NITONG Huwebes (Pebrero 25) muli nating ginunita ang ika-35 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution a.k.a. Yellow Revolution dahil sa naglipanang mga Filipinong nakasuot ng dilaw upang ipahiwatig ang pagkaka-isa para sa kalayaan ng lahat at labanan ang paninikil at tapusin na ang ilang dekadang diktador at korup na pamumuno ng administrayon ni dating pangulong Feridinand Marcos.
February 25, 1986, lagpas tatlong dekada na ang nakaraan, nang mangyari ang kinikilala ng buong mundo na peaceful revolution dahil sa naganap na payapang pananalsik sa mapagmalabis na pinuno ng bansa.
Dito lang sa atin nangyari yan, sa isang parte ng napakahabang Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) na noong araw ang bansag lamang ay Highway 54. At magmula nang mangyari, ay taon taon na nating ipinagdidiwang at ginugunita ang pagsasama-sama ng bawat Filipino upang iligtas ang bayan sa mapait na kinalalagyan.
Nakapag-palit ng pamunuan sa paghahangad na mapaganda ang kalagayan ng inang-bayan, ngunit kalaunan ay nagsisihan na rin ang mga nanguna sa mapayapang rebolusyon at nagkanya-kanya na ng agenda upang mapanatili ang magandang kalagayan ng sarili at hindi ng taong bayan na sa huli ay siya naman talagang pinanggagalingan ng kani-kanilang kapangyarihan.
Taon-taon ay may ganitong selebrasyon, paunti ng paunti naman ang mga nagsisipadalo sa paggunita, dahil nga, naging magkakasalungat na sa hangarin ang dating nagsama-sama sa isang adhikain.
Napakalungkot para sa mga sumamang mga ordinaryong Filipino na ngayon ay ordinaryo pa rin, na noon ay umaasang kahit papaano ay mai-aangat man lang kalagayan sa buhay, ngunit nabigo. Subalit ang iilan ay nakabangon, naka-balik sa pwesto at ang iba pa nga ay muling nakapagmay-ari ng kanilang kinuntsabang negosyo.
Tatlo’t kalahating dekada ang nakalipas, ganun pa rin si Juan, ngunit ang iba na dati ay sumasama sa paggugunita ay sa mga pasyalan, beaches at ang iba pa nga ay nag-aabroad pa dahil sa haba ng holiday na ibinunga ng pagdedeklara sa paggunita ng selebrasyon.
Nakakapanghinayang, dahil tila nawala ang talagang kahulugan ng makasasayang pakikibaka at pakikipaglaban para lamang maibsan ang paghihirap ng maraming Filipino. Habang nageenjoy ang iba sa mahabang araw ng pagbabakasyon na sinimulan ng holiday dahil sa Yellow Revolution, si Juan ay nagtitinda pa rin ng fish ball para mapakain lamang ang pamilya.
Maibalik sana natin ang tunay na hangarin ng EDSA Revolution at mamulat tayo na mas marami pa rin sa ating kababayan ang nananatiling naghihirap.
The post Pamana ng yellow revolution appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: