DINAKIP ang isang barangay personnel sa Caloocan City nang gumamit ito ng pekeng ID sa isang remittance center para makuha ang cash aid ng isang residente.
Kinilala ang naaresto na Ericka Ignacio Francisco, tauhan ni Bgy. Chairman Ronnie Masaoay ng Barangay 185.
Sa ulat, nahuli ng mga kawani ng money remittance center na nameke ng ID si Francisco para makuha ang ayuda na nakapangalan kay Arlene Miranda Suarez.
Ayon sa mga tauhan ng Western Union, namukhaan nila si Ericka nang muling pumila para makakuha ng ayuda. Laking gulat nila ng ibang pangalan ang nakalagay sa kanyang prinisintang ID. Sa kanilang beripika-syon, halos makatatlong beses na itong kumuha ng tig-tatlong libong ayuda na nakapangalan sa ibang tao. Tinataon ni Erika na ibang teller ang nagbabantay upang hindi siya mamukhaan.
Inamin ni Francisco ang kanyang pagkakamali. Sa kanyang salaysay, halos lahat ng kawani ng Barangay 185 ay ginagawa ang ganitong modus. Kinikilala nila ang mga nakalista sa ayuda mula sa DSWD at kapag wala ito sa kanilang bahay o nasa ibang lugar ito ay ginagawan nila ng Residence Identification Card mula mismo sa kanilang barangay.
Ayon sa ulat, nang tinanong si Erika kung alam ba ni Chairman Masaoay ang modus na ito at kaparte sa hatian ng ayuda, nagtikom-bibig lang at bakas ang takot sa kanyang mukha.
Kinumpirma naman ito ni Masaoay nang mai-post sa Facebook.
Hindi na nagpahayag ng dagdag na detalye si Masaoay.
Pero saad sa Facebook post na nabuking ang modus ng barangay personnel nang matandaan ng cashier si Ericka na nauna nang nag-claim ng kanyang financial aid.
“Kamakailan lang ay may kumalat na balita sa social media na diumano’y isang kawani ng barangay ang nasangkot sa isang kontrobersya sa pamemeke ng ID upang makakuha ng SAP,” saad ni Masaoy sa kanyang Facebook page. “Sa aking pagsisiyat ay napag-alaman ko na ito ay kagagawan ng isang tao lamang. Masakit nga lang isipin na ito ay kawani ng barangay.”
Sinuspinde na ni Masaoay ang empleyado na nagboluntaryo naring magbitiw dahil sa insidente.
Inihahanda na ang patong-patong na kaso na isasampa laban kay Ericka at sa iba pang sangkot sa modus na ito.
The post Tirador ng ayuda: Tauhan ng barangay buking sa pekeng ID para kumubra ng pera appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: