DAPAT paikutin ni Manila Mayor “Yorme Isko Moreno” ang mga tauhan ng nangangasiwa sa mga palengke sa lungsod dahil napakaraming kilohan ang may daya.
Mismo ang misis ko ay nabiktima ng mga vendor na manloloko, gumagamit ng kilohan na may daya. Sa Ilaya, Divisoria, Tondo ito.
Bumili si misis ng ikang kilong samaral, P240. Nang kilohin nya ito sa ibang kilohan ay kulang ng 5 guhit. Binalikan niya ang vendor at kinompronta. Dinagdagan siya ng isang piraso.
Bumili uli si misis ng medium size na hipon, P420 ang kilo. Kulang din ang guhit. Kinompronta uli ni misis ang tindira, dinagdagan siya ng 7 piraso.
Nang pinost ko sa social media (Facebook) ang bagay na ito. Napakarami agad ang nag-reak.
Sabi ni netizen Addax Godwin Pangan: “Boss Joey, kulang ng 1/4 ang mga timbangan ng mga vendor sa Quiapo at Blumentritt. Specially mga nagtitinda ng grapes, lansones at iba [ang prutas na tinitimbang.”
Sumbong naman ni Zetro Garcia Alex: “Ylaya ito Joey tsaka ‘yung sa Recto mahal na nga ang (karneng) baboy kulang pa sa timbang, halos isang guhit ‘yung nawala ah.”
Karanasan naman ni Inday Deory Lorenzo Diaz: “Totoo yan, madami dyan mandaraya. Minsan namili ako, ang gaganda ng prutas at gulay. Bigay sayo hindi na ‘yun, may nakahanda sila na ihalo sa binili mo, bulok, kulang pa sa timbang.”
Ayon naman kay Jomari-Eleuterio Yllana: “Dito sa Quiapo mga magsasaging na naka-kariton kulang man… sadya tampungulon ag (magandang sampalin)”.
Ilan lang ito sa mga reaksyon sa post ko hinggil sa madadayang kilohan ng vendors sa Maynila.
In fairness sa mga public market tulad ng Pritil sa Tondo, parehas ang mga timbangan ng vendors dito.
Panawagan natin kay Yorme, paikutin ang mga tauhan ng mga nangangasiwa sa palengke sa Maynila, inspeksyunin ang timbangan ng vendors sa kalye at sa mga talipapa. Dahil kawawa ang mamimili na nabibiktima ng mga ito. Mismo!
***
Sa kanyang pag-inspeksyon sa mga sinalanta ng bagyong Auring sa Surigao del Sur nitong Martes, sa halip na magbigay ito ng solusyon sa nangyayaring malawakang pagbaha sa lalawigan tuwing bubuhos ang ulan at magbigay ng update sa problema sa bakuna kontra Covid-19, si dating Senador Antonio Trillanes ang binakbakan ni Pangulong Rody Duterte.
Binalaan ni Duterte ang voters sa lalawigan. Sabi niya: “Be careful of Trillanes. Magbantay kayo. He will sell you to the devil. Kapag ‘yan ang nakaupo, patay.”
Kaagad naman rumesbak si Trillanes pagkabasa sa statement na ito ng Pangulo nitong Miyerkoles:
“Kitang kita ang takot sa mga pananalita ni Duterte. Relax lang sya. Tutukan lang nya ang vaccine rollout. Next year pa naman namin sya ipapakulong.”
Kasunod nito ay babakbakan na sa social media ang keyboard warriors na DDS at supporters ni Trillanes.
15 months nalang kasi eleksyon na naman. Tapos na ang termino ni Duterte. Paglalabanan uli ang panguluhan. Pero wala pang nagdedeklarang tatakbo. Ngunit kalat na ang tarpaulins ng anak ni Duterte na si Sara. Nakalagay sa tarps ang “Run Sara, Run”.
Sa mga survey ng Pulse Asia at OCTA Research, nangunguna si Sara, sumunod sina Senador Grace Poe, Manny Pacquiao, Isko Moreno, Bongbong Marcos at malayo sa panghuli si Vice President Leni Robredo.
Pero ang nakapagtataka rito, si VP Robredo ang binabakbakan ng DDS. Maybe nakikita nila na sa social media surveys ay nangunguna si Robredo. Mismo!
The post Mandarayang kilohan sa mga palengke sa Manila appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: