NAKAKATUWA na maging sa oras ng pandemya ay patuloy na humahakot ng karangalan ang Maynila na talaga namang karapat-dapat sa titulo nito bilang ‘capital city’ ng buong Pilipinas.
Hindi inaasahan ni Mayor Isko Moreno na ang simple at natural lamang na pagta-trabaho ng mga tauhan ng Maynila para ilunsad ang programa ng pamahalaang-lokal sa pagbabakuna sa mga bata laban sa tigdas at rubella ay umani ng parangal mula mismo sa Department of Health.
Proud na proud at tuwang-tuwa si Mayor Isko dahil tinanghal ang Maynila bilang nangunguna sa buong National Capital Regioin (NCR) pagdating sa pagbabakuna kontra tigdas, kung saan nakapagtala ito ng 94 percent completion sa loob lamang ng sampung araw.
Pinasalamatan ng alkalde ang DOH sa pagkilala dahil aniya, ang mga ganitong pagkilala ay nagsisilbing inspirasyon hindi lang para sa kanya kundi maging para sa mga tauhan ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Malaki rin ang papel na ginagampanan ni Vice Mayor Honey Lacuna, isang doktora, na personal ding nangangasiwa sa mga nagaganap na bakunahan at gayundin sa operasyon ng mga ospital at health center na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Personal na kinilala ni Mayor Isko ang buong suportang ibinibigay sa kanya ni Vice Mayor Honey at aniya, “mapalad ako sa Vice Mayor ko na mahal na mahal ang ating lungsod at laging nagpa-participate.”
Bakit naman hindi kikilalanin ang Maynila gayung sa loob lamang ng wala pang sampung araw ay mahigit sa 127,000 kabataan ang nabakunahan ng mga kawani ng local government sa ilalim ng programa nitong, ‘Tsikiting Ligtas.’
Magaling talaga itong si Yorme Isko. Habang nagagawa nang mabilis at maayos ang pagbakuna laban sa tigdas at rubella, nagsisilbi pang ‘simulation exercise’ ang naturang programa bilang paghahanda sa bakunahan kapag dumating na ang anti-COVID-19 vaccines.
Gustong-gusto kasi nina Mayor Isko at Vice Honey na matapos nang maaga ang bakunahan sa tigdas nang sa gayun ay maituon naman nila ang buong atensiyon at puwersa ng pamahalaang-lokal sa COVID-19 vaccination.
Bagamat matagal nang handa ang lahat sa Maynila at talaga namang bakuna na lang ang kulang, hindi pa rin tumitigil si Mayor Isko sa pag-iisip, kasama si Vice Mayor Honey, kung ano pang mga hakbang o bagay ang maaring magamit o ilagay sa kahandaan para sa mas maayos at mabilis na bakunahan kapag nariyan na ang mga bakuna laban sa COVID.
Talagang hindi nasayang ang boto ng mga taga-Maynila kina Yorme Isko at Vice mayor Honey.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Maynila, patuloy sa pag-ani ng papuri kahit pandemya; Isko at Honey, walang pahinga appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: