Facebook

Magagawa ba ni Eleazar na itaas ang imahe at kredebilidad ng PNP?

SIMULA nang maluklok na Ika-26 na hepe ng Philippine national Police (PNP) si General Guillermo Lorenzo Eleazar nitong Mayo 7 ay araw – araw nang mayroon siyang pahayag sa media na kanyang mga gagawin para sa pambansang pulisya at nararapat gawin ng huli sa ating bansa at mamamayang Filipino.

Nariyan ang pagkakaisa ng mga Kristiyano at Muslim tungo sa kapayapaan ng Pilipinas na walang dudang maganda at makabuluhan.

Mayroon ring pahayag si Eleazar hinggil sa pagkilos at pagtatanggol ng PNP – Maritime Group sa West Philippine Sea (WPS).

Napapanahon ang pahayag ni Eleazar tungkol sa trabaho, tungkulin at obligasyon ng PNP sa WPS, lalo pa’t masyadong ‘mainit’ ang usaping ito.

Ang isa pang nakahagip ng aking atensyon ay ang idiniin ni Eleazar na pagbawi ng nawalang “tiwala at kumpiyansa” ng publiko sa PNP.

Sabi ng heneral, kailangang maibalik ang “glory days” ng PNP.

Kaya, ang tanong ko – at marahil maging ng napakaraming tao – ay magagawa ba ni General Eleazar na itaas ang imahe at kredebilidad ng PNP?

Kung si Eleazar lang, nakatitiyak akong kayang – kaya niya dahil siya mismo ay walang masamang nagawa na ikasisira ng PNP.

Simula nang makilala ko si Eleazar noong direktor siya ng Quezon City Police District (QCPD) ay wala akong nabalitaang nagawang masama at negatibo si Eleazar na nakasira sa PNP.

Pero, paano ang kapwa niya mga opisyal?

Magagawa ba ng mga opisyal at ng lahat ng kasapi ng 220,000 – puwersa ng PNP na sumunod, makiisa at tumalima sa kagustuhan ni Eleazar na baguhin ang bagsak na imahe at kredebilidad ng PNP?

Katulad ng PNP – Maritime Group na bihirang nababanggit sa media.

Ngunit, banas na banas ang maraming mga mangingisda sa Maritime Group dahil kinukumpiska ang kanilang mga bangka at mga gamit sa pangingisda, samantalang binibigyan nila ang mga opisyal nito ng mga isda.

Pokaragat na ‘yan!

Maliban sa isda, mayroon pang ‘tara’ ang mga opisyal ng Maritime mula sa mga mangingisda.

Ang tara na ito ay walang iba kundi pera!

Pokaragat na ‘yan!

Mayroong mga mangingisda mula Pangasinan ang nagsabi sa akin na labis – labis ang kanilang ‘pakikisama’ sa mga opisyal at maging tauhan ng PNP – Maritme upang huwag namang sobrang higpit ng mga ito sa kanila.

Ang ibig sabihin ng pakikisamang ‘yan ay bigyan sila ng isda, magbigay pa ng pang-inom kung mayroong birthday ang sinuman sa mga opisyal at libu-libong pera kada buwan.

Pokaragat na ‘yan!

Isa mga matindi ay ang opisyal sa PNP – Maritime sa Region 1 ay itago natin sa alyas na “PolKa” (as in polkadats).

Sa kuwento ng mga mangingisda sa Region 1, notoryus daw ang PolKa na ito.

Tulad ng lahat ng pulis, gusto nitong maging heneral upang tumaas ang suweldo at benepisyo niya kapag heneral na siya.

Walang masama sa ambisyon ni Polka.

General Eleazar, ang masama kay Polka ay notoryus kung kumabig mula sa mga mangingisda.

Pokaragat na ‘yan!

Dahil sa ginagawa ni PolKa, naniniwala ang mga mangingisda na posibleng ganyan din ang ginagawa ng mga opisyal ng PNP – Maritme Group sa iba’t ibang rehiyon laban sa mga mangingisda.

Siyempre, ang ginagawa ng mga pulis sa PNP – Maritime ay pihadong nakararating sa mga asawa ng mga mangingisda, sa mga pamilya ng mga mangingisda, sa kanilang mga kamag-anak at mga kapit – bahay.

Sa ganyang pagkalat ng impormasyon, maraming Filipino ang nakakaalam ng iligal, bawal at masamang gawain ng mga pulis sa PNP – Maritime Group laban sa mga maliliit na mangingisda.

Sa Maritime pa lang ‘yan, wasak na ang PNP.

Pokaragat na ‘yan!

Paano pa ang ibang yunit ng PNP, lalo na ang mga police station sa bawat lungsod at bayan na mayroong parating kung mayroong jueteng, tupada at iba pang sugal?

Kaya, napakalaking hamon ang itinakda ni General Eleazar sa kanyang sarili na baguhin at ibalik ang tiwala at kumpiyansa ng publiko sa PNP.

Ang mga journalist, partikular na ang mga kaibigan ni Eleazar, ay pihadong tutulong sa kanyang mithiing baguhin at iangat ang imahe at kredebilidad ng PNP.

Sana, tumulong din mismo ang lahat ng opisyal at kasapi ng PNP upang maiangat ang imahe at kredebilidad ng pambansang pulisya dahil para din sa kanila ang plano ni Eleazar.

Unahin ni Eleazar si PolKa na tanggalin sa PNP – Maritime Region 1 at ilipat ng puwesto habang nagsasagawa ng imbestigasyon laban sa kanya.

Madidiskubre sa imbestigasyon na hindi karapat-dapat na maging heneral si PolKa

The post Magagawa ba ni Eleazar na itaas ang imahe at kredebilidad ng PNP? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Magagawa ba ni Eleazar na itaas ang imahe at kredebilidad ng PNP? Magagawa ba ni Eleazar na itaas ang imahe at kredebilidad ng PNP? Reviewed by misfitgympal on Mayo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.