DINAKIP ang isang lalaki na nag-post ng litrato sa social media na may hawak na granada at nagbantang pasasabugin ito sa Barangay Sta. Ana, Pateros nitong Miyerkules.
Kinilala ang naaresto na si Eddie Boy Cervales, 35 anyos.
Ayon sa Pateros Police, nag-post si Cervales sa Facebook Story ng litrato niyang may hawak na granada at may mensaheng, “Pag ako naburyong hahagis ko ito, damay damay nato.”
Sa tulong ng intelligence unit ng Pateros Police, natunton si Cervales sa Purok 12.
Ayon kay Cervales, selos ang ugat ng kaniyang post nang mahuli niya na may ibang ka-chat ang kaniyang karelasyon.
Nabawi kay Cervales ang granada, na ayon dito, ipinabebenta lamang ito sa kanya sa halagang P3,000.
Ayon kay Police Col. Ramchrisen Haveria Jr., maaaring ginamit pa noong World War II ang granada pero delikado parin ito at maaring sumabog pag maibagsak.
Pinagsisisihan naman ni Cervales ang ginawa at inaming nakainom siya nang mag-post. (Jocelyn Domenden)
The post Lalaki nagbanta sa social media hawak ang granada, timbog appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: