kalakalan at investment tulad ng China na ito ang estratehiya sa pagkuha ng nais sa mga katransaksiyong bansa, ngayon ay halos nakopo na ang maraming bansa sa Africa.
Sabi ng mga expert, tama si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na laging igiit, i-assert at isigaw sa mundo, kahit sandangkal ng teritoryo sa WPS ay hindi ibibigay, pero ang realidad, nasa kamay na ito ng China, simula pa sa panahon ng yumaong si dating Presidente Noynoy Aquino.
Sa panahon ni Noynoy nagsimulang magtayo ng naval at military bases sa WPS o South China Sea (SCS) ang China sa pag-atras ng mga barko natin sa girian noon sa Scarborough Shoal (Panatag Shoal), ayon sa nangyaring payo ng daw (?) ng US na noon ang PH Foreign Affairs ay si Sec. Albert del Rosario.
Hanggang ngayon, hindi maipaliwanag, pilit na isiniseketo ni dating Sen. Sonny Trillanes ang kung ilang ulit na back door diplomacy niya sa China sa utos daw ni Noynoy na napikon sa paulit-ulit na pag-uusisa ng noon ay Senate Pres. Manong Johnny Enrile.
Ipatawag kaya ni Senate Pres. Migz Zubiri o ni Speaker Martin Romualdez si Trillanes para malaman ang totoong nangyari na matapos ang lihim at patalikod na China trip, nagsimula ang malayang pagtatambak sa Scarborough na ngayon ay kutang bato ng armadang Chinese warship.
Sabi ng mga expert, epektibong taktika versus China ang pagpapalakas natin sa matagal nang alyansa sa US, Australia, India, Japan, at ang muling pagbubuo ng alyansa sa kapwa Asyanong bansa tulad ng Malaysia, Indonesia, Taiwan at Brunei.
Epektibo ang “name and shame strategy” sa mga adik noon ni Manila Mayor Fred Lim at napakaepektibo rin daw ang ‘Oplan Tokhang” ni dating PNP chief ngayon ay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na inuusig ngayon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong war on drugs ni dating Pres. Digong Duterte.
Sensitibo ang mamamayang Chinese kung maikakalat sa mundo ang unti-unting pag-agaw ng Beijing sa ating teritoryo sa WPS, at ito ay mabisang “panakot” upang matigil ang aggression sa atin ng China.
Oppose and expose, at name and shame strategy ay makapagpapatigil sa China, at nakita ang magandang resulta nito: ilantad na ang China ay hindi mabait na tupa kungdi isang kilabot na dragong lalamon sa maliit na bansang tulad ng Pilipinas.
Pansin ng mga expert, kulang pa, hindi pa naibabaon sa sentido kumon ng mas maraming Pilipino ang panganib ng unti-unting pagsakop ng China sa WPS, at ito ay kailangang pag-ibayuhin ng administrasyong Marcos.
Pero paano sesentro ito sa utak ng madlang Pinoy kung ang mas iniintindi nito ay kung paano kakain sa araw-araw at walang seguridad kung may ipakakain sa kanyang pamilya.
Ibig sabihin, palakasin ang bawat pamilyang Pilipino, gawing panatag at malakas ang kabuhayan at magkakaroon na ito ng lakas at tapang at panahong unawain ang peligrong dala ng Chinese aggresion.
Kung gutom ang sikmura ng Pinoy, kung api at hikahos at nakararamdam ng kaapihan at kawalan ng tiwala sa pamahalaan, bago mapatitindig ang bansa laban sa dambuhalang nagnanais na sakupin ang Pilipinas.
Mas mabuting buuin at palakasin, sabi ng mga expert, ay ang alyansa ng adminstrasyong ito sa puso, isip at sikmura ng bawat Pilipino.
Patriotismo, pagkamakabayan ay mapalalakas kung sapat sa lakas ang bisig at sikmuna ng mamamayang Pilipino: ito ang pinamakatibay na taktikang aakit sa lahat upang kung anoman ang mangyari, handa tayo sa pagbalikwas, paglaban at isabuhay ang sinasabi natin sa pambansang awit, “Lupa ng Araw, ng luwalhati’t pagsinta, Buhay ay Langit sa Piling mo, Aming Ligaya na pag may mang-aapi, Ang mamatay ng dahil sa Iyo.”
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post “AMING LIGAYA ‘PAG MAY MANG-AAPI, ANG MAMATAY NG DAHIL SA IYO” appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: