Upang ganap na masolusyunan ang insurgency problem sa bansa partkular sa mga liblib-lugar ay pinag-iigting ngayon ang mga pagseserbisyo ng gobyerno tulad sa pagpapadala ng mga pantulong sa mga pamilyang nabibilang sa Retooled Community Support Program (RCSP) ng gobyerno na puspusang isinusulong ng tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go.
Kamakailan ay nagpadala ng asiste si Go sa 52 pamilya na kabilang sa RCSP sa Borongan City, Eastern Samar na apektado ng local armed conflicts at isinunod ang pamamahagi rin ng mga asiste sa 40 families ng Brgy. San Isidro, Quinapondan. Nagsagawa ng pagpapakain at namahagi ng mga food pack, vitamins, masks, face shield na ang ilan ay nabigyan ng mga bagong sapatos bilang katulungan sa mga benepisaryo ngayong panahon ng community quarantine.
Sa mga bagong COVID-19 variant na nasusumpungan ngayon sa ating bansa, si Go na siyang Chairman ng Senate Committee on Health ay nanawagan sa pamamagitan ng kaniyang video message sa lahat ng benepisaryo na magkatulungan ang mga sektor sa kanilang komunidad upang mapanatili ang seguridad laban sa pandemya. Aniya, kailangang pamalagiin ang pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at sundin ang mga ipinaiiral na health protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus.
“Nakakabahala ang balitang kinumpirma ng DOH (Department of Health) na nakapasok na sa Pilipinas ang Indian variant ng COVID-19. At alam niyo, delikado po ito dahil sinabi po ng WHO na variant of concern po ito dahil posibleng mas nakakahawa at mas malubha ang epekto nito sa tao. Huwag ho tayong mag-panic dahil ginagawa naman po ng gobyerno ang lahat para matugunan po ito. Gayunpaman, huwag din tayong magkumpiyansa. While the government is on top of the situation, the cooperation of everyone is crucial in order for us to overcome these challenges,” pagpupunto ni Go.
Nagpahayag ng pag-aalala si Go ngayong pandemya sa sitwasyon ng mga residente ng Quinapondan na ang mga pamilyang walang kakayanan sa mga bayarin sa pagpapagamot o pagpapaospital na huwag mag-atubili ang mga ito na magpatulong sa Malasakit Center sa Eastern Samar Provincial Hospital, Borpngan City.
Ang Malasakit Center ay one-stop shop para hinde na mahirapan ang mga pasyenteng manghinge ng medical assistance mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at sa Philippine Charity Sweepstakes Office.
“Batas ito na aking isinulong at pinirmahan ni Pangulong Duterte. Mayroon na ngayong 110 Malasakit Centers sa buong Pilipinas. Ang target ng center ay zero balance para wala ng babayaran sa ospital ang mga poor and indigent patients,” pahayag ni Go.
Sa nasabing okasyon ay dumalo rin ang iba’t ibang ahensiya para sa pagsuporta sa RCSP na isang mekanismo ng national government upang matigil na ang armed conflict sa paraang pagpapadala ng basic services sa mga lugar na apektado ng insurhensiya o sa mga lugar na pinaghahasikan ng kaguluhan mula sa hanay ng mga terorista.
Para maibsan ang matinding kahirapan, ang DSWD ay nagkaloob ng financial assistance sa bawat mga pamilya at ang Department of Trade and Industry kaagapay ang Technical Education and Skills Development Authority ay magkakaloob naman ng livelihood assistance at skills training courses para sa mga kuwalipikadong indibiduwal.
Sa video message ni Go ay pinasalamatan nito ang mga local official na nagtulong-tulong para maihatid ang mga pang-asiste sa mga pamilyang naninirahan sa conflict-ridden areas. Kabilang sa mga dumalo sa programa ay sina Gov. Ben Ebardone, Vice Gov. Maricar Sison, Mayor Rafael Asebias at Vice Mayor Leo Jasper Candido.
Pinasalamatan din ni Go sina Office of Civil Defense Regional Director Lord Byron Torrecarion, Department of the Interior and Local Government Region 7 Director Karl Rimando at Philippine National Police Region 7 Director PBGen. Ronaldo de Jesus.
Ang pagpopondo sa programa at proyekto sa Eastern Samar ay sinuportahan ni Go sa pamamagitan ng pagbili sa karagdagang ambulansiya, Balangkayan Rehabitation sa Brgy. Caisawan at ang pagpapatayo ng Borongan Community Hospital at iba pang mga proyekto.
“Sana po ay makatulong po itong mga proyektong ito sa pag-unlad ng inyong probinsya diyan sa Eastern Samar. Basta kami po ni Pangulong Duterte, nandito lang po kami na handang magserbisyo sa abot ng aming makakaya sa mga taga-Eastern Samar. Tandaan po ninyo, mahal na mahal po namin kayo ni Pangulong Duterte,” pagpapahayag ni Go.
The post INSURHENSIYA SINUSOLUSYUNAN NG GOBYERNO – SEN. GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: