Facebook

BRAND CONSCIOUS ANG MGA PINOY

HANGGANG ngayon, may agam-agam pa rin ang publiko sa pagpapabakuna.

Kaya dapat talagang tutukan ang vaccine hesitancy.

Bukod sa malapit nang ma-expire ang ilang Covid-19 vaccines, target maabot ng gobyerno ang herd immunity sa mga susunod na buwan.

Ngunit depende pa rin naman daw iyan sa available na bakuna.

Sabi nga ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng national Covid-19 vaccination operations center, dapat mabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa.

Importante ang information drive o ang pagpapaliwanag sa publiko ukol benepisyo at posibleng epekto ng bakuna.

Nasa 3.7 milyon pa lang daw kasi ang mga nababakunahan sa bansa o nasa 135,000 kada araw.

Naglabas naman ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na nagsasaad na lumalakas daw ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Sa isinagawang survey mula Abril 28 hanggang Mayo 2 ngayong taon, binanggit na 51 percent ng mga adult Filipinos ay tiwala sa evaluation ng gobyerno sa coronavirus vaccines.

Kumpiyansa raw ang 58 percent ng mga Pinoy sa pagbusisi ng pamahalaan sa mga Covid-19 vaccines at nagsabi pang handa rin silang magpaturok ng bakuna.

Ang totoo, hindi lang naman agam-agam ng publiko sa pagpapabakuna ang pinu-problema ng Department of Health (DOH) kundi maging ang pagiging brand conscious ng mga Pilipino pagdating sa bakuna kontra Covid-19.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, hindi raw dapat mamili ang tao ng bakuna.

Lahat naman daw kasi ng mga ito ay masusing napag-aralan.

Aniya, hindi naman papayag ang gobyerno na makasasama sa tao ang vaccines na ibibigay sa nasasakupan nito.

Ang masaklap, naniniwala ang ilan sa mga kababayan natin sa mga nakikita at napapanood nila sa social media ukol sa epekto sa kanila ng bakuna.

Laging sinasabi ng mga eksperto na walang bakuna na walang side effects.

Mahalaga pa rin daw kasi ang kaligtasan ng lahat.

Marami rin naman akong kakilala na nagre-report ng side effects tulad ng lagnat, sakit ng ulo, sakit ng kalamnan, at pagtaas ng presyon.

Sa awa ng Diyos, wala namang nangyari sa kanila o higit pa roon na epekto.

Kung ang DOH nga ang tatanungin, hindi raw dapat inaalala ang side effects dahil importante ang pang-matagalang epekto nito sa ating sistema.

Dahil naman sa kautusan ng Dept. of Interior and Local Government (DILG), bawal nang i-anunsiyo ng mga lokal na pamahalaan ang brand ng bakunang gagamitin sa kanilang vaccination programs.

Para nga kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, wala raw silang nakikitang paglabag sa karapatang pantao sa nasabing kautusan.

Well, sa palagay ko, may mali rito.

Kung maaari namang tumanggi ang publiko o optional ang pagpapabakuna, aba’y mahalaga rin sigurong malaman kung anong bakuna ang ituturok sa kanila.

‘Di po ba, mga kababayan?

***

PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe

The post BRAND CONSCIOUS ANG MGA PINOY appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BRAND CONSCIOUS ANG MGA PINOY BRAND CONSCIOUS ANG MGA PINOY Reviewed by misfitgympal on Mayo 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.