Nag-viral sa social media ang post ng isang estudyante na kukuha lang ng kaniyang food delivery sa labas ng bahay pero hinuli pa rin ng mga tanod dahil sa paglabag sa curfew sa Quezon City.
Nag-Facebook live 10:00 ng gabi si LJ Cabangis matapos siyang damputin, kung saan idinetalye niya ang ginawa sa kaniya ng mga awtoridad.
“Ito hinuli ako ah. Nandon lang ako sa tapat ng bahay ko kinuha ko lang yung Grabfood,” ani Canbangis na noon ay nasa loob na ng barangay mobile.
Iginigiit ng mga tanod na bawal lumabas ng bahay pagpatak ng 6:00 ng gabi alinsunod na rin sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus.
Pero depensa ng estudyante, 5 metro ang layo niya sa labas ng kanyang bahay.
Sabi naman ng tanod, malayo na ito masyado.
“Malayo po siya sa bahay… Nakita po namin siya pagbaba ng patrol namin bigla siyang nawala, sabi niya bahay namin ito,” ani Carlito Miniano, tanod ng Barangay Apolonio Samson.
Sagot ni Cabangis, naglakad lang siya nang kaunti dahil hindi siya makita ng delivery rider.
Sa huli, pinauwi rin ng barangay si Cabangis.
Pero maraming hinaing si Cabangis laban sa mga tauhan ng barangay.
“Minura ako, aambahan pa ako,” sabi niya.
Nagtungo na siya sa pulisya para i-report ang mga tauhan ng barangay.
Iimbestigahan naman ng barangay ang pangyayari para malaman kung sino ang may pagkakamali.
The post Viral: Estudyante kukuha ng food delivery, dinampot sa paglabag sa curfew appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: