Facebook

Walang plano

HINDI kami nagtaka kahit bahagya nang aminin ni Bise Presidente Leni Robredo sa isang panayam sa telebisyon na hindi naghahanda ang oposisyon sa halalang pampanguluhan sa 2021. Kumbinsido kami na hindi siya tatakbo sa pagka-presidente. Wala siyang plano na pumalaot sa pinakamataas ng posisyon sa bansa.

Masyadong umaaasa ang kanyang mga taga-suporta sa kanyang pagtakbo. Akala nila tuloy-tuloy ang butihing Pangalawang Pangulo na sundin ang kanilang inaasam-asam. Ikinalulungkot namin sabihin na maski noong nakaraang taon nabatid namin na wala siyang plano na pumalaot sa panguluhan. Wala siyang salapi at hindi siya naghahanda.

Subalit hindi wastong sabihin na hindi naghahanda ang oposisyon sa 2022. Ang kampo niya ang hindi naghahanda sa 2022 ngunit ang oposisyon sa ibang kampo ay mayroong paghahanda. Malaki ang puwersang demokrasya sa bansa at ito ang oposisyon. Dahil nasisilip nila na walang init sa panguluhan si Leni, wala silang magawa kundi gumawa ng sariling paghahanda sa 2022.

Kasama sa kanilang paghahanda ang makilatis ang kanilang sariling puwersa at alamin ang mga maaaring kakampi kung masuong sila sa 2022. Mayroon mga pailalim na pag-uusap kung paano magkakaisa at kung ano ang takdang oras upang ihayag sa publiko ang mga alyansa.

Tinitingnan ang mga pangangailangan sa 2022 at kinilala ang mga pagkukunan. Sinilip nila ang kakayahan ng mga maaaring kalaban sa halalan. Kinilala ang lakas at kahinaan ng mga ibang puwersa at marami pang pahahanda. Hindi sila nakanganga na mistulang hihintay ang bunga ng punong bayabas na bumagsak sa kanilang bibig.

Teka, hindi si Manny Pacquiao, Alan Peter Cayetano, Grace Poe, o Bebot Alvarez ang mga “oposisyon” na naghahanda. Hindi sila oposisyon at pumuposisyon lang sa tamang salita. Gusto nilang kasali sila sa laban ngunit hindi natin alam kung dalag o hito sila. Basta maitim lang sila at hindi namin kabisado ang kanilang malasadong pulitika.

Hindi kami pabor na hintayin si Leni dahil hindi kami pabor sa ganitong uri ng malasadong pulitika. Malaking pagkakamali ang paghintayin ang mga kakampi at kasama sa laban. Gabayan dapat sila upang mapalakas ang puwersa ng demokrasya kontra sa mga puwersa ng kadiliman. May batayan na paniwalaan si Leni na pinakamalakas na kandidato ng oposisyon. Ngunit walang batayan ang paghintayin ang buong puwersa sa desisyon na nakatakda sa Septiyembre.

May batayan ang paniniwala sapagkat malakas ang kanyang hila sa mga tao. Pinaniniwalaan siya ng international community at makikita ito sa mga sugo na bumisita sa kanyang tanggapan maliban sa sugo ng China na kamping-kampi kay Rodrigo Duterte. .

Ani Raissa Robles, isang manunulat, sa isang post sa social media: “I will share with you something I have observed since 2016. No Chinese ambassador to Manila has ever paid a courtesy call to VP Leni Robredo. It’s a total shut-out. But the same ambassadors visited Bongbong Marcos even though he has no govt post. Interesting, don’t you think?”

***

BIGLA kaming natawa ng malakas nang mabasa namin ang biro ng isang kaibigan at kaututang baso. Tinawag si Harry Roque na isang “dalahira.” Sobrang tsismoso sa madaling salita. Masyadong madaldal si Harry, kahit wala sa script, hindi maiwasan ni Harry ang dumaldal. Hindi yata mabubuhay sa mundong ibabaw si Harry kung hindi dadaldal.

Kahit anong daldal ni Harry at pagpupumilit sa mga tao na ligtas ang bakuna ng Intsik, hindi siya kinakagat. Hindi kaya ni Harry na kuminbinsi ng mga tao. Malayo si Harry sa mga naunang tagapagsalita ng pangulo. Mababa ang tingin kay Harry, sa totoo lang.

Larawan ng bigong tao si Harry Roque; hindi siya nagklik bilang isang abugado ng karapatang pantao. Nililibak si Harry dahil wala siyang naipanalong kaso sa hukuman. Alam niya ang batas at mahusay magsalita, ngunit hindi niya nakakumbinsi ang mga hukom sa kanyang panig. Totoong pang-media lang si Harry.

Gusto ni Harry Roque na maging isang senador. Ambisyon niya na maupo sa Senado at ituloy kung anuman ang kanyang ambisyon. Ngunit hindi siya gusto ng Senado. Hindi naman alam kung bakit. Kamakailan, ipiniplit niya ang bakunang SinoVac sa mga tao kahit hindi siya pinaniniwalaan at kinakagat. Narito ang isinulat ng isang kaibigan:

“The administration of the madman should do something drastic to encourage citizens to take SiniVac shots. They should form a long line where they would all take SiniVac jabs one by one in a televised act: The madman should be first to have the shot to be followed immediately by Bong Go, Francisco Duque III, Persida Acosta, Harry Roque, Carlito Galvez Jr., Sal Panelo, and Gen. Parlade. Without that single televised act, their immunization program using SiniVac is doomed.”

***

NANINIWALA kami sa obserbasyon na nasa pangalawang sigwa na ang Filipinas sa pandemya. Mapapansin ang biglang pagtaas ng bilang ng mga taong tinamaan ng Covid-19 at bilang ng mga tinatanggap sa pagamutan. Karaniwan na nasa mahigit 3,000 kada araw ang mga tinamaan. Hindi ito kanais-nais at katanggap-tanggap sa hinaharap.

Tulad ng dati, walang plano, walang estretihiya, at walang target. Walang pag-aaral at walang pag-uusap at hindi alam kung ano ang gagawin. Tulad ng nakagawian, kakapa sa dilim ang mga awtoridad na kapangyarihan na magdesisyon sa ating kalusugan. Nakakasawa na ang ating sitwasyon. Walang katapusan na paghihirap. Hindi kaya ni Duterte na pamunuan ang bansa.

***

NAKAKATAKOT ang gobyerno ni Rodrigo Duterte. Masahol sa pagong sa sobrang bagal kung kumilos ang gobyerno upang mapuksa ang pandemya. Kung susundin ang kasalukuyang pagbibigay ng bakua, aabutin ng mahigit 50 taon upang mabakunahan ang kalahati ng populasyon at magkaroon ng tinatawag na “herd mentality.”

Ngayon, bigo ang programa ng gobyerno na magbigay ng bakuna ng Intsik sa mga Filipino. Tinatanggihan ang brand na SinoVac mula China. Ayaw isugal ng maraming Filipino ang kanilang buhay at kalusugan sa isang brand na hindi kilala at subok sa bisa at kakayahan nabigyan ang mga Fiipino ng panibagong buhay.

Kung kami ang tatanungin, mistulang referendum ang taongbayan kung katig sila sa pamumuno ni Duterte. Isang mariing HINDI ang sagot sa gobyerno. Ipakikita ng mga tao ang kanilang people power sa pagtutol kay Suterte at paggamit g bakuna na galing China. Totoong sayang ang bakuna mula pa sa China. Ngunit ang matino ang pag-iisip na ang gagamit?

***

MGA PILING SALITA: “A statesman is a successful politician, who is dead.” – Thomas Reed

“Duterte was a mistake. A fake legend manufactured by politicians who claims they own the Philippines and that they should run it forever.” – Francis Ocampo, netizen

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Walang plano appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang plano Walang plano Reviewed by misfitgympal on Marso 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.