Facebook

Sen. Go umapela para sa agaran at episyenteng delivery ng ‘ayuda’ sa mga qualified low-income residents na apektado ng ECQ sa Iloilo, CDO at Gingoog City

WELCOME kay Senador Christopher “Bong” Go ang naunang desisyon ng pamahalaan na magkaloob ng special financial assistance sa mga residente ng Iloilo province, Iloilo City, Cagayan de Oro City at Gingoog City, Misamis Oriental na apektado ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) restrictions, na una ay mula Hulyo 16 hanggang 31 lamang ngunit malaunan ay pinalawig pa hanggang sa Agosto 7.

Ang pondo para rito ay kinuha at ililipat mula sa Assistance to Individuals in Crisis program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungo sa mga concerned local governments na siya namang responsable sa pamamahagi ng naturang ayuda sa kanilang mga constituents.

“Nakikiusap ako sa gobyerno na bilisan na ang pamamahagi ng ayuda sa mga naapektuhan ng ECQ sa lugar nila. Siguraduhin dapat na nakarating sa mga nangangailangan ang ayuda na inilaan sa kanila,” ani Go.

Matatandaang ang quarantine status ng mga naturang lugar ay itinaas base na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at tiniyak naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkakaloob ng tulong ang national government sa mga apektadong LGUs.

Bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance, una na ring naglabas ng personal na apela si Go sa lahat ng implementing agencies na bilisan ang paglalabas ng Supplemental Amelioration Program (SAP) kasunod ng pagpapatupad ng ECQ sa mga tukoy na critical areas sa COVID-19.

Ipinaliwanag ng senador na bahagi ng misyon ng pamahalaan na makapagligtas ng buhay, ang pagtugon sa isyu ng kagutuman at kahirapan, partikular na sa ganitong panahon ng krisis.

“Ako naman, bilang Chair ng Senate Committee on Health, ang prayoridad natin ay makapagligtas ng buhay ng mga Pilipino. Kaakibat diyan ang pagsigurong maiiwasan hindi lang ang sakit, kundi pati rin po ang gutom at kahirapan,” ani Go.

“Dahil kinailangang magdeklara ng ECQ, dapat lang na ibigay rin natin ang anumang tulong na kaya nating ibigay para sa mga tao. Habang pinipilit nating manatili sila sa bahay, siguraduhin rin nating ligtas sila at may pang-kain sa kanilang pamilya,” aniya pa.

Samantala, hinikayat rin ng senador ang executive department na tiyaking ang lahat ng tulong ay maibibigay sa ‘poorest of the poor’ na pinakaapektado sa pagpapatupad muli ng ECQ sa National Capital Region (NCR) mula Agosto 6 hanggang 20.

“Tandaan natin na may mga pamilyang pinapakain ang mga kababayan nating pansamantalang mawawalan ng kabuhayan, lalo na ang mga daily wage earners at mga isang kahig, isang tuka. Kaya dapat handa ang gobyerno na mabigyan sila ng pantawid kahit konti. Habang nilalabanan natin ang COVID-19, dapat tugunan din natin ang gutom at kahirapan na epekto nito,” dagdag pa niya.

Sa ngayon aniya, ang Department of Budget and Management (DBM) ay nagtatrabaho upang matukoy kung saan nila kukuhanin ang ipagkakaloob na tulong sa mga mamamayang apektado ng ECQ sa NCR.

Bukod sa reimposition ng ECQ at border controls, umaapela rin si Go sa reinforcement ng contact tracing at genome sequencing, augmentation ng healthcare facilities at pagpapabilis ng vaccine rollout sa bansa.

“Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng vaccine rollout ngayon. Gaya ng sabi ng Pangulo, posibleng maging mas maluwag ang restrictions o mas malaya ka kapag protektado ka ng bakuna,” aniya.

“Pakiusap po, sumunod po tayo sa mga patakaran at magpabakuna na bago maging huli ang lahat. Ang inyong disiplina at kooperasyon ay makakapagligtas ng buhay ng kapwa nating Pilipino. Konting sakripisyo ito katumbas ang mga buhay na mapoproteksyunan natin,” dagdag pa niya.

Tiniyak rin naman ni Go na handa ang pamahalaan na malampasan ang mga hamong kinakaharap ng mga mamamayan, hangga’t nakikipagtulungan ang mga mamamayan at nananatiling nagkakaisa patungo sa nag-iisang layunin na protektahan ang buhay ng bawat isa. (Mylene Alfonso)

The post Sen. Go umapela para sa agaran at episyenteng delivery ng ‘ayuda’ sa mga qualified low-income residents na apektado ng ECQ sa Iloilo, CDO at Gingoog City appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sen. Go umapela para sa agaran at episyenteng delivery ng ‘ayuda’ sa mga qualified low-income residents na apektado ng ECQ sa Iloilo, CDO at Gingoog City Sen. Go umapela para sa agaran at episyenteng delivery ng ‘ayuda’ sa mga qualified low-income residents na apektado ng ECQ sa Iloilo, CDO at Gingoog City Reviewed by misfitgympal on Hulyo 31, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.