
KAHABAG-HABAG naman ang sinasapit ng ilan nating mga senior citizen na halos 15 buwan ng hindi nakakatanggap ng kanilang monthly allowance na P500 mula sa lungsod ng Maynila.
Bagama’t may pinanghahawakan na mga ATM card ng PayMaya, balewala rin daw ito dahil ni minsan daw ay hindi ito nagkakaroon ng laman mula pa ng Enero ng nakalipas na taon.
May mga situwasyon naman daw na cash-out ang binibigay ng lungsod ng Maynila na pinamimigay naman sa kani-kanilang barangay nguni’t hindi pa rin sila kasama sa dahilang galing daw sa city hall ang lahat ng pangalan nakatala dito.
Saan naman kaya binase ng city hall ang mga pangalan ng mga senior citizen na nakalista dito? Natural at matic na galing din ito sa barangay, di po ba?
Kawawa naman ang ilan sa ating nakakatandang kababayan na dini-dribble at pina-paikot na lang na parang bola ng ilan kawani ng barangay he he he
Hindi mo naman daw matanong o mahingan man lang ng dapat nilang gawin ang mga ito dahil bigla ka na lang daw sisigawan at aakusahan pang mga makulit.Sa city hall na lang daw magreklamo at mangulit dahil doon galing ang lahat ng pangalan ng mga senior na dapat bigyan ng monthly allowance.
Iba-ibang dahilan ang maririnig mo sa mga kumag na ito lalo na sa Pangulo ng OSCA sa bawat barangay na basta-basta na lang daw aalisin sa listahan ang iyong pangalan sa dahilan na hindi na daw nila nakikita ang mga ito.
Eh di maliwanag na mga gago at inutil ang mga ito, bakit kamo? Natural na hindi mo nga makikita ang mga ito dahil stay home lang at mahigpit na pinagbabawalang lumabas ng bahay.
Ano ba gusto niyong mangyari, lumabas at umistambay sa barangay niyo upang makita niyo at m alaman na buhay pa sila o baka naman meron kayong gustong ipahiwatig dahil di yata nagpaparamdam sa inyo.
May mga barangay chairman naman na kung ilan taon ka ng botante sa kanilang baluwarte eh bigla kang papalipatin sa dati mong barangay mula ng panahon ng pandemic dahil sa ito raw ang utos ni Yorme.
Dapat daw na doon ka lumipat sa iyong barangay na kung saan pinakamalapit ang iyong bahay upang agad na matanggap ang mga ayudang ipapamudmod.
Eh isa ka pa rin pa lang malaking gago chairman dahil noon mga lumipas na botohan ay ikaw mismo ang namimilit na sa iyong barangay na sila magparehistro para tulungan ka tapos ay bigla mo na lang itataboy na parang mga hayop samantalang pinakinabangan mo rin naman ang mga ito partikular na noong barangay election.
Sinira mo lang at ginulo ang kanilang buhay, di ba chairman? Ngayon ay bibigyan mo pa ng problema ang mga ito dahil hindi rin naman sila basta-basta tatanggapi sa dati nilang barangay, eh kung tutuusin kasi ay wala namang problema, pinahirapan mo lang.
Mantakin mong sa COMELEC ka pa daw dapat magparehistro lalo na sa ganitong usapin ng change o transfer of barangay and residence. Ito daw ang pinaka-legal na paraan upang muli kang makabalik sa dati mong barangay na kung saan mo pa lang matatanggap ang iyong mga pribilehiyo’t karapatan bilang isang senior citizen.
Ilan buwan pa silang maghi-hintay at sino kaya ang tumatanggap ng kanilang allowance at ayuda mula pa noong Enero 2020? Sana naman ay maawa kayo dahil sa matanda na at mahina na ang mga ito para personal pang magpunta sa kung saan-saan.
Mas lalong dapat natin silang unawain at intindihin dahil hindi na sila mga milleneal at hindi na rin updated sa mga bagay-bagay partikular na sa kanilang mga PayMaya card. Sana naman ay tigilan niyo na ang inyong mga kalokohan at gimik sa buhay.
Sa puntong ito ay nananawagan ang mga kababayan nating mga senior citizen kay Yorme Isko Moreno na pinaniniwalaan nilang huli at tanging pag-asa hinggil sa klanilang pinagdadaanang problema.
Wala na raw silang ibang tao pang malalapitan kundi kayo Yor-me dahil masasayang lang daw ang kanilang panahon sa mga istupidong mga chairman at presidente ng OSCA na wala raw sustansiyang kausap.
Isa rin ang iyong abang-lingkod sampu ng ating mga nakaka-tanda ang apektado rin sa isyung ito Yorme. Kami po ay umaasang matutugunan ang aming dinadaing sa lalong madaling panahon.
The post Ilang senior citizen nananawagan kay Yorme, 15 buwan ng hindi natatanggap ang monthly allowance appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: