PAGDATING sa bakuna walang holiday, walang Sabado at Linggo.
Ito ang pagtitiyak ni Manila Mayor Isko Moreno sa vaccination program ng lungsod kasama si Vice Mayor Honey Lacuna bilang namumuno, at hindi aniya sila titigil hanggat may bakuna na available sa kabisera ng bansa.
Maliban pa dito ay inanunsyo rin ni Moreno ang kabuuang bilang ng bakuna na naipamigay na noong Lunes na umabot sa all-time high record sa Manila na 15,763 kung saan sakop nito ang mga medical frontliners, senior citizens at mga edad 18-anyos hanggang 59-anyos na may comorbidities.
“Hinabaan talaga namin ang oras para mayakap ang lahat sa lalong madaling panahon,” sabi ni Moreno kasabay ng paliwanag niya na ito rin ang dahilan kung bakit naisipan nila ni Lacuna na magdagdag pa ng panibagong vaccination site bukod pa sa 18 vaccination sites na nag-o-operate ng hanggang 14 oras bawat isa mula ala-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.
Pinasalamatan ni Moreno si Lacuna at ang vaccinating teams mula sa Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold Pangan sa kanilang dedikasyon at sa tungkuling ginagampanan ng mga ito kahit lagpas na sa normal na oras ng trabaho.
Pinuri din ng alkalde ang mga residente na dumadagsa sa mga vaccination sites.
“Bilib ako sa mga Batang Maynila sa inyong pagtitiyaga. I’m really proud of you at pinahahalagahan ninyo ang inyong mga sarili.Basta tayo, first come, first served basta nasa priority listing,” sabi ni Moreno.
Ipinaliwanag pa ng alkalde na kapag nagbigay na ng go signal ng bakuna sa para sa susunod na priority categories, ang city government ay magtatakda pa ng mas maraming special vaccination areas upang ma-accommodate ang mas maraming residente na gustong magpabakuna.
“Ang tanging setback ay kailangan ninyong maghintay ng dalawa o tatlong oras dahil binabaha po talaga tayo ng mga tao. Pero hindi sa pagbubuhat ng bangko, maayos naman ang mga pila at lugar… talo inip. Isang taon na tayo naghintay tiyagain na natin,” sabi ni Moreno. (ANDI GARCIA)
The post Pagdating sa bakuna, walang holiday, walang Sabado at Linggo — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: