Facebook

Buwan ng kababaihan

SILA ang ating mga tunay na “front liners”. Silang mga nagsilang at dinala tayo sa kanilang sinapupunan ng siyam na buwan. Ang nag-aruga, nag-alaga at nag-palaki sa atin. Hindi tayo iiwan at nakalaan pang ialay ang kanilang buhay kung kinakailangan.

Sila ang mga babae sa ating buhay. Si nanay, si ate, si auntie, lola, hipag, pinsan, kaibigan, guro, kasamahan sa trabaho, doktora, nurse atbp. Silang dapat nating pagpugayan ngayong “Buwan ng Kababaihan” o ” Women’s Month.

Taon taon mula pa ng 1911 ay inilalaan na ng buong mundo na ang buwan ng Marso ay buwan ng kababaihan, upang kilalanin ang kanilang kasarian, katalinuhan at kagalingan at kanilang kontribusyon sa sangkatauhan.

Ang unang selebrasyon ng International Women’s Day ay ginanap noong March 19, 1911 kung saan milyon-milyong katao, babae man at lalaki rin ay nagtipon-tipon para kilalanin ang mga kababaihan, subalit bunga ng isang trahedya nalipat ang petsang ito ng March 25, 1911 kung saan 140 manggagawang babae ay namatay sa malaking sunog na tumupok sa Triangle Shirtwaist Factory sa New York City, USA.

Ang pangyayaring ito ang nagsimula ng maraming pagprotesta laban sa unfair labor practices at di makataong pagtrato sa mga babaeng manggagawa. Saan mang panig ng daigdig, matagumpay na naisulong kasama ang United Nations na di lamang maglaan ng International Women’s Day kundi gawin ang buong buwan ng Marso na maging buwan para sa kababaihan.

At mag-mula nga noon iba’t ibang kaganapan, pagtatanghal at mga programa ang isinasagawa upang kilalanin ang kasarian ng kababaihan at itaguyod ang kanilang mga karapatan, kaligtasan at katayuan sa anumang larangan ng kabuhayan na kanilang kinabibilangan.

Dito sa atin, kamakailan lamang ay isinaad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (kadalasang pinupuna dahil sa kanyang mga pasaring sa mga kababaihan at mga biro ng kahalayan) na siya’y nanawagan sa lahat ng mga Filipino na maki-isa sa pagtataguyod ng mga karapatan ng mga kababaihan.

Ang mga Filipina raw ayon sa ating Pangulo ay kinakailangan bigyang galang, at siguruhin na bawat Pinay ay may layang makapag-aral o mabigyan ng edukasyon, oportunidad na pang-paunlad sa kanilang kabuhayan, pangangalaga sa kanilang kalusugan at social services.

Ang mga ito raw ay patuloy na sinisikap ng kanyang administrasyon na maibigay sa bawat Filipina ng bansa. At pagsisikpan din niyang magpatuloy ang pagbibigay ng mga ganitong paraan para umunlad ang kalagayan ng mga kababaihan.

“Let us all work hand-in-hand to address the needs of women and honor their immense contribution to society. Mabuhay ang ating mga kababaihan,” ang ipinahayag ni Pangulong Duterte sa isang taped message na ipinadala at ipinost sa on-line website ng Philippine Commission on Women.

Dahil may pandemiya, ang tema ng paggunita ng buwan ng kababaihan dito sa atin ay may katagang “Juana Laban sa Pandemya: Kaya! kung saan kikilalanin ang pakikibahagi ng mga Filipinana sa pakikipag-laban at pag-iingat sa virus na nakamamatay na COVID-19. At ang kalagayan ng mga Pinay sa gitna ng pandemiya.

May mga nakalinya ng mga programa at aktibidades upang bigyan kahalagahan ang pakikibahagi ng mga Pinay na mapanatiling ligtas ang kanilang mga sarili sa mga karahasan, dahas at pagsasamantala at maging bahagi sila sa pag-unlad ng bansa.

The post Buwan ng kababaihan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Buwan ng kababaihan Buwan ng kababaihan Reviewed by misfitgympal on Marso 13, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.