Facebook

Katiwalian ng global tech

BINUSISI na nga ng Kamara ang iligal na operasyon ng pagpapatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) – Sponssored Small Town Lottery (STL) sa lalawigan ng Isabela na humantong sa pinagkaisahang rekomendasyon ng House Comittees on Games and Amusement and on Good Government and Public Accountability, na ipasuspendi ang operasyon ng Sahara Gaming sa nasabing lalawigan.

Ngunit bakit tila ang Sahara Gaming pa lamang ang pinagdidiskitahan ng mga Honorable, gayong napakaraming authorized agent corporation (ACC) ng PCSO ang nangangalandakan at umaakstong sila ay franchise holder ng naturang ahensya ng pamahalaan.

Dito nakita kung gaano kahirap kapag ang namumuno sa isang government agency ay ang tulad ni PCSO General Manager Royina Garma na kulang na sa expertise at kaalaman ay hindi rin isang manananggol.

Hindi natin tinatawaran ang kakayahan ng dating PNP Lady Colonel na nahirang na pamunuan ang PCSO sa bisa ng koneksyon nito sa Malacañang, ngunit naging kawangis nito ay isang grade schooler na hindi magkandatuto kung papaano nito sasagutin ang katanungan ng mga miyembro ng komitiba ng Mababang Kapulungan.

Nakakahiya mang sabihin ang obserbasyon, ay lubhang nangamote si Garma na makasagot ng tumpak sa mga pagtatanong ng tulad nina SAGIP party- list Rep. Rodante Marcoleta, Rep. Eric Pineda ng 1 Pacman party list at Isabela Reps. Faustino Dy V, at Antonio Albanao, Abra Rep. Joseph Sto. Niño Bernos (Lone District, Abra), at Rep. Michael Edgar Aglipay (Party-list, DIWA).

Bukong-buko ng mga mambabatas si Garma sa kawalan nito ng muwang na hindi pala dapat nagsasagawa ng localized lottery draw ang mga ACC, kabilang na dito ang STL. Wala nga kayang muwang si Garma o nagmamaang-maangan lang?

Kung bawal sa batas na magpaloterya sa mga lalawigan ang STL, ay lalong ipinagbabawal na magpa-loterya din ang tinatawag na Peryahan ng Bayan (PnB).

Nagkakaisa ang mga kongresista na nagmalabis ang nasabing ahensya na magsagawa ng localized lottery na hindi naman saklaw ng kanilang kapangyarihan. Hindi rin maaring pahintulutan nito ang mga authorized agent corporation (ACC) na nagsagawa ng lottery draw.

Agad namang isinangkalan ni Garma ang Office of the President (OP) na siyang nagbibigay ng lakas ng loob na gawin ang nais nito sang-ayon daw sa revised Implementing Rules and Regulation (IRR) ng PCSO.

Para sa mga observer, hindi makatutulong si Garma sa pamahalaang Duterte, hindi ito isang asset manapa’y pasanin para kay Pangulong Digong.

Kaya ang mga ilegalistang jueteng operator na nagyayabang na protektado sila ng kunyari ay franchise na iniisyu kuno ng PCSO, ay wala na sila ngayong lulusutan!

Kumilos lang si Garma ay tiyak malalansag nito ang PnB cum jueteng na ino-operate ng mga sakla operator sa lalawigan ng Cavite na sina Zalding Kombat, Kaloy Kolanding at Alwin na pawang gamit na front ay ang Global Tech sa pagpapatakbo ng nasabing iligal na pasugal sa lahat ng 23 mga munisipalidad at mga siyudad sa Cavite.

May ulat ang ating police insider sa Cavite na tinakbuhan pala ng dating jueteng financier na sina alias John Yap at Jun Moriones ang pamamahala ng PnB cum jueteng ng Global Tech matapos na tumama ang kumbinasyon pinanalunan dapat ng milyones na halaga ng mga mamamaya sa nasabing lalawigan.

Hindi ang mga ito nagbayad sa mga mananaya at nagpokus na lamang sina Yap at Moriones ng kanilang operasyon ng jueteng gamit din na kanlungan ang operasyon ng Global Tech sa Antipolo City at sa 13 pang mga bayan sa nasabing lalawigan.

Ang operasyon ng kontrobersyal na Global Tech ay nasa ilalim ng pamamahala ng isang alias Chito na kapatid ng isang maingay at mabusising party list Representative.

Kaya pala hindi kantiiin ng House Comittees on Games and Amusement and on Good Government and Public Accountability ang Global Tech ay nangingilag ang mga itong masagasaan ang interes ng kanilang katotong kongresistang protektor nga ni alias Chito.

Liban sa mga Probinsya ng Cavite at Rizal ay nagpapa-jueteng din ang mga gambling operator gamit na prente ang operasyon ng Global Tech sa Mindoro at iba pang parte ng MIMAROPA, Pangasinan at Laguna.

Kung nais ni Manager Garma na mabuweltahan ang mga nagsisiyasat ditong mga mambabatas ng Mababang Kapulungan, pasabugin lang nito ang iligal na operasyon ng Global Tech at tiyak na mangangayupapa ang mga honorable para paamuin ang dating Lady Cop ng Cebu City.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Katiwalian ng global tech appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Katiwalian ng global tech Katiwalian ng global tech Reviewed by misfitgympal on Pebrero 25, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.