Facebook

Dumarami

HINDI maitago ng mga maka-Marcos ang dismaya sa hatol na inilabas ng Korte Suprema sa protesta laban kay Busy Leni sa halalan sa pagka Bise-Presidente ng bansa. Sa hatol ng mga mahistrado na unanimous decision parang na TKO ang kampo nito na talaga namang no contest sa unang round pa lang ng laban. Subalit hindi ito nawalan ng pag-asa sa unang sigwa ng protesta sa tiwala na magkakaroon ng homecourt decision dahil ang naka-upo sa trono’y kakampi, kaalyado, kaibigan at kabaro sa lahat ng kalokohan.

Kumpiyansa ang grupo na kaya nilang maimpluwensyahan ang desisyon ng mga mahistrado sa Kataastaasang Hukuman dahil karamihan sa mahistradong nakaupo’y iniluklok ni Totoy Kulambo. Sa haba ng prusisyon, lumabas ang katotohanan na talo ito at walang basehan ang protesta sa Korte Suprema, laban kay Busy Leni. Walang ginawa o nagawa ang kakampi at tila isinantabi ang mga nakaraang pagsasama para sa hinaharap? Anong hinaharap? Hahayaan ko ang inyong malusog o malikot na pag-iisip ang sumagot sa katanungang ito.

Sa galaw ng politika sa bansa, tila ‘di na mapigil ang pagdami ng mga taong lubhang nasusuka sa uri ng liderato na mayroon ang bansa. Ang mga naunang kakampi nito ang siya ngayong nagbabadya na maging katunggali sa hinaharap. Nariyan ang taga Davao na si Bebot, ang taga Taguig na si Alan at mga BTS nito, maging ang kaalyadong ambisyosong si Mane na tahimik ngunit naghahanda rin.

Hindi pa binibilang ang oposisyon, ang mga obrerong nawalan ng hanap buhay, mga kamag-anak ng health workers na nasawi at ang hanay nila, mga pamilyang naulila ng EJK, mga pamilyang ‘di naabutan ng ayuda, mga kababaihang biktima ng pambabastos, ang sambayanang inilugmok ang kabuhayan dahil sa taas ng presyo, mga dinampot na lumalabag sa Bayanihan Law at si Mang Juan Pasan Krus na ibinaon sa utang. Ang lahat ng mga ito ang tunay na bilang ng dismayado sa kalakaran ng kabuhayan sa bansa, hindi lamang sa politika. Ngayon, mapapabilang na ba ang solid north sa mga diskuntento kay Totoy Kulambo, ano masasabi mo BBM? O’ sasayaw ka pa sa saliw ng musika nito?

Tila hindi maganda ang nagiging regla o takbo ng kaganapan para sa kampo ni TK. Alam na alam nito na ang pulitika’y addition o multiplication at hindi division o subtraction. At sa kalakaran ng politika sa bansa kung saan handang kumapit ang kapanalig habang may pakinabang at hinding-hindi bibitaw hangga’t ‘di nakukuha ang dapat makuha. At kapag tumugma ang mga bituin sa kanilang plano, doon lumalabas ang tunay na kulay, na nakaangkla ang katapatan sa kung sino man ang magpapanatili sa sariling kapakinabangan. Pero tila, may mga palatandaan na ang maagang pagkalas ng mga ito sa administrasyon dahil sa kaganapan na nagpakita ng kahinaan ng liderato nito.

Ngayo’y inaasahan na magkakahati ang noo’y super majority na pinagbuklod ng interest at ngayo’y pinaghiwalay ng ganun din dahilan. Ang pagnanais ng grupo ng Davao na manatili sa puwesto’y nasa mabigat na kalagayan sa paghihiwalay ng mga taong bumuhat sa kanyang kandidatura noong nakaraang halalan. Nayon, si Inday Sapak na walang karanasan sa pambansang pamamalakad ang nagnanais isabak upang ipalit sa tamad ng Davao.

Sa pagkakabasura ng kaso ni BBM sa pagka Bise-Presidente, tila isang bloke ng malaking boto ang mawawala sa Inferior Davao. Sa pag-iwan ni TK kay BBM sa Korte Suprema ay parang kiss of death ito sa kandidatura ni Inday Sapak. Liban kung magpapa-ilalim ito sa ambisyon ni BBM at pumayag na mag Bise sa ‘22, pero duda ko. Goodbye Ilocos Bloc.

Sa isang banda, makikita na nagsisimula ng lumakad mag-isa si Inday Sapak sa hangad maging pangulo. Sa ka-Maynilaan makikita ang mga tarpaulin na hinihikayat (kuno) na tumakbo, subalit malinaw na malinaw na may basbas ni Inday Sapak ang galaw na ito. At kapansin-pansin na hindi nito karga ang apelyidong Duterte sa halip gamit nito ang unang-pangalan at ang apelyido ng asawa na Carpio. Bakit? Nasusuka din ba si IS kay Totoy Kulambo at ayaw maitabi sa ngalan ng ama? O’ baka may babala na kay Inday Sapak na kailangan umiwas sa ama kung nais pa nito ng tsamba sa ‘22.

Bigyan natin ng laman ang obserbasyon sa mga nabangit sa itaas, sa isang survey na ginawa ng independent group kung saan pinabubulaan na gawa-gawa lang ang 91% na approval rating ni Totoy Kulambo sa ginawang version ng False Asia. Sa katunayan umaabot sa 53% ng mga Filipino ang ‘di sang ayon sa palakad ni TK at 25% ang undecided, habang 22% ang sang ayon dito. Ang nasabing survey ay panahon pa ng ibinabandera ni TK ang pagbili sa bakuna na galing Tsina at ang na unang pagbabakuna sa mga PSG na umani ng kritisismo. Sa pagtaya, ang mga undecided ay malamang mapapabilang sa mga diskontento at mababawasan pa ang mga nagising na pumabor kay TK. Ang diskuntento’y patuloy na dumarami.

Sa pagbaklas ng mga taga suporta ni TK, kagyat na pinatuunan nito ng pansin ang pag-atake kay Busy Leni na parang kabayong pinasukan ng uwang ang puwitan. Hindi mapigil ang matabil nitong bibig na ibig ipahiwatig na handa itong itaya ang karangalan, ang buhay maging ang panguluhan huwag lang manalo si Busy Leni. Bakit? Malinaw at alam niya na ang lumabas na survey nagpapakitang pulling-away na si Busy Leni sa darating na halalan. At walang laman ang pagbabanta na sisirain si Busy Leni, eh siya nga ang sira. Sa ngayon, malinaw ang pahiwatig na takot si TK dahil sa survey na inilabas na lumalakas ang hatak ni Busy Leni.

Naka antabay ang bayan, handa ng tumaya sa nag-iisang tinadhana ng kapalaran sa kasalukuyang panahon. Hindi man sumagi sa isip ni Mang Juan na guluhin ang pagpapasya ni Busy Leni, subalit ang di na mapigil na pagdami ng na tulungan sa maliit mong tanggapan ang kabaligtaran ng nasa Malacanang. Ang sinimulan at pinakitang pagmamalasakit sa panahon ng pangangailangan ang dahilan sa aming pagsusumamo. Ang kawalan ni Totoy Kulambo, ang bangungot ni Inday Sapak ay dama sa laylayan ng bayan.

Si Leni Robredo ang dapat maging pangulo. Dumarami, lumalakas, ang pag-asa sa kinabukasan. Dumarami ang mulat sa Bayan ni Juan at si Busy Leni Robredo ang dahilan..

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com

The post Dumarami appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Dumarami Dumarami Reviewed by misfitgympal on Pebrero 19, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.