
“HINDI ito panahon ng pulitika. Ang focus namin ay makapagbakuna ng maraming Manileño.”
Ito ang deklarasyon ni Manila Mayor Isko Moreno matapos niya tanggihang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang planong pulitikal para sa 2022 at iginiit na hindi pulitika ang kailangan ng mamamayan sa ngayon.
“Basta ako, no politics. We will just vaccinate. Mga ilang buwan na lang, walang makatatangging pulitiko, puro question of politics na ‘ yan. Sa ngayon, hindi ‘yan ang kailangan ng utaw (tao). Kami sa pamahalaang-lokal, kanya-kanya ng abilidad, how to help, vaccinate and help the people survive,” pahayag ni Moreno sa isang press conference kasabay ng pagbibigay diin na may tamang oras para sa lahat ng bagay.
Samantala ay sinabi ni Moreno na kailangang maging bahagi ang isang indibidwal ng estabilisadong sistema ng pamahalaang lungsod para mabakunahan sa Maynila.
Ipinaliwanag ng alkalde na ang mga nakarehistro lamang sa pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng online o sa vaccination sites sa kaso ng mga walk-ins, ang mababakunahan.
Ang dahilan, ayon kay Moreno ay upang masiguro ng lokal na pamahalaan na mabibigyang proteksyon nila at mabantayan ang tamang bilang ng mga vaccinees sa lungsod sa pag-asang mabakunahan ang buong populasyon na nasa humigit kumulang na dalawang milyon.
Ang magandang balita naman, ayon sa alkalde ay umabot na sa 494,880 ang bilang ng mga nagparehistro sa libreng bakuna ng lungsod.
Muli ay hinikayat ng alkalde ang mga hindi pa nakapagparehistro na magrehistro na habang naghihintay na mabakunahan ang kinabibilangan nilang kategorya.
Ipinaliwanag din ng alkalde na hindi komo’t nauna kang nagparehistro ay mauuna ka ng babakunahan. Ito ay nakadepende pa rin sa priority list.
Sa kasalukuyan ang mga bakuna ay nakalaan sa medical at health frontliners, senior citizens at mga indibidwal na edad 18 hanggang 59 na may comorbidities. (ANDI GARCIA)
The post “Basta ako, no politics. We will just vaccinate” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: