UMAPELA si Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulan na buksan o simulan na COVID-19 vaccination sa mga indibiwal sa A4 at A5 categories para mapabilis ang vaccine rollout ng pamahalaan at madagdagan ang vaccination rate sa bansa.
Ayon kay Go, chair ngSenate Committee on Health, nakikipag-usap siya sa mga opisya ng Executive, gayundin sa mga lider mula sa private sector, kung paano pa mapararami ang rollout at maresolba ang logistical challenges. Isa sa suhestyon ay pasimulan na ang vaccination sa A4 at A5 groups sa lalong madaling panahon.
“Dumarating na po ang mga bakuna pero nasa A1, A2, A3 pa rin po tayo. Ibig sabihin, doon sa priority list po ang A4 po ay ‘di pa mabakunahan. Sabi ko nga pwedeng payagan na ang A4 list dahil 25 million ito… importante dito walang masayang na bakuna dahil may ibang A1, A2, A3 na ayaw pa nila magpabakuna. Pwede namang balikan na lang sila.”
“May mga undecided pa po. Para walang masayang na bakuna, walang ma-expire, walang masayang na panahon, habulan po ito para makamit ang herd immunity this year. ‘Yun ang target natin, ma-attain ang herd immunity by November para naman po sumaya ang ating Pasko,” sabi ni Go.
Suportado ni Go ang tinatawag na “Focus and Expand–Center of Gravity” vaccination strategy o ang pagpopokus ng pagbabakuna sa nine high-risk areas na National Capital Region, lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, at Batangas at sa urban agglomerations ng Metro Cebu at Metro Davao.
Ang mga nasabing lugar ay itinuturing na economic centers na pinanggagalingan ng 72% ng gross domestic product ng bansa. Ang mga area ring ito ang pinaka- exposed sa COVID-19 transmission.
“Ang essential sectors o A4 category, kasama na diyan ang economic frontliners, ay napakaimportante upang mabalanse lalo ang pagprotekta sa kalusugan at pagpapasigla ng ating ekonomiya,” sabi ni Go.
“Tulad din ng pangako namin ni Pangulong Duterte, sisiguraduhin nating makakarating ang bakuna sa mga mahihirap at pinakanangangailangan, ‘yung mga “isang kahig isang tuka” at yung mga kailangan lumabas upang buhayin ang kanilang pamilya. Ito ang A5 category kung saan nabibilang ang mga indigent,” idinagdag ng senador. (PFT Team)
The post Pagbakuna sa A4 at A5 priority groups, pinamamadali ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: