SA kabila ng mga paninira at pambabatikos sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ay kahanga-hanga naman ang todo-suportang nakukuha nito, hindi lamang sa malaking bilang ng mga opisyal ng nasyunal at lokal na pamahalaan, kung di pati na rin sa mga maimpluwensiyang indibidwal at samahan.
Nakikita nating dahilan sa pagbuhos ng suporta sa NTF-ELCAC ay ang Barangay Development Program (BDP) nito, kung saan ang halos 822 napag-iwanang mga barangay dahil sa pang-gugulo ng komunistang teroristang Communist Party of the Philippines New People’s Army (CPP-NPA), ay nagkaroon bigla ng pag-asang “maka-moved on” ika nga, o umunlad.
Bakit ka ninyo na naman? Eto ang kasagutan – mismong si National Security Adviser Hermogenes Esperon ang nagpaliwanag sa akin na kailanman ay hindi nangyari sa anumang makabuluhang proyekto ng pamahalaan ang ganitong todo-suportang inaani sa ngayon ng NTF-ELCAC nang dahil sa BDP nito.
Ang intensiyon kasi ng BDP ay kaunlaran para sa mga lugar na napaka-lalayo at pinagpugaran pa ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA. Ibangon sa kahirapan at pagdurusa ang mga residente nito at bigyan ng kabuhayan at ibang pangangailangan na magpapagaan ng kanilang mga buhay sa kanayunan, na siya namang tunay na layunin kaya itinatag ng pamahalaan ang NTF-ELCAC.
Ang paliwanag pa sa akin ni Esperon na siya ring Vice Chairman ng NTF-ELCAC, katunayan nga raw, ay mayroon ng 518 na barangays, 366 siyudad at munisipalidad at dalawampung probinsiya ang nagpasa na ng kani-kanilang mga resolusyon upang suportahan ang Task Force at ang BDP nito.
Ang mga ito rin daw ang tumutol na pigilin ang mungkahing tapyasan ang budget ng NTF-ELCAC at ng BDP nito, dahil mangangahulugan lamang na lalakas muli ang banta ng CPP-NPA sa mga kanayunan.
Ang kakaibang layunin ng BDP o kung tawagin natin sa ingles na “game changer” na inisiyatiba ng programa, ayon kay Esperon, ang magtataboy sa mga komunistang-terorista, at magbibigay naman ng daan para sa kaunlaran, para sa mga lugar na dating ginugulo lamang ng CPP-NPA.
Tulad na rin ng suportang ipinahayag naman ng grupo ni Pastor Apollo C. Quibuloy na may kasaping higit pa sa anim na milyong miyembro. Para sa kanila ang layunin at programa ng Task Force ay para tapusin na ang 53 taon ng insureksiyon ng teroristang-komunistang samahan.
Wala naman talaga sa lugar ang panawagan na buwagin o tapyasan ang pondo ng NTF-ELCAC, dahil ang mga lugar o mga barangay na makikinabang dito ay matagal nang umaasang magbabago rin ang kanilang mga kalagayan sa buhay gaya ng nangyayari sa kanila ngayon matapos maitaboy ng pamahalaan ang mga insurektos na CPP-NPA.
Mali rin ang paratang na ang sinasabing P16.44 bilyong pisong pondo para mga barangay na dating ginugulo ng komunismo ay napupunta sa NTF-ELCAC. Ito raw ayon pa rin kay Esperon ay di dumadaan sa Task Force, kung di ay sa mga Provincial o City Goverment ito dumadaan upang mapabilis ang paglalatag ng kaunlaran.
Ipinaliwanag ko na rin ito sa inyo noon nang aking isulat sa pitak na ito kung paano ibinababa ang mga nasabing pondo. P20 milyong pisong pondo para sa kada barangay. Kabilang dito ang P12 milyong pisong ‘farm to market roads, P3 milyong piso para sa gusaling pang-paaralan, P2 milyong piso para sa malinis na tubig at sanidad, P1.5 milyong piso para sa health station at P1.5 milyong piso para sa livelihood assistance.
Kaya naman maging ang ating mga mambabatas lalo na ang mga lokal na opisyal at mga kongresistang apektado ng kabuktutan ng CPP-NPA sa kanilang mga nasasakupan ay tutol din sa pagbubuwag o pagtatabas ng pondo ng NTF-ELCAC.
Gaya na rin nilia Senate President Senator Tito Sotto at National Defense Committe chair Senator Panfilo Lacson, na parehas nagpaliwanag na mail ang mga iminumungkahi ng ibang sektor para sa NTF-ELCAC. Para sa kanila ang pagbubuwag o pagbabawas ng pondo sa Task Force ay pagbabalik lamang ng mga barangay at lugar sa mga kamay at panggugulo ng teroristang-komunistang CPP-NPA.
The post Kahanga-hanga ang suporta sa NTF-ELCAC appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: