HALOS tapos na ang Manila Islamic Cemetery na nasa loob ng city-run Manila South Cemetery.
Ito ay inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na siya ring nag-utos na itayo ang Muslim cemetery sa 2,400 metro kwadradong lote upang maging eksklusibong libingan ng mga labi at buto ng mga residenteng Muslim sa Maynila.
Dumalaw at nagsagawa ng ocular inspection si Moreno sa nasabing sementeryo nitong nakaraang katapusan ng Ramadan kung saan kasama niya sina At City Engineer Armand Andres, Manila Health Department (MHD) head Dr. Arnold Pangan, Manila Emergency Operations Center (MEOC) chief Dr. Edgar Santos na siyang may kontrol at mangangasiwa sa sementeryo at si MSC Director Jess Payad.
Sinabi ni Payad na 24 ektarya ang inilaan sa nasabing sementeryo kung saan patuloy na ginagawa sa kabila ng pandemya.
Nabatid mula kay Andres na ang sementeryo ay matatapos sa katapusan ng buwan ng Mayo.
Hulyo ng nakaraang taon nang magsagawa ng ground breaking sina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna sa nasabing lugar. Ang pagpapatayo ng sementeryo ay resulta ng Manila Ordinance No. 8608 na ipinasa ng Manila City Council kung saan si Lacuna ang pinuno bilang presiding officer at naglaaan ng P49.3 million ang konseho bilang gastusin sa pagtatayo nito.
Kabilang sa sinasaad ng ordinansa ay ang pagtatayo ng Cultural Hall at paglikha ng plantilla items para sa kukuning kawani para sa bagong Muslim Cemetery Division.
Napansin ni Moreno na habang may mga sementeryo sa mga Pinoy at Intsik sa lungsod ay wala namang sementeryo ang mga Muslim kaya naisipan niya ang pagtatayo nito para sa city-based Muslim community
Binigyang konsiderasyon ni Moreno sa pagtatayo ng ‘Manila Islamic Cemetery,’ ang lahat ng tradisyon ng mga Muslim, dahil isang seryosong tradisyon sa mga ito ang paglilibing ng kanilang mga patay.
Dahil mayroon lamang isa o dalawang Muslim cemeteries sa Metro Manila, sinabi ng alkalde na sumikip na ito para sa mga miyembro ng Muslim community kung kaya napipilitan silang iuwi ang kanilang bangkay sa Mindanao na kung saan mahal ang gastos para sa mga regular Muslim-Filipinos.
Ang Maynila ay mayroong napakalaking bilang ng mga Muslim kung saan ang mga ito ay may kooperasyon at nakikipagtulungan sa sa pamahalaang lungsod pagdating sa community building at negosyo.
‘Providing them a burial site is our simple way of giving back to them although this is certainly not enough,’ giit ni Moreno.
“Ito ay pagkilala sa mga ninuno nating Muslim. It’s long overdue. It’s our own little way of giving them recognition as our ancestors and letting them know that they belong,” dagdag pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post Manila Islamic Cemetery, halos tapos na — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: