Facebook

Mahika ni Biden

MAY mahika ba ang isang Amerikanong Joe Biden na kahit walang binabanggit o sinasabi hinggil sa ating bansa tila naumid ang mabantot na bibig ni Totoy Kulambo mula ng maupo bilang pangulo ng kanilang bansa? Anong meron ang mama na talaga namang pumigil kay TK na magbitiw ng mga salitang halos hindi natin makain at sadyang nakakasuka.

Tila nabusalan ang bibig sa mga polisiya na ibig tahakin ng Estados Unidos partikular ang Tanggulang Bansa na tumutok sa Asya at Pasipiko. Sa galaw ng Estados Unidos, tila nakadama ng pangamba si TK sa maaring maganap kung talagang magpapalakas ng puwersa si Kanuto sa Asya-Pasipiko upang pigilan ang mala-Pacman na Tsina sa pagkamkam ng mga isla sa West Philippine Sea o South China Sea sa ngalan ng hustisya.

O’ talagang napagsabihan ito na maghinay-hinay sa binibitawang salita dahil sinusubaybayan ang bawat pahayag na namumutawi sa bibig nito.

Sa pagtantiya, malamang napag-aralan na ni TK ang istilo ng bagong liderato sa Estados Unidos maging ang mga itinalagang mga tagapagpaganap ng mga polisiya nito’y seryoso sa kanilang sinumpaang tungkulin. Di ba’t nagmungkahi ito ng isang financial package na may kabuuang halaga na mahigit $80B, na may apat o limang taon paglalatag ng mga makinaryang pandigma na magpapabilis sa daluyan ng mga negosyong nakatuon sa mga teritoryang pinag-aagawan sa WPS. Malinaw na ibig ng Estados Unidos na pigilan ang Tsina sa ginagawa nitong paghawak sa daluyan ng negosyo na sadyang kapaki-pakinabang sa kalakalan ng mundo. Hindi lang interes o ang layon nila sa mga bansang nakapalibot ang nakasalalay sa halip ang daloy ng kalakalan sa mundo.

Sa kaayusang ito, nagiging maingat si Totoy Kulambo sa mga inuusal nito upang hindi matuon o mabaling ang atensyon ng Amerika sa bansa o sa kanya. Malinaw na ang dating matikas o matigas na puno ng bansa’y may agam-agam sa kalagayan ng kanyang liderato at talagang binabalanse nito ang magiging kahihinatnan ng mga salitang lalabas sa kanyang bibig. Alam na ang Democrat ang partidong namamayagpag ngayon sa Amerika, at isa sa mga pangunahing polisiyang pinagtutuunan nito’y ang demokrasya at ang pag-papahalaga sa karapatang pantao.

Talagang sinusuri ang bawat pahayag sino mang pinuno ng mga bansa na kikitil sa demokrasya at lalabag sa karapatan ng bawat tao, eh takot ka pala TK? Sa katunayan nalalapit na ang araw ng mga nagpasimuno ng coup-de-tat sa isang bansa sa Asya, at ito mismo ang iniiwasan ni TK. Ang mawatch-list at makasama sa mga lider na talagang minamataan ng Amerika.

Sa ngayon, kung sisilipin natin ang kalagayan ng mga Democratic Warriors sa bansa, malakas ang tiwala na lalaya na si Sen. De Lima mula sa detention cell dahil ang mga gawa-gawang mga kaso’y nagsimula ng malaglag o ma-dismiss. Maging ang mga testigo’y unti-unting nag retract ng kanilang sinumpaang salaysay at nagsasabing wala anumang transaksyon na namagitan sa kanila nang kalihim pa siya.

At kung kakilala man nila, ito’y sa pangalan lamang dahil sa pagiging opisyal nito ng gobyerno. Hindi na kataka-taka ang mga ganitong gawain dahil alam natin na ito ang karakas ng mga tao sa kasalukuyang pamahalaan. Tunay na mapaglikha sa anumang bagay na ibig nito kahit na walang mga basehan na pwedeng paghugutan. Maging ang usapin ng mga isla sa West Philippine Sea na sa halip na tayuan ang desisyon ng UNCLOS na nagsasabing napapaloob ito sa mga baybayin ng Pilipinas, hayun pinabayaan na. Pinabayaan na ang desisyon, pinabayaan pa ang mga Pilipinong mangingisda na tinataboy palayo dito ng mga Tsekwa.

Ngunit talagang hindi magtatagal ang ganitong mga gawain. Dahil kung ano ang tama iyun ang siyang iiral at mapapasakanya kung ano ang dapat. Sa takbo ng panahon, naganap ang inaasahan ng manalo ang Democrats na si Joe Biden sa halalan sa Amerika. Parang mahika ang dulot nito sa maraming tao sa mundo dahil biglang nagkaroon ng pag-asa ang bawat bansa na dumadanas ng ‘di makatuwirang pagpapa-iral ng batas na talagang kumikiling sa iilan.

Maging sa ating bayan, kagyat nadama sa bansa ang mahika ni Biden sa pagkakaumid ng dila ni Totoy Kulambo na magpahayag ng mga malalaswang salita na maaring sabihin kontra Amerikano. Naging mapili ito sa mga salitang binibitiwan, subalit hindi maitago ang pagiging switik ng banggitin na kailangan magbayad ng Amerika kung nais nito ang VFA. Una bakuna, ngayon pera.

Malamang lantad na ang karakas diyablo nito sa mga opisyal ng Amerika lalo na kay Biden. At maging ang pangarap na maituloy ang liderato para kay Inday Sapak ay namimiligro dahil sa tala ng paglabag sa karapatang pantao na kitang-kita sa pananapak nito sa isang Sheriff na nagpapatupad ng legal na utos mula sa hukuman. Basado na ang iyong mga galaw TK, ang mga tagong mensahe at pinanggalingan ng iyong mensahe’y hindi na maaaring ikubli o itago..

Maging kami’y ‘di gulat sa ilang araw o linggo mong pananahimik dahil batid naming hiram lang ang iyong tapang sa posisyong iyong tangan. At kung yung unang araw mo sa iyong pwesto na walang habas magpahayag ng mga malalaswang salita dahil nasa likod mo bayan, ngayo’y hayag na wala ng sentimyento si Mang Juan sa iyo dahil sa kahirapang dinaranas nito. Alam mong hindi na kumikiling sa iyo ang pagkakataon at ang iisang barahang hawak mo’y unti-unti na ring bumibitaw dahil sa mahika ni Joe Biden.

Maraming Salamat po!!!!

***

dantz_zamora @yahoo.com

The post Mahika ni Biden appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mahika ni Biden Mahika ni Biden Reviewed by misfitgympal on Pebrero 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.