Facebook

Desisyon

ODIONGAN, ROMBLON — HINDI na sana kami makikialam sa kontrobersiya na kinasasangkutan ng aming kaibigan Ba Ipe, na pinagtulungan ng mga panatikong tagasunod ni Bise Presidente Leni Robredo. Batid namin na alam ng aming kaututang dila na ipagtanggol ang kanyang sarili. Hindi siya bago sa kontrobersiya. Marunong siyang sumalag ng mga banat.

Ngunit mukhang may mga usapin na hindi ganap na naiintindihan ang ilang mga panatiko na sarado ang mga utak. Katulad ni Eva Marie Siatela, isang netizen na hindi namin alam kung saan planeta nanggaling. Pilit niyang ipinahihiwatig na tatakbo si Leni pagdating ng Septiembre. Wala naman ibinigay na batayan sa kanyang panghuhula at kami pa ang binintangan na nanghuhula. Sinagot ko nga.

“Ako pa sasabihan mo na nag i- speculate. Natural! Kaya nga kung sigurado ka na tatakbo, isusulat ko na sa diaryo at i- quote kita. Kung di naman sya tatakbo, magsalita na siya para makapaghanda ang oposisyon. Nakatali ang kamay ng oposisyon dahil inaantay kung ano ang desisyon niya. Suportado ko kandidatura niya kung tatakbo siya pero hindi ako blind follower nya. Gets? what if, what if ha? , dumating ang Septiyembre at ang nagdesisyon siya na hindi tatakbo, i- congratulate mo siya? Ako hindi.”

Hindi na siya sumagot. Marami akong nabasang mga mabangis at maangas na argumento tulad ng isang nangangalang Walfredo Garido, ngunit wala talagang saysay. Gusto niya maghintay sa desisyon ni Leni kahit abutin ng Septiyembre. Galit ang matanda kahit na may punto ang aming kaibigan. Magdesisyon hanggang maaga. Kung hindi tatakbo, sabihin agad para makapaghanda ang hahalili. Ito ang punto ni Ba Ipe.

Teka iba ang desisyon sa deklarasyon. Ito ang maliwanag na katwiran ni Jozy Nisperos Acosta, isang manananggol: “’Declare now’ is different from “make a decision now,” though, and to the latter I say hell yeah! There are funds to raise, alliances to forge, mutual cooperation to be extracted, ground forces to organize. There are people’s pulses to take, to monitor and to which messages have to be tailorfit. There are campaigns to craft and platforms to perfect. There is hope to seed, a clamor to build.”

May karugtong: “Maski hindi namin alam. Maski kayo-kayo lang nakakaalam ng desisyon. Makita lang namin na kumikilos, maramdaman lang namin na pinapakilos, oks na kami. Puede naman kasi kumilos ng walang declarasyon e. In that way, kung kumikilos naman, declaring in September is not too late at all.”

***

KUNG may isang bagay na kapansin-pansin sa kontrobersiya sa pahayag ng Bise Presidente na sa Septiyembre pa siya magpasya kung tatakbo sa panguluhan o hindi, ito ang pagkakaroon niya ng isang tribo ng mga panatiko. Babae o lalake, bata o matanda – sila ang mukhang panapat na panatiko sa mga panatiko ni Rodrigo Duterte. Walang sila halos ipinagkaiba. Parehong maaanghang ang mga dila at walang katwiran.

Hindi maganda para sa Bise Presidente na mga panatiko ang mga tagasuporta niya. Maliban sa pagiging mainam na panapat sa mga panatikong tagasuporta ni Duterte, hindi namin lubos maisip kung ano ang saysay nila sa kampanya ni Leni kung tatakbo sa panguluhan. Taga-palakpak o pamparami ng mga dumalo at makinig.

***

SA inihaba-haba at laki ng gastos sa kanilang paghahanda, mukhang mauuwi lang sa wala ang ambisyon ng dalawang pinakamalaking political clan na muling mahawakan ang liderato sa bayang tinaguriang Garments Capital of the Philippines.

Sa isang survey nitong Pebrero ng grupong ‘Let’s GO Taytay’ para sa itatampok na kandidato sa pagka-alkalde laban sa incumbent Mayor Joric Gacula, lumalabas na ayaw ng mga residente ng Taytay sa dalawang kapitan na napaulat na sasabak sa 2022 general elections. Limang personalidad mula sa oposisyon ang pinagpilian: dating Mayor Janet de Leon, dating Vice Mayor Carlito Gonzaga na ama ng mga aktres na sina Toni at Alex Gonzaga, Kapitan Rassell Valera ng Barangay San Juan, Kapitan Allan de Leon ng Barangay Dolores at Kagawad Tobit Cruz ng Barangay Sta. Ana.

Mula sa 2,039 respondents, nanguna ang ama ng mga sikat aktres na umani ng 33%. Nasa ikalawang puwesto ang kagawad ng Barangay Sta. Ana na may 25%. Pumangatlo naman ang Kapitan ng Barangay Dolores na umani ng 23%. Pumang-apat lamang ang pambato ng pinakamalaking political clan na si Valera ng Barangay San Juan na may 9%. Nasa huling puwesto ng mga posibleng ilaban ng oposisyon si dating Mayor na nakakuha lamang ng 6%.

Bagamat sa Mayo, 2022 ang halalan, pihadong malabo ang plano ni Gonzaga dahil sa tinamong pagkatalo nito lamang nakaraang eleksiyon laban sa incumbent mayor ng Taytay. Sa puntong ito, mukhang isang abang kagawad ng barangay ang mapapalaban sa pagka-alkalde ng bayan ng Taytay. Gayunpaman, may agam-agam sa tsansa ng batang Tobit dahil minsan na siyang nabigo nang tumakbo ito bilang konsehal noong 2019.

Marahil, hindi kumbinsido ang mga taga-Taytay sa sinseridad lalo’t kapwa bigo ang mga Valera at De Leon sa pagtupad ng mga pangako sa tuwing sila’y sasampa sa entablado upang umamot ng boto. Susmaryosep, kagawad lang ang tatapos ng political dynasty ng mga Valera at De Leon sa Taytay.

***

BALIK sa Bise Presidente. Kakaiba ang nangyari sa kampanyang Let Leni Run na itinaguyod ng ilang panatiko ng kanila kampo. Basta inilunsad ang kampanya na mangalap ng kung ilang lagda upang kumbinsihin na pumalaot ang Bise Presidente sa pangluhan sa 2022. Nakakuha lamang ito ng 30,000 lagda.

Samantala, gumawa ng sariling kampanya sa lagda ang kampo ni Duterte. Siempre marami silang bayarang troll at kumuha sila ng katumbas na 80,000 lagda upang babuyin ang Let Leni Run. Kahiya-hiya ang nangyari. Isa ito sa mga dahilan kung bakit pinanghihinaan ng loob si Leni kung sakaling tumakbo. Maigi pa ang gobernadora na lang ang habulin niyang puwesto.

***
MGA PILING SALITA: “The United States will continue to take firm action against those who perpetrate violence against the people of Burma as they demand the restoration of their democratically elected government. We stand with the people of Burma.” – U.S. State Secretary Antony Blinken

“Kailangan ng Opposition/democratic forces kahit na anim (6) na buwan man lamang for preparation, organization, fund raising, field chapters/volunteers mobilization, creation of international awareness among the Free World sympathizers, at iba pang mahalagang paghahanda. Triple ang kayod na kailangang gawin ng Opposition/democratic forces dahil kontrolado ni Duterte ang buong government machinery, funds, LGUs, AFP, at PNP (maliban pa sa dirty money mula sa Komunistang Tsina via Chinese and Tsinoy business magnates and Chinese state enterprises).” – Atty. Manuel Laserna Jr., netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Desisyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Desisyon Desisyon Reviewed by misfitgympal on Pebrero 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.