PINAGPAPALIWANAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang Food and Drugs Administration sa desisyon nitong huwag ipagamit o ibakuna ang Sinovac vaccine ng China sa medical frontliners.
Sa ambush interview matapos pangunahan ang pamimigay ng ayuda sa market at ambulant vendors sa Brgy. Baclaran, Parañaque City, sinabi ni Go na dapat linawin ni FDA Director General Eric Domingo sa publiko ang inilabas nitong kondisyon at kung bakit namimili ito ng uri ng bakuna na ibibigay sa health workers.
“I will ask FDA Dir. Gen. Eric Domingo bakit may ganung kondisyones. Dapat linawin ito sa publiko para ‘di magkaroon ng confusion o takot sa tao, bakit pinipili po ang pagbibigay ng bakuna,” ani Go.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos sabihin ni Domingo na inaprubahan na ang emergency use ng Sinovac vaccines sa Pilipinas pero hindi inirekomendang ipagamit sa medical frontliners dahil sa mababa nitong efficacy rate na 50.4 percent base sa isinagawang clinical trials.
Nauna rito, sinabi naman ni Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na may kabuuang 600,000 doses ng Sinovac vaccines ang donasyon sa Pilipinas ng Chinese government. Plano rin ng Pilipinas na bumili pa ng maraming doses ng Sinovac, bukod sa nasabing donasyon.
Samantala, muling ipinaalala ni Go sa publiko na manatiling mapagbantay, makipagtulungan sa mga awtoridad at magtiwala sa pamahalaan na ginagawa ang lahat para makarekober na ang bansa sa krisis na dala ng pandemya.
“Konting tiis nalang po. Kaysa magmadali tayo na ibalik ang dati, mas paigtingin nalang muna natin ang ating pag-iingat at patuloy tayong mag-adapt sa ‘new normal’ habang hindi pa tayo nababakunahan,” sabi ni Go.
“Ginagawa na naman po natin ang lahat para masigurong may sapat, ligtas at epektibong bakuna tayo laban sa COVID-19 para sa mga Pilipino. Ilang araw nalang naman ang hihintayin natin, huwag na nating isugal muna ang buhay ng ating kapwa hangga’t sigurado tayong ligtas na — at ang bakuna ang makakapagsiguro nito,” dagdag niya. (PFT Team)
The post Sinovac vaccine ayaw ipaturok sa medical frontliners, FDA pinagpapaliwanag ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: