
NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa law enforcement agencies na ayusin ang kanilang koordinasyon matapos na ang magkahiwalay na drug buy-bust operations ng Novaliches Police station drug enforcement unit at ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency-CALABARZON regional office ay kamuntik nang mauwi sa madugong misencounter, malapit sa shopping mall sa Brgy. Greater Lagro, Quezon City noong May 21.
“Nagkaroon po ng, almost misencounter noong nakaraang linggo na naman po. ‘Yun po ang masakit doon. Full support tayo sa kanila — full support tayo sa PNP, full support tayo sa PDEA, lahat po ng funding requirements nila, lahat po ng operational requirements nila ay sinusuportahan po natin,” ani Go sa Senate committee hearing na isinagawa ng Committee on Public Order and Illegal Drugs.
“Pero ‘yung atin po dito ay maiwasan po itong bagay na ito. Alamin natin. Tutumbukin po natin kung bakit po nagkakaroon ng ganitong pangyayari. At sana po huli na po iyon, mga misencounter na nangyayari,” ayon sa senador.
Matatandaan na minsan nang nagkaroon ng misencounter ang PNP at PDEA sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong February 24. Dalawang pulis, isang PDEA agent at isang informant ang namatay sa insidente.
Sinabi ni Go na nalungkot si Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyari. “Pinakamasakit sa kanya, itong mismong mga law enforcement agencies pa natin,” ani Go.
“Inatasan naman po niya ang NBI as the neutral or middle po na law enforcement office or agency na mag-imbestiga po tungkol dito. At sana naman po tayo dito sa Senado ay mabigyan po natin ng solusyon,” sabi ni Go.
Positibo si Go na makapaglalabas ang lehislatura ng batas upang maiwasan nang maulit ang mga ganitong insidente.
“I’m sure, marami po tayong magagawa bilang mambabatas para maiwasan na po itong mga ganitong pangyayari,” ayon sa mambabatas.
“Importante po dito ang koordinasyon dahil puro naman ‘yan magkakakilala. So dapat ang close coordination between law enforcement agencies ay paigtingin pa po,” aniya pa. (PFT Team)
The post Bong Go sa PNP, PDEA: Ayusin ang koordinasyon para maiwasan ang engkuwentro appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: