Facebook

Hinanakit

MATAMLAY si Bise Presidente Leni Robredo sa usapin ng halalan sa 2022. Hanggang maaari, iwas pusoy sa isyu at iisa ang paliwanag – focus siya sa kanyang mga gawain lalo na sa isyu ng pandemya. Inaamin niya na hindi siya naghahanda sa halalan. Ipinagdidiinan niya na wala pa siyang desisyon. O sadyang hindi siya nakapagdesisyon?

Maraming haka-haka kung tatakbo o hindi si Leni sa 2022. Matindi ang pressure sa kanya mula sa mga masugid na tagahanga na sa pakiwari ni Bobot Fradejas ay nagmistulang mga panatiko Nanatiling bantulot si Leni. Minsan sinabi niya sa isang panayam na sa Setyembre pa siya magpapahayag ng kanyang desisyon. Noong Linggo, galit na sinita ang mga nagtutulak sa kanya na huwag siyang pangunahan. Nakakalungkot dahil hindi siya makapagdesisyon.

Pinagtawanan ang kanyang deklarasyon na sa Setyembre pa siya magdedesisyon kung tatakbo o hindi. Maraming netizen ang nagulat sa kanyang pahayag. Paano kung ang desisyon ay hindi siya tatakbo? Paano ang oposisyon sa halalan? Maraming netizen ang naunsiyami sa kawalan ng marubdob na hangarin ng Bise Presidente na pangunahan ang oposisyon sa 2022. Hindi na pala kinakagat ngayon ang pakipot politics.

Balik-tanaw tayo sa 2015 kung saan namimili ang Lapiang Liberal ng katambal ni Mar Roxas. Tumanggi si Grace Poe na first choice. May kinausap na apat na iba pang tao ngunit pawang tumutol. Pang-anim si Leni sa mga pinagpilian.

Laking mangha ng sambayanan na ang pang-anim sa mga pinagpilian ang nanalo ng hindi inaasahan kahit siya ang may pinakamababang awareness sa mga lumaban ang nanalo. Tinalo niya ang anak ng diktador sa halalan. Dinala sa husgado dahil dinaya daw siya at nanalo pa rin sa hukuman. Si Leni Robredo ang ganap na pangalawang pangulo.

Hindi diyan nagtatapos ang kuwento sa kanyang paghahalal. Naharap sa pinakamahirap na sitwasyon ang Pangalawang Pangulo. Biktima siya ng panggigipit at fake news ng kampo ni BBM. Hindi nagtagal at si Rodrigo Duterte at ang kanyang kampo ang gumipit sa kanya. Santambak na fake news ang ibinato sa kanya.

Kung ano-ano ang ibinato sa kanya. Pawang mga gawa-gawa ng mga binayaran na operator. Hindi siya nilulubayan upang sirain ang kanyang loob sa batikos na walang batayan. Pawang pagtitimpi ang kanyang isinukli aa mga kampon ng kadiliman. Hindi siya mandirigma na kaparis ni Sonny Trillanes, isang dating sundalo, na marunong sumalag at marunong lumusob.

Isang butihing maybahay si Leni ng nasawing asawa, pulitiko, at lingkod bayan mula sa Naga City. Sumabak sa pulitika at nanalo sa unang pagtatangka. Naghahanda na upang sumabak sa reeleksyon sa 2016 nang piliin upang maging katambal ni Mar Roxas. Masunurin na kasapi ng lapian si Leni at pumayag.

Mistulang naging retiradong pulitiko si PNoy noong 2016 at hindi na nakialam sa takbo ng bansa. Ganoon din si Mar Roxas na natuwa sa kanyang buhay may-asawa at bagong papel na ama ng mga anak. Pareho silang nanahimik habang binuno ni Leni ang maraming unos bilang pangalawang pangulo. Hindi nila tinulungan si Leni sa gitna ng mga unos .

Hindi makaagapay si BBM sa kanyang paglupig at mukhang nagbayad ng santambak ng troll at mga pipitsugin at patapon na mga blogger. Kabi-kabilang kampanya ng insulto, galit, at malisya ang kanyang tinanggap mula sa nagpapanggap na anak ng diktador. Maliban sa mga ilang tapat na kasapi ng Liberal Party, hindi tinulungan si Leni ng mga kasama.

Kung kami ang nasa lugar ni Leni, hindi maiiwasan na mag-isip: Dinala ako sa sitwasyon bilang pangalawang, pangulo, ngunit basta ako iniwan at hindi tinutulungan ng pamunuan ng lapian. Wala pala akong maaasahan sa kanila. Hinanakit sa madaling salita.

Dumating ang halalan ng 2019 at nahirapan si Leni na pamunuan ang oposisyon sa paglalatag ng mga kandidato sa iba’t ibang puwesto at lalawigan. Kulang ang suporta sa Otso Diretso, ang walong kandidato sa senador. Pawang mga natalo sa laban.

Kung kami si Leni, titingkad ang paniniwala namin na pinabayaan ng mga pangunahing lider ng puwersang oposisyon ang laban. Hindi sila maasahan sa bakbakan. Hindi kami nagtataka kung may hinanakit si Leni. Mas lalong hindi kami magtaka kung maging bantulot si Leni sa 2022 dahi hindi siya sigurado sa suporta ng mga kakampi.

***

May isang netizen na pumapapel bilang pantas sa usapin ng pulitika. Hindi maganda umano na ipahayag ni Leni Robredo ng maaga ang kanyang plano na pagtakbo. Ito ang mahirap sa social media dahil sampu-singko ang mga marunong at nagmamarunong. Gayunpaman, sinagot ko ang netizen at ito ang aking sagot:

“She may not announce it publicly but there should be a modicum of respect for her followers. How she would do it is an issue. Some private meetings with valued groups and friends would help. There have to be some moves on alliance building, party strengthening like education and recruitment, or some moves on fundraising.

“What I see is indecision. That’s not strategy or tactics… Kalokohan iyan.. The LP is literally dead. Because of her indecision, wala kahit anong activity sa Liberal Party. You call it strategy?”

Pinaninindigan ko na kawalan ng paggalang sa mga tagasunod at tagasuporta ng Bise Presidente ang hindi nila malaman kung tatakbo o hindi ang kanilang idolo. Mahusay na lider si Leni ngunit mukhang pinanghihinaan ng loob. Wala kasing kasiguruhan kung tutulungan siya ng Liberal Party na apektado ang kabuhayan nga lider dahil sa pandemya.

Alam niya na hindi maaasahan ang mga maiingay na tagasunod na magbibigay ng P500 o P1,000 bilang donasyon, ngunit iginiit ang kanilang baluktot na katwiran kung paano patakbuhin ang kampanya. Alam niya na wala siyang maaasahan sa panatisismo ng ilang tagasunod. Hindi sila ang magdadala sa kanya sa panalo.

***

NOONG Linggo, ipinahihiwatig ng Bise Presidente na isang lokal na posisyon ang maaari niyang asintahin sa 2022, ngunit ipinagdiinan niya na wala pa siyang desisyon kung anong puwesto at kung maaari huwag siyang pangunahan. Aniya: “Open ako sa lahat ng posisyon; tumakbo bilang pangulo, tumakbo bilang gobernador; tumakbo bilang congressman; tumakbo bilang mayor. ” Sinabi ni Leni ang mga salitang iyan sa kanyang lingguhang programa “Biserbisyong Leni” sa istasyong dzXL.

“Kung tatakbo ako, gusto ko lokal – gobernador, mayor. Iyan ng gusto kong trabaho. Pero wala pang desisyon,” kanyang giit. Parusa ang pahayag sa kanyang mga panatikong tagahanga. Hindi ito maganda sa kanyang pulitika. Larawan siya ng isang tao na hindi makapagdesisyon.

The post Hinanakit appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hinanakit Hinanakit Reviewed by misfitgympal on Mayo 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.