
UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte, Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr., at iba pang opisyal na namamahala sa National Vaccination Program sa bansa na ikonsidera ang pagbibigay sa overseas Filipino workers, kinabibilangan ng seafarers, ng akma at katanggap-tanggap na bakuna sa kani-kanilang destinasyong bansa.
“May ilan sa kanila na nag-aalinlangan na magpabakuna rito sa atin dahil may ibang mga bansa na naghahanap ng specific na brand, bagama’t napatunayan na namang ligtas at epektibo ang mga bakunang mayroon tayo,” ayon kay Go.
“Hindi natin sila makukumbinsing magpabakuna ngayon kung takot silang hindi naman tanggap sa pupuntahan nilang bansa ang brand na ituturok sa kanila dito sa Pilipinas,” anang senador.
Sinabi ni Go na dapat agad mabakunahan ang overseas-bound workers upang makabalik na sila sa kani-kanilang trabaho sa ibang bansa at hindi na sila makapaghihintay pa sa kung anong vaccine brands ang ituturok sa mga ito.
“Karamihan din sa kanila ay kailangan nang ma-deploy abroad upang hindi mawala ang trabahong naghihintay sa kanila roon. Hindi na sila makakapag-antay pa ng panahon kung kailan magiging compliant na ang anumang brand ng bakuna sa iba’t ibang bansang pupuntahan nila,” paliwanag ni Go.
“Kaya kung maaari, mag-allocate tayo ng bakuna na angkop para sa kanila na tanggap sa kanilang countries of destination. This must be done in compliance with requirements for vaccines coming from COVAX facility, as well as our own vaccine prioritization order,” idinagdag ng senador.
Ibinalita din ni Go na tinatayang 10 million vaccines ang nakatakdang dumating sa bansa sa susunod na buwan, sapat na upang mailaan sa OFWs at iba pang grupo na nangangailangan ng espisipikong brands sa sandaling makarating na ang vaccine rollout sa A4 and A5 categories.
Ang OFWs na nakatakdang umalis sa loob ng 2 buwan ay kabilang sa A4 category, base sa huling IATF guidelines.
“Inaasahan naman nating may humigit-kumulang na 10 milyong bakuna na darating ngayong Hunyo. Kaya kung ano ‘yung mga brand na angkop sa kondisyon o pangangailangan ng bawat sektor, tulad ng OFWs, ay dapat ma-allocate na nang maayos,” ani Go.
Kaya naman hinikayat ni Go OFWs na suportahan ang National Vaccine Rollout—na may katiyakang maikokonsidera ang kanilang concerns.
“Sa ating OFWs, kapag dumami na po ang supply at nailatag na ang mga mekanismo upang maibigay sa inyo ang klase ng bakuna na kailangan ninyo, ipapakita n’yo na lang ang inyong passport at ibang dokumento bilang pruweba na pasok kayo sa ‘OFWs to be deployed immediately’ na nabibilang sa A4 category,” ayon sa senador. (PFT Team)
The post Akmang bakuna sa destinasyon ng OFWs, iginiit ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: